Actress Rita Avila goes on with life after losing her infant son


Rita Avila is recovering after long depression caused by the death of her infant son. She now enjoys hanging out with friends and commits herself to her acting career. Rita appears in Marimar as the heroine's mother.



Naniniwala ang aktres na si Rita Avila na kung para sa kanya ang isang bagay, ibibigay ito ng Panginoon. Sa mga nangyari sa buhay ng aktres, lalo na ang pagkamatay ni Jesu—ang sanggol na kanyang iniluwal, na pagkatapos ng ilang araw ay binawian na ng buhay—Rita goes on with her life, stronger than ever.



"Ilang buwan din 'yon, nagkukulong lang ako sa bahay. Madalas nanonood ng TV, pero hindi pumapasok sa utak ko yung mga napapanood ko. Puro trabaho lang ako sa bahay that time para lumipas yung oras, basta may ginagawa lang.



"Hanggang naisip ko na lang, isang umaga, ano kaya kung pumunta naman ako sa mall at maglibang-libang? Ganoon lang. I just called some friends to accompany me, nagpaalam lang ako sa mister ko, and everything just went back to normal," kuwento ni Rita sa PEP (Philippine Entertainment Portal).



Malaki ang pasasalamat ni Rita sa mister niya na si Erik Reyes, a TV director, na very understanding. Inamin ni Rita na nagbubuhay-dalaga talaga siya these days and her husband doesn't mind.



"I am blessed with a very kind husband," sabi ni Rita. "Para nga kaming mag-syota lang. Nagde-date kami nang madalas. Wala na sa akin yung kung anumang pressure na dapat magkaanak pa rin kami. Maski kay Erik, nararamdaman niyang happy siya, kahit siguro wala kaming anak.



"May ibang plano siguro ang Diyos sa amin. Kagustuhan 'yon ng Diyos, na kung ganoon man ang mangyayari, dapat sigurong tanggapin na lang namin."



Sinabi rin ni Direk Erik sa PEP sa hiwalay na panayam na sa katayuan ni Rita, hindi naman talaga nito kailangang magtrabaho to earn a living. Kaya lang, naiintindihan ng mister ni Rita ang passion ng misis niya.



Paliwanag ni Rita, "Ito [acting] lang kasi ang talagang alam kong gawin at gusto ko. Kaya when I was able to gather myself, ang una kong tinawagan, si Malou [Choa-Fagar]. Ang sabi ko, 'Please, Malou, give me work. I'm ready and willing to do it.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Yun lang at ilang araw lang, ‘ayun, naka-cast na ako sa Marimar. Pasulpot-sulpot lang ang character ko rito as the mother of Marian Rivera, pero masaya ako. Mababait at supportive ang mga kasama ko, kaya ganado akong magtrabaho," kuwento ng aktres.



BATANES.
Samantala, tinanggihan naman ni Rita ang isang mapanghamong papel sa Batanes, ang pelikulang idinidirek ni Adolf Alix na tinatampukan ni Iza Calzado at ng F4 member na si Ken Zhu. Mangangailangan kasi ito ng mahaba-habang shooting days na ilalagi nila sa mismong lalawigan ng Batanes.



"Gustuhin ko man, hindi kakayanin," pahayag ni Rita. "May mga shooting days na masasagasaan yung taping ko sa Marimar, e, nauna ko namang commitment 'yon.



"'Yan kasi ang patakaran ko sa trabaho. Pinagtiwalaan ako ng GMA-7 ng regular na trabaho, kahit sabihin pang pasulpot-sulpot naman ako diyan, ang importante ay ang pagbibitaw ng salita.



"Katulad niyan, may dumating na trabahong gusto mo rin, pero masasagasaan yung nauna mong commitment. Doon ako sa nauna, isasakripisyo ko ang isa. It always happens, at ganoon lang palagi ang patakarang sinusunod ko.



"Kaya tumagal din ako sa industriyang ito dahil mahal ko ang trabaho ko. Bawat ibigay sa akin, minamahal ko and I give my one hundred percent. Hindi 'yan dahil sa mas malaki ang bayad ng isa, o mas maganda ang exposure ko. I don't work that way.



"Naiintindihan naman ni Direk Adolf yung sitwasyon. I'm sure some other time, magkakatrabaho rin kami," sabi pa ni Rita.



STUFFED DOLLS. May mga lumabas na balita noon na nahuhumaling na lang sila ng mister niya sa stuffed dolls, na ginawa na nilang mga anak. Aware ba si Rita na may mga taong nag-iisip na sila'y may sayad?



"Ay, ganoon ba 'yon?" natatawang sabi ni Rita. "Wala lang. Natutuwa lang kami doon sa stuffed toys na 'yon na binigyan din namin ng panahon. Parang naglalaro lang naman kami noon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Ngayon nga, wala na 'yon. Hindi na namin naasikaso at nakatago na lang sila. It wasn't a serious phase in our life. Maybe some people made a big deal out of it, na ang feeling nila, naloloka na ako," at lalo lang napahalakhak si Rita.



Nakikita nga naming ang ganda-ganda ni Rita ngayon, halatang inaalagaan nang husto ang sarili. Nagdyi-gym na nga siya regularly ngayon, na ayaw na ayaw niyang gawin noon.



"Ay, maganda ang effect sa akin, huh!" Aliw na aliw si Rita. "Maganda sa katawan ang pagdyi-gym, lalo kung ganyang nagkakaedad na talaga ako. I make it a point, three times a week, nagpapapawis ako sa gym.



"Nakakaalis ng stress. Ano naman kaya ang itsitsismis nila kung pagdyi-gym ang nakakahiligan ko?" nasabi na lang ni Rita bilang pagwawakas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN