Oyo Sotto insists that Kristine Hermosa is just a friend


"Kung may ginagawa kaming masama, hindi kami lalabas at makikita in public. Sa akin, wala kaming itinatago, so ano ang kailangang ikatakot?" explains Oyo Sotto about going out with Kristine Hermosa.



Kung naipakilala na ni Angel Locsin si Luis Manzano kay Ali Sotto, ang ina ng namayapang boyfriend ni Angel na si Miko Sotto, balita naman ang madalas na paglabas-labas at mga lakad ng ex-boyfriend ng young actress na si Oyo Boy Sotto kasama si Kristine Hermosa.



Matagal nang lumabas ang balitang ito tungkol kina Oyo at Kristine, pero naulit lang muli nang maging visible na naman sa mga showbiz gatherings ang dalawa. Ang pinakahuli ay nang sabay silang dumating sa nakaraang launching ni Anne Curtis bilang endorser ng isang clothing line.



Sa mga interview dati ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Kristine, paulit-ulit niyang sinabi na mahal na mahal pa rin niya si Diether Ocampo. Ayon pa nga kay Kristine, si Diether daw ang taong alam niyang makakasama niya habambuhay, sa kabila na nasa korte na ang pagpapa-nullify ng kanilang kasal.

Sa panayam naman ng PEP kay Oyo, tinanong namin siya kung hindi kaya ang madalas na paglabas nina Oyo at Kristine ay pagsimulan ng away sa pagitan ni Diet at ni Oyo?



"Huwag naman, ayoko ng gulo!" bulalas niya. "Kung may ginagawa kaming masama, hindi kami lalabas at makikita in public. Sa akin, wala kaming itinatago, so ano ang kailangang ikatakot?

"Tinatanong nila ako kung ano ang totoo. Alam ko naman ang totoo, hindi naman ako magde-deny. Wala namang masama kung lumabas kaming dalawa. Alam ko naman sa sarili ko na wala kaming tinatapakang tao. Kung anuman ang mga isyu sa kanila or may problema sila, ayokong makialam dun. Kumbaga, sa kanila ‘yon," paliwanag ni Oyo.

Bilang pagpapatunay na walang namamagitan sa kanila ni Kristine bukod sa pagiging magkaibigan, inisa-isa pa sa amin ni Oyo ang mga mga naging lakad nila ng aktres.



"Unang lumabas ‘yan nung nanood kami ng movie. Kasama namin ang Mommy niya, nanood kami sa Greenbelt. Then, sa launching nga ni Anne sa Freeway," banggit ng binatang anak nina Vic Sotto at Dina Bonnevie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin naman namin siya kung nanliligaw siya kay Kristine, iginiit ni Oyo na magkaibigan lang talaga sila ng aktres. Pero hindi niya itinatanggi na espesyal at nandun ang admiration niya para kay Kristine.



"Hindi ako nanliligaw, close fiend lang talaga," sabi ni Oyo. "Marami kaming bagay na napagkakasunduan. Okay kami, we're enjoying each other's company.



"She's special to me. Tinatanong nga nila kung ina-admire ko si Tintin, ang tanga naman kung hindi, di ba? Sa ngayon, magkaibigan talaga kami. Hindi naman ako nagmamadali or humihingi sa kanya ng kapalit, walang ganun," banggit niya.

Kinunan din namin ng pahayag si Oyo tungkol sa pagpapakilala ng ex-girlfriend niyang si Angel Locsin kay Luis Manzano sa tiyahin ni Oyo na si Ali Sotto. Wala ba siyang selos na naramdaman kahit kaunti sa naging aksyon ni Angel?

"Walang selos," sagot niya. "Nag-umpisa kami ni Angel bilang magkaibigan. Kung matatapos man kami, magkaibigan pa rin. Sa akin walang problema ‘yon. Actually, wala pa ngang naikukuwento sa akin si Angel, pero ang dami kong nababalitaan.

"Sa akin naman, kung saan happy si Angel, okay ako. As long as she's happy, I will also be happy. Kung sila na talaga ni Luis, okay sa akin. Ako naman, nandito lang ako para sa kanya," pagtatapos ni Oyo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN