Sheena Halili's villain role in "Marimar" is her biggest break


"Dito talaga kasi, napapansin na ang pag-arteko and ang sarap po talaga ng pakiramdam ‘pag sinasabihan ka na 'okayang acting mo or ang galing mo sa Marimar,'" says a happy Sheena Halili about playing the role of Monica in Marimar.



Inamin ng young actress na si Sheena Halili na biggest break niya bilang aktres ang drama series na Marimar ng GMA-7. Katunayan, sobrang kaba raw ang 20-year-old na dalaga nang una niyang gampanan ang role bilang Monica, ang malditang kaibigan ng super-malditang asawa ni Renato Santibañez (Richard Gomez) na si Angelika (Katrina Halili).



Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Sheena through the Internet habang nasa bahay nila sa Pampanga ang young actress kahapon, October 22, sinabi niyang sobrang saya niya sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng GMA-7 sa pamamagitan ng Marimar.



"Noong una po kinakabahan ako, pero maganda naman daw po ang ipinakikita ko sa Marimar, sabi ng mga fans and yung mga nakakapanood. Nagagawa ko naman daw po ang role ko, sabi sa mga feedback.



"Kaya masayang-masaya po talaga ako, sa dami naming artists [ng GMA-7] ay ako ang napili. Lalo na at hindi naman talaga maldita yung mga ibinibigay sa akin na roles before. Dito talaga kasi, napapansin na ang pag-arte ko and ang sarap po talaga ng pakiramdam ‘pag sinasabihan ka na 'okay ang acting mo' or 'ang galing mo sa Marimar.'



"At least, nararamdaman kong talagang napapansin nila yung role ko at sobrang masaya talaga ako na dumating ang Marimar sa buhay ko," masayang pahayag ng StarStruck 1 Avenger.



Wala pa bang nangungurot sa kanya o nagagalit talaga nang husto dahil sa pagiging bad girl niya sa naturang TV series?



Ani Sheena, "Ang role ko naman po kasi rito ay malditang engot, bale nakatatawa ang dating sa televiewers kaya okay naman po. Pero ang dami na rin po ang naiinis sa akin, minsan nga po nakakatakot nang mag-show, e.



"Like kapag nakikita po ako, sinasabi ng ilang fans: ‘Ayan si Monica...hay naku...kayo ang sama ninyo kay Marimar!' Wala naman pong nananakit talaga, pero nararamdaman ko po na nadadala talaga sila sa pagmamaldita namin sa Marimar."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Ano ang masasabi niya kina Marian Rivera at Katrina Halili bilang mga aktres at mga katrabaho?



"Magaling po sila pareho, si Marian po nakasama ko na dati at magaling na po talaga siya noon pa and ang bait pa po niya sa akin. Si Katrina, napakabait din at magaling umarte. Kahit ano ang role ay nagagawa niya," sagot ni Sheena.



Sinabi ni Sheena na hindi siya nag-aalalang ma-typecast bilang kontrabida dahil part ito ng kanyang pagiging artista.



"Okay lang po," sabi niya. "Bilang artista kasi, gusto kong magawa lahat ng role. Para sa akin po kasi, ‘yon ang talagang trademark ng isang artista, na kahit na anong role ang ibigay o ipagawa, kaya niya itong gampanan at bigyan ng justice."



Binibigyan ba siya ng tip ni Katrina para mas maging effective na maldita?



"Tinutulungan niya ako at ginagalingan po talaga naming dalawa. Masaya nga po ako dahil si Kat yung Angelika. Kasi bilang Monica, mas nakatulong sa pag-arte ko na kasama ko siya. Siguro dahil na rin po sa palagay na ang loob ko sa kanya," papuri ni Sheena sa kanyang batchmate sa StarStruck.



Idinagdag pa ni Sheena kung ano sa tingin niya ang sikreto ng tagumpay ng Marimar dahil ito na ang nangungunang primetime TV program sa kasalukuyan.



"Siguro po dahil lahat po ng cast and staff ginagawa lahat ng best nila and magaling po ang directors namin, sina Direk Mac Alejandre and Direk Joyce Bernal. Magagaling po ang mga kasama naming artista at mababait din ang mga bossing naming sina Ms. Sheryl, Ms. Eds, and Nanay Nieva."



Bukod sa exposure na ibinigay sa kanya ng Marimar, ang isa pang naitulong nito kay Sheena, na tinatawag din ng iba bilang "junior maldita," ay ang madagdagan ang tiwala nito sa kanyang sarili bilang aktres.



"Dati po ang dream role ko yung mga pa-sweet-sweet lang o kaya may ka-love team na pampakilig lang ever sa fans. Pero ngayon, pangarap ko yung makagawa ng matitinding drama or yung kamukha ng role ni Jenny sa Full House, yung comedy na pa-sweet... Basta yung pang-Koreanovela, feeling ko po bagay din ‘yon sa akin," pagtatapos niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN