Roxanne Guinoo still wants to return to "Wowowee"


"Okay naman na ako. Medyo natanggap ko na. Pero I admit, ‘yung mga first few days ng show na wala na ako, hindi ko kinayang manood kasi napapaiyak lang talaga ako," says Roxanne Guinoo about being axed from Wowowee.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang dating Wowowee co-host Roxanne Guinoo, kahapon, August 17, nang dumalaw siya sa opisina ng Philippine Movie Press Club (PMPC). Marami kaming isyu na tinanong sa young actress na sinagot naman niya.

Kinumusta muna namin siya pagkatapos siyang matanggal sa noontime variety show ng ABS-CBN na Wowowee.

"Okay naman na ako. Medyo natanggap ko na. Pero I admit, ‘yung mga first few days ng show na wala na ako, hindi ko kinayang manood kasi napapaiyak lang talaga ako," sabi ni Roxanne.

Gaano katotoo na hanggang ngayon ay nakikiusap pa rin daw siya kay Willie Revillame para ibalik siya sa naturang programa?

"Mahal ko po kasi talaga ‘yung show kaya gusto kong bumalik doon. Pero hindi naman ako nakikiusap o nakiusap sa kanya. Ang sabi ko lang na parang naglalambing sa kanya, ‘Kuya Willie, kailan ako babalik sa Wowowee? Sabi niya sa akin, pag tapos na raw ‘yung Natutulog Ba Ang Diyos?. Pero pag-aaralan pa rin daw muna ng management," kuwento ng young actress.

Ang pag-extend ng Natutulog Ba Ang Diyos? at ang sabay na pagte-taping niya ng bagong fantaserye ng ABS-CBN na Lastikman ang sinasabing dahilan kung bakit nabubugbog na ang katawan ni Roxanne sa trabaho kaya pinagpahinga ito sa Wowowee.

"Mataaas kasi ‘yung rating ng Natutulog Ba Ang Diyos? kaya na-extend. Tapos nag-i-start na rin kami sa Lastikman kaya medyo mahirap na talaga ‘yung schedule ko," paliwanag niya.

LOVELIFE. Kung subsob sa trabaho si Roxanne, may panahon pa ba sila ng boyfriend niyang si Jake Cuenca para sa isa't isa?

"Oo naman," sagot niya. "Magkasama naman kami sa parehong teleserye kaya madalas nagkakaroon kami ng time. "

Wala raw masasabi si Roxanne sa kabaitan ng nobyo. In fact, madalas nga raw siyang hinahatid ni Jake sa Cavite kung saan siya umuuwi. Bida pa niya, nasa Pilipinas ang magulang ng aktor sa ngayon, galing Spain para magbakasyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Na-meet ko na sila at mabait naman sila sa akin," dagdag pa ni Roxanne.

BLIND ITEM. Going back sa mga intriga, may isang blind item kung saan may isang young actress daw ang walang paalam na ginamit ang pang-plantsa ng buhok ng isang hairdresser na kinaimbyerna raw nito. Obviously sa clue ng blind item ay si Roxanne ang tinutukoy. Aware naman ang dalaga na siya ang na-blind item.

"Obvious naman kasi, ang clue kasi 'Aysus, Guinoo.' E, sino lang ba ang aktres na may Guinoo na apelyido, e, di ba, ako lang?" sabi niya.

Ayon sa dalaga, hindi raw totoo ang blind item sa kanya. Hindi raw niya naging ugali na gumamit ng gamit ng iba nang walang paalam. Marunong naman daw siyang rumespeto sa pag-aari ng iba.

"Tsaka, unang-una, hindi ako humihiram ng pang-plantsa ng buhok dahil meron akong sariling dala. Dalawa pa nga ‘yon. Kung sakali man makikigamit ako, hihiramin ko nang maayos at hindi ko na lang basta kukunin," depensa niya.

Sa mga intrigang nae-encounter ni Roxanne ay hindi naman daw siya nagpapaapekto.

"Hindi naman kasi ako ‘yung taong mahilig mag-react sa mga isyu o intriga. Instead na mag-react, isinusubsob ko na lang ang sarili ko sa trabaho," pagtatapos niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN