ER Ejercito continues rant against former President Noynoy Aquino

IMAGE Noel Orsal

ER Ejercito on former President Noynoy Aquino: "Pinapatawad ko si Noynoy, pero hindi ko makakalimutan ang ginawa niya sa akin."


Sinadya ni former Laguna Governor ER Ejercito na itaon sa Araw ng Kagitingan ang presscon na ipinatawag ngayong Martes, April 9, para linawin ang mga balitang ikinakalat umano ng kanyang political opponents na disqualified siya sa muling pagkandidato bilang gobernador ng lalawigan dahil sa mga kasong kinasasangkutan niya.

Buong giting na sinabi ni ER na "fake news" ang mga negative report na nababasa ng publiko tungkol sa kanya.

Isinisisi rin niya ang lahat ng ito kay dating Pangulong Noynoy Aquino at sa pamilya nito.

Ayon kay ER, “Apat na po ang mga atraso ng mga Aquino sa amin.

"Si Cory Aquino, dalawang beses na tinanggal si Pangulong Erap."

Ang "Erap" na tinutukoy ni ER ay ang kanyang tiyuhin na si dating Pangulo at incumbent Manila Mayor Joseph Estrada.

"Noong 1986, bilang mayor ng San Juan, at noong 2001, bilang president ng Pilipinas.

"Twice na nakibahagi si Cory Aquino sa pagtanggal kay Pangulong Erap—noong 1986 at 2001."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa sa actor-politician, "Si Noynoy Aquino naman, noong 2014, tinanggal ako bilang governor ng Laguna.

"At tinanggal niya si Jinggoy Estrada bilang senator of the Philippines. Ikinulong pa ng tatlong taon.

"So, apat na po ang atraso ng pamilya Aquino sa pamilya Ejercito kaya hindi namin makakalimutan."

GUILTY VERDICT

Noong nakaraang linggo, hinatulan si ER ng Sandiganbayan 4th Division na makulong mula anim hanggang walong taon dahil sa graft case nang manungkulan siyang alkalde ng Pagsanjan, Laguna noong 2008.

Si dating Pangulong Noynoy Aquino pa rin ang kanyang sinisisi dahil, diumano, appointees ng dating pangulo ang mga gumawa ng desisyon.

"Noynoy appointees lahat 'yan. Ang harassment na 'yan—2010, 2013, 2016, 2019.

"Apat na kampanya ko, laging 'yan ang ikinakaso sa akin.

"It has been nine years, same case, same f*ck*ng case kaya nakakadismaya.

"Sana magkaroon na ng finality sa pamamagitan ng Supreme Court dahil kakampi natin ang President," pagtukoy niya sa kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hopefully, mabibigyan na ako ng hustisya na matagal ko nang inaasam," pahayag ni ER.

Mula nang pababain siya sa puwesto ng Commission on Elections (COMELEC) noong 2014 bilang gobernador ng Laguna, hindi pa nagkakaroon ng pagkakataong magkita nang personal sina ER at Nonoy.

ER EJERCITO'S THREAT TO PNOY

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay ER, inulit nito ang kanyang banta noong babarilin niya si Noynoy kapag nagkasalubong ang kanilang mga landas. 

Aniya, "Kung may hawak akong baril, babarilin ko talaga siya sa laki ng atraso niya sa akin.

"Tinanggal niya ako sa puwesto, tinanggal niya si Jinggoy sa puwesto.

"'Tapos ang kawawa diyan dahil sa Hacienda Luisita, ikinulong niya si GMA [former President Gloria Macapagal Arroyo] ng anim na taon.

"'Tapos tinanggal niya si Chief Justice Renato Corona. Namatay ang pobreng Chief Justice sa sobrang sama ng loob."

Si dating Chief Justice Renato Corona ay namatay dahil sa heart attack noong April 29, 2016—o halos dalawang taon pagkatapos niyang matanggal sa puwesto dahil sa impeachment.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Litanya pa ni ER, "Tinanggal si Governor Gwen Garcia ng Cebu, walang kakuwenta-kuwentang kaso...

"Junjun Binay... 'tapos sapilitan na pinag-resign si Chief PNP Bartolome, ipinalit si PNP Chief Purisima.

"Si Ombudsman Merceditas Gutierrez, pilit pinag-resign, ipalit si Carpio-Morales.

"So, napakarami kaming biktima ni Noynoy Aquino."

Pero bumawi si ER nang sabihin nitong Kristiyano siya kaya pinatatawad na niya ang dating Pangulo.

Saad niya, "Pinapatawad ko si Noynoy, pero hindi ko makakalimutan ang ginawa niya sa akin.

"Mahirap kalimutan yung pangha-harrass na ginawa sa akin ni Noynoy Aquino at sa aking pamilya kaya unforgettable.

"Pero puwedeng dahil ako’y Kristiyano at mabait naman tayo na tao, napatawad ko na pero hindi ko makakalimutan."

Sa lahat ng mga akusasyon ni ER Ejercito kay Noynoy Aquino ay nananatiling tahimik ang kampo ng dating Pangulo.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN