Mark Anthony Fernandez accepts villain role in "Kamandag"


"Iba ang challenge ng pagko-kontrabida and for a change. Kasi nanggaling ako sadalawang series na good boy ang roles ko. Una sa Super Inggo, tapos sinundan ng Impostora. Kaya may dahilan ako para tanggapin ang role, kahit sabihin pang kontrabida," says Mark Anthony Fernandez about accpeting the role of Richard Gutierrez's villain in Kamandag.



Patapos na ang soap opera ng GMA-7 na Impostora, pero mayroon na namang nakahandang assignment para sa isa mga cast members nito na si Mark Anthony Fernandez. Gaganap si Mark bilang kontrabida ni Richard Gutierrez sa Kamandag, ang bagong telefantasya ng Kapuso network.



Humingi raw ng payo si Mark sa ama niyang si Rudy Fernandez kaugnay ng pagtanggap sa nabanggit na role. Mismong si Daboy rin daw ang nag-encourage kay Mark na tanggapin ang pagko-kontrabida.



"Iba ang challenge ng pagko-kontrabida and for a change," ani Mark sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Kasi nanggaling ako sa dalawang series na good boy ang roles ko. Una sa Super Inggo, tapos sinundan ng Impostora. Kaya may dahilan ako para tanggapin ang role, kahit sabihin pang kontrabida."



Aminado si Mark na malaki ang epekto sa kanya ng pagkakasakit ng kanyang ama. Sa awa ng Diyos, mabuti na ang lagay nito mula sa pagkaka-diagnose dito na may cancer.



"May mga oras na hindi ako makatulog sa gabi," sabi ni Mark. "Naiisip ko si Papa. That was the time na sinabi nga ng doktor, may sakit siyang cancer. Katulad ng iba, wala rin akong magawa. Basta ang naisip ko lang, si Lord. Siya lang ang makatutulong. Dasal lang talaga."



Close na sila noon pa man ng kanyang ama, but they've become closer dahil sa naging situwasyon ng action superstar.



"Mas nagtatagal ang kuwentuhan namin ngayon. I spend a lot of time with him. We talk about almost anything under the sun. Iyon ang naging relasyon namin bilang mag-ama," kuwento ni Mark.



Positibo rin ang dating ng pag-i-improve ng lagay ni Daboy kay Mark.



"Pinaghahandaan ni Papa ang pagsali sa isang poker tournament. Siyempre, patuloy na pag-iingat sa kanyang health. Ganoon din yung iniisip ko. I have to be conscious with my health, too. I have my proper workout. Proper diet din. At higit sa lahat, yung regular intake ng vitamins. Nakatutulong 'yon," lahad pa ng aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Pati ang tungkol sa ina ni Mark na si Alma Moreno, masasabi niyang maganda ang takbo ng lahat.



"Maski yung sa private life niya, masaya ako. Basta kung ano ang makakasaya sa kanya. Kahit nga sinasabi ng iba na yung age niya, mas matanda siya sa guy, para sa akin, bilang anak, hindi ko na naiisip 'yon," pahayag ni Mark.



Nagbigay rin ng pahayag si Mark kaugnay ng pagkakasangkot ng kanyang ina sa problema ng dati nitong asawa na si Joey Marquez kaugnay ng graft case na isinampa sa dating mayor ng Parañaque City.



"Iyon lang ang hindi ko gusto," sabi ni Mark. "Dahil lang kasi 'yan na nang ma-trace yung problema, magkasama pa si Mama at si Mayor [Joey]. Naging close din naman kami ni Tito Joey, and I'm sure ilalaban niya ang kaso. At kung anuman, sana huwag na lang nilang isama si Mama sa ganyang problema. Nanalong councilor sa Parañaque si Mama at marami pa siyang gustong gawin para makatulong."

Sa tunay na buhay, pagkatapos ng maraming unos, paano maide-describe ni Mark ang sarili?



"Good boy. Talagang malaki na ang ipinagbago," sagot ng dating miyembro ng Guwapings.



Bilang ama ng dalawang anak at pamilyadong tao, masasabing ito rin ang puwersa para sa tuluyang pagbabago ni Mark.



"Masaya ako sa buhay ko, may dalawa akong anak—isang babae, isang lalaki. Sila yung dahilan ng pagsisikap ko at tuluy-tuloy na pagbangon," pagtatapos ni Mark.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN