Shaina Magdayao talks about her 18th birthday vacation in Japan

"Ako na ang nagha-handle ng sarili kong money. Kaya po alam ko nangayon kung paano mag-budget. Masakit po pala sa ulo ang mga bills!" says Shaina Magdayao about taking on responsiblity now that she is 18 years old.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang young actress na si Shaina Magdayao sa isang dinner sa Dulcinea restaurant, Tomas Morato, Quezon City last Friday, November 16. Kasama ni Shaina sina Jinggoy Estrada at Lorna Tolentino na co-stars niya sa 2007 Metro Manila Film Festival entry na Katas ng Saudi.

Naikuwento ni Shaina sa PEP na bitin daw ang six-day vacation niya sa Tokyo, Japan, where she celebrated her 18th birthday noong November 6, kasama ang kanyang daddy at niece na si Francesca.

"Kulang po talaga ang six days na bakasyon," nakangiting wika ni Shaina. "Nakarating po ako sa mga lugar na gusto kong marating, like Tokyo Disneyland. Nakaakyat po kami sa Mt. Fuji, the closest that we can go. Kasi po masyadong mataas at may snow na ang tuktok nito, picture perfect po talaga.

"Nanghinayang lang po ako na hindi kami nakaakyat sa Tokyo Tower, nahuli po kami sa oras, inabutan po kami ng pagsasara. Sayang po kasi ibabagsak na raw po yung 300 ft. tall tower dahil magtatayo sila ng double ng height nito, gagawin na raw pong 600 ft.

Kuwento pa niya, "Nagkaroon din po ako ng chance na makapag-shopping at suwerte kami dahil inabutan pa namin ang autumn sale kaya po medyo mura. Nakabili nga po ako ng gusto kong Louie Vuitton bag, birthday gift ko sa sarili ko. Matagal ko na pong gustong bumili, kaya lang walang okasyon para bumili ako. Since birthday ko naman, binili ko na, saka mga damit.

"Yun lang po ang maganda. Kung natuloy ako sa Europe, baka po hindi ako nakapag-shopping. Pasyal lang talaga ‘yon, dahil ang mahal daw pong mag-shopping doon. Pero sa Japan, nakaya ko pong makapag-shopping."

CHANGES IN SHAINA. May nabago na ba sa kanya ngayong 18 years old na siya?

"Yes po, binigyan na ako ng parents ko ng responsibilities since ako na lang po ang kasama nina Papa at Mama sa bahay," sagot niya. "Lahat po kasi ng mga kapatid ko, may kanya-kanya na silang bahay. Si Ate Vina [Morales], may sarili na rin siyang condominium.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako na ang nagha-handle ng sarili kong money. Kaya po alam ko na ngayon kung paano mag-budget. Masakit po pala sa ulo ang mga bills!" natatawang sabi ni Shaina.

"Kaya po alam ko nang magtipid," patuloy niya. "Nanghihinayang po ako kapag nakikita kong nababawasan ang savings ko. Kaya po blessings sa akin itong birthday gifts na natanggap ko, ang dalawa kong movies for the festival—ang Katas ng Saudi at Bahay Kubo. Then, ang bago ko pong teleserye, ang Lobo with Papa P [Piolo Pascual] and Angel Locsin.

"Happy po ako na kahit wala na po akong contract sa Star Cinema, may natatanggap naman akong offers sa ibang production. Sa Star Magic na lang po ako may contract."

RAYVER & JOHN. Ano naman ang birthday gift sa kanya ng dalawang guys na nali-link sa kanya, sina Rayver Cruz at John Prats.

"Isa pong Tiffany heart-shaped necklace ang ipinadala ni John sa bahay. Binati po ako ni Rayver noong birthday ko," sagot ni Shaina.

"Hindi naman po mahalaga sa akin kung wala silang gift, kasi wala naman po ako dito noong birthday ko. Masaya na akong naalaala nila akong batiin."

Binanggit na rin namin kay Shaina na may nai-post dito sa PEP na interview kay Rayver na nagulat ang binata nang malaman na nanliligaw si John sa dalaga. Sinabi pa ni Rayver na titigil na siya sa panliligaw kay Shaina.

"Ganoon po ba?" may lungkot na sabi ni Shaina. "Hindi pa po kami nagkakausap ni Rayver. Pero sa palagay po ba ninyo, kung boyfriend ko na nga si John, magpapaligaw pa ako sa iba? Hindi po ba dapat sabihan ko na siya at yung mga non-showbiz suitors ko na tumigil na sila dahil may boyfriend na ako?

"Sa ngayon po kasi, hindi ko pa iniisip na makipag-boyfriend. Hindi po ba biro ko nga noon, collect na lamang muna ako nang collect ng suitors, saka na ako magsi-select. Gusto ko pong matupad muna yung dreams ko para sa career ko, ang pagtulong ko sa family business namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Saka itutuloy ko rin po ang business ko, gusto ko pong magpatayo ulit ng isa pang rows of apartment. May tinitingnan na po akong lote. Yun pong talent fee ko sa mga susunod kong movies and TV shows, doon po mapupunta lahat ‘yon," pagtatapos ni Shaina.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN