Miss Q&A 2018 Juliana Parizcova Segovia uses P1M cash prize wisely

IMAGE Noel Orsal

Juliana Parizcova Segovia on why she refuses to replace her teeth: "Happy naman ako kahit wala akong ngipin. Nasanay na ako, e. 'Tsaka kapag nagkaroon ako ng ngipin, baka mawala ang identity ko."


Siyam na taon na nagtrabaho bilang call center agent si Tyrone James "TJ" Ortega bago itinanghal na unang Miss Q&A (2018) ng It’s Showtime gamit ang screen name na Juliana Parizcova Segovia.

“Kaya yung American accent, kering-keri ko sa Q&A portion ng mga sinalihan kong pageants.

"'Tapos, nagamit ko rin yun sa Miss Q&A," kuwento ni Juliana sa media conference ng pelikulang And Ai, Thank You nitong Agosto 7, Miyerkules, sa Max's Restaurant, Quezon Avenue, Quezon City.

Dagdag ng 34-year-old TV personality, “Puwede pa rin akong bumalik sa pagiging call center agent ko kapag naramdaman ko na wala na akong masyadong trabaho sa showbiz.”

SAVING UP

Pinag-iingatan ni Juliana ang mga kinikita niya.

Ang napanalunan niyang cash prize sa Miss Q&A na P1 million ay hindi pa nauubos.

Matamang saad niya, "Totoo ang sinabi nila na ang isang milyon, mabilis mawala.

"Magugulat ka na lang na papaubos na siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya iningatan ko iyon nang husto. Kasama na yung mga kinikita ko sa shows na kinabibilangan ko.

"Kahit na kaming dalawa lang ng mother ko, naging masinop ako sa mga kinikita natin.

"Nakikinig ako sa mga advice sa akin ng mga mas nakakaalam sa akin, tulad ni Ate Vice [Ganda].

"Kailangan ay mag-ipon ako dahil ang showbiz, hindi siya forever," diin pa ni Juliana.

Ang pinakagastos ni Juliana ay ang paglipat nilang mag-ina sa isang apartment sa Pasay City.

"Bago ang Miss Q&A, nakikitira kami sa isang apartment din sa Pasay. Marami kami roon kaya medyo magulo.

"Noong manalo ako, nag-decide kami ng mother ko na bumukod kami. Para na rin magkaroon kami ng privacy.

"Tsaka dumarami na rin ang mga gamit namin, naintindihan naman nila kung bakit namin kailangang bumukod na mag-ina," paliwanag ni Juliana.

Walang bagong sasakyan si Juliana. Nagga-Grab siya tuwing pupunta sa taping at events na imbitado siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagiging praktikal lang tayo.

"Kumuha nga ako ng bagong kotse, paano kung bigla akong nawalan ng show? Paano na ang monthly nun?

"Sinasabi sa akin ng ilang friends ko na hindi na luxury ang magkaroon ng sasakyan.

"Necessity na raw iyon lalo na't may mga trabaho ako na pinupuntahan.

"Pero mahirap pa rin para sa akin na magbitiw ng pera sa isang sasakyan. Saan ko rin naman siya ipa-park sa tinitirhan ko?

"Sa ngayon, masaya naman ako sa serbisyo ng Grab. Nakakarating naman ako nang maayos sa mga trabaho ko," ngiti pa niya.

Nagpapasalamat si Juliana dahil may mga sponsor siya sa damit at ilang kailangan pa niya tuwing nagte-taping siya. Malaki ang natitipid niya dahil sa sponsors.

"Thank you talaga sa sponsors natin sa damit, sapatos at accessories. Halos wala akong ginagastos din.

“Kahit sa pagpapaganda, nadadaan sa friendship.

"Yung kiyemeng glam team ko nga, mga kaibigan ko from way back pa.  

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kami-kami ang nagtutulungan. Kaya minsan, libre na dahil nasasama ko sila sa taping!" tawa pa niya.

May gustong mag-sponsor para bigyan siya ng buong set ng ngipin. Tumanggi si Juliana.

"Happy naman ako kahit wala akong ngipin. Nasanay na ako, e.

"'Tsaka kapag nagkaroon ako ng ngipin, baka mawala ang identity ko."

ANG PROBINSYANO

Mukhang matagal-tagal pa si Juliana sa showbiz.

Bukod sa paglabas niya sa It's Showtime, napapanood siya sa primetime teleserye ni Coco Martin na FPJ's Ang Probisyano."

Nakakatuwa si Coco, kasi isa siya sa naunang nag-welcome sa akin with open arms noong first taping day.

“Ramdam ko na genuine ang kabaitan ni Coco, hindi lang sa co-stars niya kundi pati na sa buong staff at sa fans na nanonood ng taping.

"Si Coco, hindi lang siya kakaway sa mga tao, lalapit siya at makikikamay, yayakap at kung masuwerte ka, may kiss pa 'yang kasama.

"Ganoon siya makisama sa lahat kaya he's very blessed."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy ni Juliana, "Si Miss Susan [Roces] naman, naku, sobra akong natutulala kapag may eksena kami. 

"E, role ko pa naman, palasagot ako sa character niya na si Kapitana Flora.

"Ako yung kabatuhan niya ng mga linya sa mga eksena.

"Kaya minsan, hirap akong sungitan si Miss Susan. Kasi, isa siya sa hinahangaan nating movie queen, di ba?

"Kaya kapag nakunan na yung eksenang sinungitan ko siya, yayakap kaagad ako kay Miss Susan at magsu-sorry ako.

"Matatawa na lang siya sa akin."

WORKING WITH HER IDOL, AI-AI DELAS ALAS

Natupad ang isa pang pangarap ni Juliana na makatrabaho ang iniidolo niyang si Ai-Ai delas Alas sa comedy film na And Ai, Thank You.

Masayang lahad ni Juliana, "Si Ms. Ai, paborito namin siya ng mother ko.

"Pinapanood namin ang movies niya tulad ng Ang Tanging Ina.

“Kaya parang hindi ako makapaniwala na ang aktres na dati mo lang pinapanood sa mga sinehan ay kasama ko na ngayon sa isang pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Akala ko pa naman, masungit si Ms. Ai.

"Yun pala, in character lang siya para sa unang eksena namin sa movie.

“After ng scene, doon ko nakita ang pagiging babaeng bakla ni Ms. Ai.

"'Tsaka ang sarap ng kuwentuhan namin parati kapag nasa loob kami ng tent.

"I feel very lucky na nagkaroon ako ng pagkakataon na makatrabaho ang mga paborito kong artista.

"Dasal ko na yung iba pang mga paborito ko, makatrabaho ko rin balang-araw."


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close