Yasmien Kurdi denies sleeping in JC de Vera's hotel room in Hong Kong


Young actress Yasmien Kurdi dismisses rumors that she slept in JC de Vera's hotel room while they were in Hong Kong. She also said that she and JC are more comfortable being friends rather than having an intimate relationship.



Sinasabi nina Yasmien Kurdi at JC de Vera na wala pa silang relasyon, pero sa sobrang pagiging close nila sa isa't isa, may mga bagay na ginagawa sila na ginagawa na ng mga magkasintahan.

Inamin ni Yasmien sa presscon ng Pasan Ko ang Daigdig kagabi, September 4, na nahiga siya sa kandungan ni JC sa loob ng taxi habang pabalik na sila nito sa tinutuluyang hotel sa Hong Kong, nang mag-taping sila roon ng Pati Ba Pintig ng Puso.

Mismong si JC raw ang nagsabi sa kanya na humiga sa kandungan nito kapag inaantok na. Noong mga sandaling iyon, hindi na raw napigilan ni Yasmien ang sarili dahil sa sobrang pagod kaya naman nahiga na siya sa kandungan ng young actor.

Wala sanang balak si Yasmien na ilahad ang tungkol sa naganap sa kanila ni JC sa Hong Kong, pero ibinuko siya ng executive producer ng Pasan Ko Ang Daigdig, ang remake project na hango sa movie version na pinagbidahan ni Sharon Cuneta.

Kinakantiyawan na ng kung anu-ano si Yasmien kaya minabuti niyang sabihin kung ano ang naganap sa loob ng taxi para hindi na mapag-isipan pa ng kahalayan.

Matagal na kasing usap-usapan na may milagrong nangyari kina Yasmien at JC noong magtungo sila sa Hong Kong para sa taping ng Pati Ba Pintig ng Puso. Muling naungkat ang issue kaya hindi na nagawa pang iwasan ni Yasmien ang pagtatanong ng entertainment press.

Inamin ni Yasmien na namasyal silang dalawa ni JC sa Causeway Bay at inabot sila ng madaling-araw. May mga nakilala raw kasi silang mga Filipino na nagyaya sa kanilang gumimik at makipagkuwentuhan hanggang inabot sila ng madaling-araw. Naikuwento rin ng young actress na naligaw sila pauwi ng hotel dahil hindi makaintindi ng English ang taxi driver na sinakyan nila.

Mariin namang itinanggi ni Yasmien na natulog siya sa kuwarto ni JC dahil sa kawalan ng puwesto sa kuwarto nila ni Chynna Ortaleza. Imposible raw matulog si Yasmien sa kuwarto ni JC dahil kasama nito noon ang mommy ng young actor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bagama't natutukso sina JC at Yasmien, patuloy nilang itinatanggi ang nababalitang relasyon nila. Paliwanag ni Yasmien, mas kumportable sila ni JC bilang magkaibigan at ayaw nilang magkaroon ng problema sa kanilang trabaho kung hahaluan nila ito ng personal.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN