PEP EXCLUSIVE: Angel Locsin wants her parents kept out of her showbiz issues


Angel Locsin minds controversies that drag her parents, Mr. Angel Colmenares (inset, bottom) and her Mama Emma (inset, top), into the picture. Although they have long been separated the family remains supportive of each other, she asserts. Angel would rather deal with work-related issues.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang bagong Kapamilya na si Angel Locsin kahapon, August 17, sa opisina ng Star Cinema Productions sa ABS-CBN. Kakatapos lang mag-taping ni Angel as celebrity contestant sa game show ni Kris Aquino na Kapamilya Deal Or No Deal.

Incidentally, dumating sa naturang game show ang ina ni Angel na si Emma upang suportahan siya. "Kaya lang, nang dumating si Mama, nakapag-deal na ako, e. Kaya abangan nila kung ano o magkano 'yung nakuha ko para marami akong matulungan," excited na kuwento ni Angel.

"Actually, si Mama ang tumawag sa akin na gusto nga raw niyang sumama sa akin kapag nag-guest ako sa Deal or No Deal. Siguro, nagdalawang-isip siya nung una kaya na-late siya. Pero nakita mo naman kahit kailan, hindi ko naman itinago ang Mama ko," sabi pa niya.

Kumusta ang relasyon nila ng kanyang ina?

"Ang hindi namin itinatago is the fact na matagal na silang hiwalay ng Dad ko," ani Angel. "Nagdadalaga pa lang ako, talagang wala na sila sa isa't isa. Naintindihan naman namin 'yon dahil 'yon naman ang gusto nila. Iyon na ang napagkasunduan nila at nirerespeto namin 'yon.

"Ang sa akin lang, sana sa kung anumang gulo sa buhay ko na may kinalaman sa trabaho ko, 'yon na lang ang maging isyu o sentro. Kasi ang Mama at Dad [Mr. Angel Colmenares] ko, talagang hindi na puwedeng magkasama. Tanggap na namin 'yon. But in spite of that, buo pa rin kami bilang pamilya. Na pag may isang nasaktan o nagkaproblema, lahat kami, e, nakasuporta.

"Oo, walang trabaho ang Mama ko at sinusuportahan ko siya. Dahil ako na rin ang may gusto na huwag na rin siyang magtrabaho. Although mas close ako sa tatay ko at siya ang lagi kong nakakasama at sa akin siya naka-tira, hindi ibig sabihin no'n na pinababayaan ko na ang Mama ko. Mahal ko ang taong nagbigay sa akin ng buhay dito sa mundo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Anuman ang naging buhay niya, ito ang choice niya. Kesa naman lagi silang mag-aaway ng Dad ko, mas maganda na 'yung nakahiwalay man siya sa amin, solid pa rin ang pagiging pamilya namin. Basta hindi lang sila puwedeng magkita. At iginagalang ko ang naging desisyon nila.

"Bihira kami magkita ni Mama pero nagte-text kami sa isa't isa. 'Pag may mga okasyon naman, nagkakasama rin kami," mahabang salaysay ni Angel.

Paano ide-describe ng young actress ang kanyang mga magulang?

"Si Mama kasi ang tipo na mas mapagpasensiya. Sa kanya ko yata nakuha 'yung linyang lagi ring lumalabas sa bibig ko, 'yung ‘Hayaan mo na!' Pero ang Dad ko, hindi ganun. Dahil sa kanya, importante ang prinsipyo. Kahit ang isyu, e, singko sentimos lang, basta siya ang nasa katuwiran at nasa tama, ipaglalaban niya 'yon 'til the end. Kaya mahirap nga silang mag-clash, di ba?" paglalarawan niya.

Nakilala namin ang ina ni Angel sa opisina ng Star Cinema. Hindi na namin inusisa si Mama Emma dahil sabi nga ni Angel, basta pagdating sa kanyang pamilya, pinoprotektahan niya raw ang mga ito.

LIFE IN ABS-CBN. Sa pakikipagkuwentuhan namin kay Angel ay tinanong din namin siya kung nakapa-move on na siya sa mga intrigang kinasangkutan niya nitong mga nakaraang linggo dahil sa kontrobersiyal na paglipat niya mula sa GMA-7.

"Meron pa rin naman," pag-amin niya. "Hindi naman maiaalis 'yon sa mga opinyon ng mga tao na may gusto pang sabihin, Ako, now, masaya ako and I am looking forward sa mga trabaho kong gagawin here [sa ABS-CBN]. Dahil 'yon naman ang gusto ko para sa sarili ko. Makamit ang growth na inaasam ko at lalo pang ma-improve ang craft ko.

Napag-alaman ng PEP na this week ay magwo-workshop na si Angel under director Laurice Guillen kasama ang iba pang artists ng ABS-CBN. Ito ay paghahanda na rin sa bagong teleserye na kanyang sasalangan sa Kapamilya network na ididirihe ni Cathy Molina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nabalitaan din namin na si Rory Quinto ang magha-handle ng unang pelikula ni Angel sa Star Cinema Productions kung saan makakapareha niya ang kanyang dream leading man na si Piolo Pascual, na balitang kapareha niya rin sa kanyang first regular show sa ABS-CBN.

“Right now, puro series of meetings pa ang inaasikaso namin sa ABS-CBN and Star Cinema. Nae-excite na akong magsimula na ang mga trabaho ko. Yes, nagkita na kami ni Piolo pero hindi kami magkasabay sa meeting namin with the director, the production staff sa mga sisimulan ko.

“Nagkataon, noong may meeting ako, meron din siyang ibang meeting and nagkita na nga kami at personal na nagkakilala. Natulala lang ako. Nagsasalita siya pero parang hindi ko naririnig. Hindi pa rin ako makapaniwala. Na-touch lang ako nung bandang huli, sinabi niya sa akin na tama lang ang desisyong ginawa ko at susuportahan daw niya ako,” kuwento ni Angel.

As far as Angel's business is concerned, dumalo na rin siya sa series of meetings niya with the people of SM malls kung saan ilalagay na ang kanyang line of sports wear by November. Dito na raw niya mapa-practice ang mga natutunan niya sa kanyang two-week crash course na kinuha sa Intro in Fashion Designing, Fashion Designing 2 at Designing for Shoes and Accessories sa London College of Fashion sa London.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN