Sunshine Cruz and Cesar Montano back to normal lives after storm


"Ibinubuhos niya ang atensiyon sa painting... Mas gusto ko na 'yan kesa 'yung bumabarkada siya na wala namang kinapupuntahan. Kahit nga minsan lang nangyari 'yun, pangit ang mga lumabas na controversy, at muntik na talagang masira ang relasyon namin," says Sunshine Cruz about husband Cesar Montano.



Mukhang tumahimik ang mundo ng mag-asawang Cesar Montano at Sunshine Cruz pagkatapos ng kontrobersiyal na Air Force One incident. May mga napabalita noong kesyo maghihiwalay na ang dalawa, pero nairaos nila ang unos na 'yon na dumating muli sa kanilang married life.



"Totoong nagkaroon ng problema sa amin ni Buboy [palayaw ni Cesar], at nainis nga ako dahil hindi niya agad ipinaliwanag sa mga tao ang pangyayari. Kasi nga, ako lahat ang sumasagot sa mga isyu na hindi naman dapat. Pero naging abala rin kasi siya sa ibang bagay, and he has to go to the U.S. at that time na uminit ang controversy," pahayag ni Sunshine sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal).



Tapos na nga ang lahat ng 'yon, at sinabi nga ni Sunshine na malaki ang ipinagbago ng mister niya mula nang mag-usap sila nang masinsinan.



"Ibinubuhos niya ang atensiyon sa painting," sabi ni Shine. "Isa 'yan sa mga passion niya, at sanay na ako kung nagkukulong siya sa kuwarto for his artworks.



"Mas gusto ko na 'yan kesa 'yung bumabarkada siya na wala namang kinapupuntahan. Kahit nga minsan lang nangyari 'yun, pangit ang mga lumabas na controversy, at muntik na talagang masira ang relasyon namin."



BUBOY & FRIENDS. Binanggit din ni Sunshine na dahil sa kaabalahan ni Buboy sa pagpipinta, wala na itong panahon para sa sosyalan, lalo na sa pakikipagbarkada. Mabait naman daw ang mister niya, pero ang kinaayawan lang talaga niya rito ay 'yung sobrang pakikipagbarkada.



"Hindi sa nagsusungit ako o nagsusuplada, pero puro mga babae ang anak namin ni Buboy. Gusto ko rin namang mas normal ang kapaligiran kapag nasa bahay kami, at hindi 'yung nagkalat ang mga kalalakihan sa bahay," sabi niya na napapailing.



Noon ay hindi basta sinasabi ni Sunshine ang ganitong mga bagay, pero nang mag-usap sila nang masinsinan ni Cesar, ito raw ang isa sa mga idinetalye niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Personal nang masyado ang ibang bagay, pero natutuwa ako dahil mukhang nakinig siya sa akin. Mas panatag na ang loob ko," aniya.



Dagdag pa niya, "Abala siya sa pagpe-painting at may exhibit siya sa Hong Kong this September. Tinutulungan niya ang anak naming si Angela [her stepdaughter] sa business na itinayo nito, ang Belissimo restaurant sa may Morato.



"At least, kung may friends siya, don na lang sila nagkakatipun-tipon sa resto. Pero hindi na nga nila basta makakaray si Buboy sa kung saan-saan, lalo't hindi naman nila masasagot ang consequences ng mga intriga, gaya ng nangyari sa Air Force One," lahad ni Sunshine.



Hindi naman talaga pinagbabawalan ni Buboy ang asawa sa ganitong bagay. Kasi, bilang padre de familia, ang aktor pa rin ang nasusunod.



"I can't impose that," pag-amin ni Sunshine. "Ipinaliwanag ko lang sa kanya, kaya siguro nakikita rin niya ang point ko. Maganda naman ang resulta dahil magaan sa pakiramdam na mas buo 'yung time namin ni Buboy para sa mga anak namin. Lalo na't kahit abala siya sa painting, nasa bahay lang siya at nakikita siya palagi ng mga anak namin."



BACK IN SHOWBIZ. Nakakagulat nga dahil pinayagan ni Buboy si Sunshine na magbalik sa TV sa pamamagitan ng fantaserye ng ABS-CBN na Lastikman. Isa si Shine sa mga kontrabidang makakalaban ni Vhong Navarro sa nabanggit na bagong fantaserye ng ABS-CBN.



"Pinapayagan naman ako talaga ni Buboy, basta ba makakauwi lang ako ng bago maghatinggabi. Iyon lang ang kasunduan at hindi naman ako laging babad sa istorya.



"Isa lang ako sa maraming makakalaban ni Lastikman. Surprise ang role ko. Bihira lang kasi akong nabibigyan ng ganitong chance, kaya okay sa akin.



"It's a good thing that Buboy gave me the permission to do it. Siguro, napansin din niya na kung ganyang malalaki na ang mga anak namin, puwede na rin siguro akong gumawa muna ng ibang bagay," pahayag ni Sunshine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Nang umoo raw si Buboy, hindi na basta nagtanong pa si Sunshine at baka bawiin pa ang desisyon. Gustung-gusto talaga ni Shine ang magbalik sa pag-arte at nahalata na nga ito ng mister niya.



"Kasi nababagot na rin ako," sabi ng dating sexy star. "Although, nauubos na rin ang time ko para sa mga anak namin at hindi ko naman pinagsasawaan ang pag-aalaga sa kanila, gusto ko ring subukan uli ang pag-aartista.

"Alam naman siguro ninyo na bago ako mag-asawa, nasa height ako ng career ko. Pero lahat 'yan, I was so willing to give up para sa marriage namin ni Buboy at para sa aming mga anak.



"Wala naman sigurong masama kung paminsan-minsan, napapanood ako sa TV. Nakakagulat lang dahil regular job ito, for a limited time nga lang. Pero malaking tulong din para nalilibang ako at nakakagawa ng ibang klaseng bagay naman," pagwawakas ni Sunshine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN