Marvin Agustin--definitely not the kiss-and-tell kind (for now)


"I really like her. At saka, gusto lang naming enjoy-in ngayon whatever we have," says Marvin Agustin about Angel Locsin.


"Saka na lang," ang paboritong sagot ng aktor na si Marvin Agustin sa lahat ng inihaing tanong sa kanya ng mga kaharap na entertainment press sa press con ng pelikulang Angels, sa Grand Terrace, Commonwealth Avenue, kaninang hapon, June 14.



Angels ang first venture ni Angel Locsin bilang producer; kasali rin siya bilang artista sa episode na "Angel of Mine." Si Marvin naman ay tampok sa episode na "Daddy's Angel."

Ang isang tanong kay Marvin, na malamang na patuloy na maghahanap ng kasagutan sa mahaba-haba pang panahon, ay may kinalaman sa pagli-link sa kanila ni Angel.



"Hindi naman ako nanliligaw, e," sabi niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Basta! Saka na lang natin pag-usapan. Kasi gaya nga ng sinabi niya, mas ini-enjoy muna namin ang special closeness namin now. Lagi naman kaming nagkakasama."



Paano bang manligaw ang isang Marvin?



"Saka na lang... Basta, alam nyo na 'yon," sagot niya.



Magtatanong ba kami kung alam na namin ang totoong kasagutan, sabi naman namin.



"E, hindi nga kasi ako masalita."



So, ano ang ibig sabihin ng ipinapakita niyang pagki-care kay Angel, gaya ng pagiging aligaga niya noong mag-birthday ang dalaga sa Boracay, na balita ngang ang aktor ang sumagot ng lahat ng gastos?



"Basta," ang nakangiti lang na sabi ng binatang ama ng kambal na sina Santiago at Sebastian. "I really like her. At saka, gusto lang naming enjoy-in ngayon whatever we have."



Gaya ng dinners na sila lang ang magkasama?



"Siyempre pag nagutom kami, kakain naman kami sa labas," palusot niya.



Sabi naman ni Angel, dahil kaibigan pa rin daw ang turing nito sa ex-boyfriend na si Oyo Sotto, nasasabi rin niya kay Oyo ang mga paglabas-labas nila ni Marvin. Nagkakilala na ba sina Marvin at Oyo?



"Nagkita na kami before pa," sabi ni Marvin. "Noong mag-guest ako sa Eat Bulaga! and sila pa ni Angel noon. Sinasabi rin naman sa akin ni Angel na yes, they still talk dahil magkaibigan pa rin naman sila. At wala namang masama doon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Magkakaroon ng premiere nights ang Angels sa ilang key cities ng US—San Diego, Los Angeles, San Francisco, at Las Vegas—at magkakasama rito sina Marvin at Angel. Pagbalik kaya nila sa July mula sa US ay may ibabalita na sila tungkol sa kanilang dalawa?



"Saka na lang. Kayo naman, e. Puwede naman nating hintayin na lang muna kung ano ang mga mangyayari," natatawang sabi ni Marvin.



Pagkatapos naman ng premiere nights ng Angels sa US, lilipad na patungong London si Angel para kumuha ng kursong may kinalaman sa papasukin niyang business—ang paglalabas ng sarili nitong line of sportswear. Susunod ba si Marvin sa London?



"Kung magiging maluwag ang schedule ko that time, I will," sabi ng aktor. "Depende pa rin kung may trabaho ako o wala namang commitments na kailangang i-meet. Masarap na time na rin 'yon para naman makapagbakasyon ako sa Europe."



Nang tanungin naman si Angel ng press kung posible bang ma-in love siya kay Marvin, sinabayan ang nasabing tanong ng napakalakas na kulog at kidlat. Sa tingin ba ni Marvin, senyales 'yon na parang may gustong kumontra sa kanyang panliligaw diumano kay Angel?



"Saka na lang natin pag-usapan ang mga bagay na 'yan. Basta ngayon, masaya kami, masaya ako. Siguro kaya wala akong masabi dahil sa sobra kong saya ngayon," huling pahayag ng masayang si Marvin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN