Jennylyn Mercado-Patrick Garcia movie loveteam gets lukewarm reception


"Kung hindi man kami matanggap ng mga tao, okay lang. Kasi, kumbaga, hindi naman namin ito ginagawa para pagkakitaan 'yung relasyon namin, e," says Jennylyn Mercado about her onscreen tandem with real-life sweetheart Patrick Garcia.


Mistulang "double date" sa abroad ang mangyayari pag-alis ng apat na stars ng Angels para dumalo sa US premiere ng nasabing pelikula.



Sinabi ng young actress na si Jennylyn Mercado sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa solo presscon niya para sa horror flick na Tiyanaks last Friday, June 29, na aalis sila ng boyfriend niyang si Patrick Garcia, at ang rumored sweethearts na sina Angel Locsin at Marvin Agustin, pa-Amerika para sa international screenings doon ng Angels.



Sa July 4 ang alis ni Jennylyn. Hindi niya nabanggit sa PEP kung sabay-sabay silang apat na aalis. Hanggang July 14 daw sila sa US.



Sa Los Angeles, San Francisco, San Diego, at Las Vegas magkakaroon ng international screenings ang Angels.



Biro namin kay Jen, hindi kaya maging "advance honeymoon" na ito para sa dalawang love pairs na pupunta ng Amerika?



Natawa lang ang young actress at sinabing puro trabaho ang aatupagin nila roon. Nakita na raw niya ang kanilang itinerary at mukhang wala raw silang masyadong time para mamasyal at maka-gimik doon.



"Ang nakita ko pong sked namin doon, e, may press con, may meeting with the producers at kung anu-ano pa. Puro trabaho, so baka po pasingit-singit lang 'yung pasyal," sabi ni Jen.

Kasama pala sa pupuntahan nila ang Las Vegas. Hindi kaya mapadaan sila ni Patrick sa isa sa mga wedding chapels doon at maisipan nilang mag-avail ng "quickie wedding?"

"Ang alam ko nga po, mabilis daw doon magpakasal. Pero huwag naman! Hindi pa. Hindi ko pa keri ‘yon! Bata pa po ako!" bulalas ni Jen, na sinundan nito ng malutong na halakhak.

Hiningi rin ng PEP ang reaksiyon si Jen sa isyung hindi umano tinanggap ng fans ang tambalan nila ng nobyo niyang si Patrick Garcia, base sa not so favorable box-office results ng first movie nila together na Angels.

Sabi ni Jen, "Siyempre, malungkot po kami kasi kaibigan ko si Angel [Locsin] at manager ko si Tita Becky [Aguila]. Pareho kong mahal ‘yung dalawang taong ‘yon." Sina Angel at Becky ang nag-produce ng Angels.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa niya, "Kung totoong hindi kumita 'yung movie, sorry kung hindi man namin naibigay kung anuman 'yung gusto nila. Pero ginawa talaga naming mabuti 'yung trabaho namin, hindi namin sila pinahirapan [as producers].

"Pero kung hindi man kami matanggap ng mga tao, okay lang. Kasi, kumbaga, hindi naman namin ito ginagawa para pagkakitaan 'yung relasyon namin, e.

"Kumbaga, iba naman 'yung private life naming dalawa ni Pat at iba rin 'yung trabaho. Para sa akin, hinihiwalay ko talaga 'yung personal at 'yung trabaho. Ayokong pagsamahin kasi pangit, e. Hindi maganda," pakli pa ng dalaga.

Ayon kay Jen, wala siyang idea kung matutuloy pa ang plano ng manager niyang si Becky na follow-up movie after Angels na sila ulit ni Patrick ang bida.

Samantala, itinanggi ni Jen ang isyu na hindi sila nagpapansinan ng ex-boyfriend niyang si Mark Herras sa set nung gawin nila ang pelikulang Tiyanaks.

"Hindi naman po," tanggi niya. "Masaya pa rin kami. Kung tatanungin mo 'yung mga kasama namin doon sa set, e, nagkakatuksuhan pa rin, nagkakakulitan pa rin kami.

"Kasi, grupo kami, e. At 'yung grupo na ‘yon, pag nagsama-sama kami, ang gulo-gulo namin sa set! Ang ingay-ingay namin."

Aniya, ang ipinagkaiba ng pagtatrabaho nila ni Mark ngayong hindi na sila magkasintahan ay hindi na sila nag-aaway.

"Kasi dati, lagi kaming nag-aaway, di ba? Ngayon hindi na. Mas nakakapagtrabaho na kami nang maayos ngayon," natatawang sabi ni Jen.

Mamayang 7:00 p.m. ang red carpet premiere ng Tiyanaks sa SM Megamall Cinema 1. Sa Wednesday, July 4, ang opening day ng teen slasher flick ni Direk Mark Reyes na Rated G (General Patronage) ng MTRCB.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN