Marvin Agustin: "Huwag nating i-judge si Angel."


Marvin Agustin affirms Angel Locsin's open kindness towards people. He appeals for the same non-judgmental attitude towards her. He also defends Angel for her silence on the negative issues raised against her.


Kung nananatiling tikom ang bibig ni Angel Locsin tungkol sa mga negatibong isyu sa kanya, ang rumored suitor niyang si Marvin Agustin naman ay panay ang pagtatanggol sa young actress.

Ayon kay Marvin, masyado raw unfair ang mga lumalabas tungkol kay Angel. Sana raw ay hintayin nilang magsalita ang young actress bago siya husgahan.



"Kung nakikita lang nila kung gaano ka-dedicated sa trabaho si Angel, maiintindihan nila kung bakit ayaw muna nitong magsalita," sabi ni Marvin.



"Siyempre, masakit para kay Angel 'yung mga lumalabas na mga issues. Wala naman siyang magagawa kasi opinyon nga iyon ng ibang tao. Maging fair lang sana tayo at huwag nating i-judge si Angel. May reason siguro kung bakit ganyan siya ngayon."



Kabilang sa issues na kailangan sagutin ni Angel ay ang pagtanggi niya diumano sa bagong show ng GMA-7 na Marimar kaya napilitan ang management na maghanap ng ibang bida at napunta nga ito kay Marian Rivera.



Isa pang dapat sagutin ni Angel ay kung totoong hindi na ito pumirma ng panibagong kontrata sa GMA-7. Does this mean na ready na si Angel na iwan ang TV network na nagpasikat sa kanya at naging dahilan para maging household name siya sa pamamagitan ng mga programang Mulawin, Darna, Majika, at Asian Treasures?



Sa last taping day ng Asian Treasures ay tumangging magpa-interview si Angel sa mga TV crew. Hindi pa raw siya handa para magsalita at baka raw maapektuhan ang performance niya dahil last taping pa naman daw nila ‘yon. Maging sa cast party nila ay umiwas din si Angel na magpa-interview.



Parang spokesperson si Marvin ni Angel nang sabihin ng binatang ama na hindi rin totoong lumaki na ang ulo ng young actress. Wala raw katotohanan na nagiging prima donna na si Angel sa set.



"Wala pong ganyan na ugali si Angel. Ilang beses kaming nagkakasama sa taping dito at sa ibang bansa at napakabait niyang tao talaga. Ultimo ang mga utility sa set ay kaibigan niya. Walang pinipiling taong kakausapin o pakikisamahan si Angel. Sana huwag na nilang i-nega 'yung tao," pakiusap ni Marvin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Sa tanong kung totoong may relasyon sila ni Angel, biglang tumahimik si Marvin at ngumiti na lang. Tipikal na Marvin na dinadaan ang hindi masagot na tanong sa pangiti-ngiti.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN