Umani ng magkahalong reaksiyon ang pag-post ni Yeng Constantino ng YouTube video tungkol sa aksidenteng sinapit ng asawa niyang si Yan Asuncion sa gitna ng kanilang pagbabakasyon sa Siargao.
Sa salaysay ni Yeng, lubha siyang nag-alala nang makaranas ng umano'y temporary memory loss si Yan matapos tumalon sa isang cliff-diving spot sa isang lagoon doon.
Base sa YouTube video ni Yeng, conscious si Yan at tila walang visible na sugat sa ulo.
Pero may mga ilang detalyeng hindi raw matandaan ni Yan, tulad nang tanungin ito kung ano ang kasalukuyang taon at kung ano ang sinakyan nila papuntang Siargao.
Sa loob ng 34 minutes at 42 seconds, idinetalye ni Yeng kung paano niya isinugod si Yan sa ospital sa bayan ng Del Carmen, at saka inilipat sa ospital sa bayan ng Dapa upang masuri kung may internal bleeding o may "crack sa skull" si Yan.
Dito ay inireklamo rin ni Yeng ang diumano'y delay at insensitive remarks ng pangunahing doktor na in-charge sa pagsusuri kay Yan sa ospital sa bayan ng Dapa.
Dalawang beses pinangalanan ni Yeng ang doktora, na hindi raw agad inilabas ang infra-scanner ng ospital na sana'y magagamit upang makita kung may internal bleeding sa ulo ng kanyang asawa.
Inabot din daw ng siyam-siyam bago maayos na napagana ang X-ray, na kinalaunan ay siyang naging daan upang masiguro na walang anumang fracture sa ulo si Yan.
Habang isinusulat ang artikulong ito, mayroong mahigit 1.2 million views at 18,000 comments ang vlog ni Yeng.
Kasabay nito, isang netizen sa Twitter ang nagpakilalang isa siya sa medical students na naroon sa ospital sa Dapa at nakasaksi ng kaso ni Yan.
Ipinagtanggol ng netizen ang doktorang sumuri kay Yan at sinabing ginawa raw lahat ng ospital sa Dapa upang mabigyan ng medical assistance ang mister ni Yeng.
Narito ang tweets ng medical student na taga-General Luna, Siargao:
Hello Ms. @YengPLUGGEDin.
— cesarieann (@cesmsantos) July 20, 2019
I am one of the med students who were with the doctor from Gen Luna who assisted your husband when he was rushed in the hospital. We rushed a patient to Dapa and while we were there, our preceptor was called to assist with your husband's case. https://t.co/HFgnqYwgBB
I saw first hand how the doctor and staff in Dapa District Hospital did their best to give appropriate care to your husband despite lack of manpower and lack of facilities.
— cesarieann (@cesmsantos) July 20, 2019
I understand that you are frustrated bec you are not used to a setting with limited health services.
Pero please, inasikaso po kayo sa best na makakaya ng staff doon. Ginawa po ang tests na hinihingi ninyo kahit sa tingin ng mga doktor ay hindi kailangan. Nagsikap po na gumawa ng paraan kahit kulang sila sa tao at pasilidad.
— cesarieann (@cesmsantos) July 20, 2019
May mga kakulangan man, hindi po solusyon na pahiyain niyo ang doktor, staff at ospital doon sa social media. Hindi po nakakatulong sa morale sa doktor at staff ng hospital na nagsisilbi doon bagamat mababa ang sweldo at understaffed ang pagpapahiya ninyo sa kanila sa socmed.
— cesarieann (@cesmsantos) July 20, 2019
Isa pa po, hindi kayo nagpaalam sa amin na ivovlog ninyo kami pero isinama niyo kami sa video na pinost niyo. Diko po inakala na nakuha niyo pa palang magvlog habang nandoon tayo sa loob ng xray room kahit na sabi niyo ay grabe ang pagaalala ninyo. #NotoDoctorShaming
— cesarieann (@cesmsantos) July 20, 2019
NETIZENS' REACTIONS
Sa comments' section ng YouTube video ni Yeng, may ilang ding netizens ang kumuwestiyon kung bakit inilabas ng Kapamilya singer ang litrato ng doktorang sumuri sa kanyang mister nang walang permiso.
May iba ring nagsabi na hindi dapat idinaan sa vlog ni Yeng ang kanyang reklamo, kundi diretso sa ospital na tumingin sa kanyang mister.
Dagdag naman ng isang netizen, may pananagutan din si Yan sa ginawa nitong boluntaryong pagtalon sa lagoon sa kabila ng posibleng aksidenteng kasapitan nito.
Sa kabilang banda, may netizens na dinepensahan din ang lubhang pagkabahala ni Yeng at frustration ng Kapamilya singer sa nangyaring insidente.
Normal daw na mapikon si Yeng sa doktora dahil sa kawalan nito ng simpatiya.
Base kasi sa salaysay ni Yeng, may punto kung saan tila tinuro-turo pa raw siya ng doktora at ipinagsawalang-bahala ang pag-aalala niya para sa asawa.
Sabi raw ng doktora sa kanya, "Masyado kang seryoso... Huwag ka masyadong seryoso, umupo ka lang. Magdasal ka."
Makalipas ang dalawang oras doon sa ospital, sinabi rin daw ng doktora na kung talagang may diperensiya raw sa ulo ni Yan ay "wala na 'yan siya."
YENG GETS RESPONSE FROM SURIGAO DEL NORTE CONGRESSMAN
Noong Sabado, July 20, ni-repost ni Yeng ang mensaheng natanggap niya mula kay Surigao Del Norte First District Representative Bingo Matugas.
Dito ay nagpaabot ng simpatiya ang kongresista sa pinagdaanan ng mag-asawang Yeng at Yan dahil sa aksidente ng huli sa Siargao.
Siniguro rin ni Matugas na aaksiyunan ng kanilang lokal na pamahalaan ang kakulangan ng Siargao sa pagbigay ng maagap na emergency response sa lugar.
Kalakip nito ang apela ni Yeng na sana nga ay maging safe na lugar ang Siargao hindi lang para sa mga turista kundi pati sa mga residente roon.
Hiningan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng opisyal na pahayag si Yeng kaugnay ng pambabatikos na natanggap niya mula sa ibang netizens.
Agad namin itong ilalathala sa oras na matanggap ito.