Wowie de Guzman reflects on his failed showbiz career


"Siyempre, gusto ko siyang [Juday] makatrabaho uli, bakit naman hindi, di ba? Pero iba na ngayon, iba na ang generation ngayon. 'Yung mga batang nakikita ko dati, ang lalaki na nila, sila na ang mga sikat ngayon," says Wowie de Guzman about former loveteam and ex-girlfriend Judy Ann Santos.



Madalas sa tuwing naghihiwalay ang isang magka-loveteam, sa lalake nangyayari ang pagbulusok ng career, samantalang ang babae ay patuloy na pumapailanlang. Ito ang nangyari sa tambalang Judy Ann Santos at Wowie de Guzman na isa sa pinakasikat na tambalan noong late ‘90s.

Marami ang nanghinayang noon na pagkatapos ng breakup nina Juday at Wowie ay nagwakas din ng tambalan nilang dalawa.



Naipareha sa ibang mga aktor si Juday mula kina Rico Yan, Piolo Pascual hanggang sa real-life boyfiend nito na si Ryan Agoncillo. Si Wowie ay hindi na nakabangon ang showbiz career at ngayon ay abala sa teatro.



Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Wowie, inamin niya na marami siyang pagkakamali na nagawa sa kanyang career. Isa na nga rito ang pagtiwalag niya sa tambalan nila ni Judy Ann.



"Siguro may mga desisyon akong mali, may mga desisyon ako na sana hindi ko na lang ginawa, pero nandun na ‘yon. Hindi ko naman made-deny 'yung nangyari sa akin na after naming mag-part ways ni Juday, pinartner na siya sa iba; ako naman, nawala talaga ang career ko. Kailangan kong tanggapin ‘yon, 'saka pana-panahon naman talaga, e.



"Siyempre, gusto ko siyang [Juday] makatrabaho uli, bakit naman hindi, di ba? Pero iba na ngayon, iba na ang generation ngayon. 'Yung mga batang nakikita ko dati, ang lalaki na nila, sila na ang mga sikat ngayon," pahayag ng dating miyembro ng Universal Motion Dancers.



Hindi ba siya nakakaramdam ng panghihinayang na bukod sa magandang itinatakbo ng career ng ex-girlfriend ay ang laki pa ng iginanda at isineksi nito ngayon?



"Oo naman!" bulalas niya. "Kung sasabihin kong wala na, napakaipokrito ko naman. Siyempre nanghihinayang kahit papaano, pero paulit-ulit ko lang na sasabihin sa sarili ko na nandun na ‘yon, wala na akong magagawa dahil nangyari na ang dapat na mangyari.



"Sa totoo lang, lahat nagsasabi sa akin, ‘Wowie, ano ka ngayon?' Ako naman, sinasabi ko lang, ganun talaga, e. Hindi mo masasabi ang mangyayari sa future, but instead na maging bitter ka, maging happy ka na lang for the person.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Si Ryan ang nagbibigay ng joy kay Judy Ann," patuloy niya. "Nagre-reflect ‘yon sa physical na kaanyuan ni Juday. Mas lalo siyang naging confident, mas lalong gustong magtrabaho, and nakakatuwa ‘yon."

Ilan sa mga nakasamaan ng loob noon ni Wowie ay ang ina ni Juday na si Carol Santos at ang dating manager ng aktor na si Dolor Guevarra. Ayon kay Wowie ay bukas siya sa pakikipag-usap sa mga ito para maayos at tuluyang magkaroon na rin ng closure ang tampuhang namagitan sa kanila.



"Kahit na kay Tito Alfie na ako [Lorenzo, his manager], hindi naman kami madalas nagkikita ni Juday, so hindi rin kami nagkikita ni Mommy Carol. But hopefully, sana makalimutan na kung anuman 'yung naging gulo kasi pinalaki lang naman ‘yon ng mga taong nakapaligid sa amin.

"Kay Tita Dolor naman, hindi pa kami nakakapag-usap nang maayos. But I guess, nakalimutan na rin ni Tita Dolor ‘yon dahil ilang beses na rin kaming nagkasalubong. Binati ko siya and binati rin naman niya ako," lahad pa ni Wowie.

Pinagpapasalamt din ni Wowie ang naging guesting niya sa 20th showbiz anniversary special ni Juday sa Araneta Coliseum dahil naging daan ito para mabigyan siya uli ng bagong proyketo ng ABS CBN. Hindi pa man puwedeng ibigay ang detalye, pero isa itong pambatang show kung saan makakasama niya sina Sid Lucero at Jhong Hilario.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN