John Lloyd Cruz disowns FB account; cries foul over quotes attributed to him

by Erwin Santiago
Mar 5, 2021
john lloyd cruz facebook
John Lloyd Cruz: "HUWAG PO KAYONG MAGPALINLANG. HUWAG PO KAYONG MAGPALOKO. Marami na hong peke sa mundo. Huwag na po nating dagdagan."
PHOTO/S: Official Facebook FanPage of Mr. John Lloyd Cruz

Walang Facebook o anupamang social media account si John Lloyd Cruz.

Ito ang ginawang paglilinaw ng aktor kasunod ng mga lumabas na ulat na binigyan niya ng payo sa buhay at pag-ibig ang young actor na si Joshua Garcia.

Ngayong Biyernes ng gabi, March 5, nagpadala ng opisyal na pahayag si John Lloyd sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) upang linawin ang mga "kumakalat na balita at maling impormasyon."

Pinuna ng award-winning actor ang "tahasang pag pick-up" ng ilang entertainment news providers sa aniya'y mga pekeng impormasyong ito.

Lumapit si John Lloyd sa PEP.ph, at pati sa kaibigang aktres na si Maja Salvador, upang tulungan siyang ihayag sa publiko na ang Facebook account na @johnlloydcruzofficial ay hindi sa kanya.

Wala rin daw karapatan ang nasabing Facebook account na gamitin ang pangalan at mga larawan niya "para maghayag ng mga salita at saloobin na hindi kailanman ay nanggaling sa aking bibig at isipan."

Continue reading below ↓

Pagdidiin ni John Lloyd, na inilagay niya sa capital letters: "AKO PO AY WALANG KAHIT ANONG SOCIAL MEDIA ACCOUNT. WALA PO AKONG FACEBOOK, INSTAGRAM, TWITTER, MySpace, Friendster or Tumbler etc."

Wala rin daw siyang Lyka account kaya pinag-iingat niya ang kanyang followers sa pagbibigay ng gems.

Sa huli, paalala ng aktor: "HUWAG PO KAYONG MAGPALINLANG. HUWAG PO KAYONG MAGPALOKO. Marami na hong peke sa mundo. Huwag na po nating dagdagan."

JOHN LLOYD ALLEGEDLY GAVE JOSHUA personal ADVICE

Nag-ugat ang isyu nang ilathala ng ilang lehitimong news websites, kasama ang Rappler at Abante, ang status post ng Facebook page na "John Lloyd Cruz" noong February 25, 2021.

Kalakip ang black-and-white photo ng magkatabing sina John Lloyd Cruz at Joshua Garcia, nakasaaad dito ang payo umano ni "John Lloyd" kay Joshua:

"One day everything will fall into place just the way it should be. So until then, don’t focus too much on the confusion. Just focus on improvement and betterment. Create a great life for yourself Joshua Garcia."

Continue reading below ↓

Duda ng mga nakabasa ng post na iyon, may kinalaman ang payo ni “John Lloyd” sa pinag-uusapang music video tampok si Joshua at si Julia Barretto. Dating magkasintahan, sila ang bida sa bagong music video ni Moira dela Torre na “Paubaya,” na tungkol sa dalawang nilalang na napagtantong hindi sila itinadhana para magkatuluyan. Samantala, si Julia ay kasintahan ngayon ni Gerald Anderson, ayon na rin sa pag-amin ni Gerald sa isang YouTube talk show ngayong araw.

At press time, ang sinasabing love advice ni "John Lloyd" kay Joshua ay mayroon nang 5.4K comments at 18K shares. Ibig sabihin, marami na ang nagbasa at nagpasa-pasa ng Facebook post na ito.

Continue reading below ↓

Hindi naman katakataka kung pikapin ito ng ibang news websites dahil "verified" account ang "John Lloyd Cruz." Ibig sabihin, kinumpirma ng Facebook na ang page o profile nito ay authentic o lehitimo.

Sa kasalukuyan, ang verified "John Lloyd Cruz" account ay mayroong 1.5 million followers.

Maliban dito, naengganyo marahil ang ibang websites na gawan ng ulat ang pagbibigay ng advice ni "John Lloyd" kay Joshua dahil madalas ikinukumpara ang dalawang aktor.

Si John Lloyd, 37, at Joshua, 23, ay itinuturing na dalawa sa prized talents ng ABS-CBN. Bagamat wala na ngayon sa poder ng Kapamilya network si John Lloyd, si Joshua ay naroon pa rin.

Sina John Lloyd at Joshua, na madalas sabihang magkamukha, ay kilala rin sa kanilang husay sa pag-arte.

May iba pa ngang nagsasabing si Joshua ang susunod sa mga yapak ni John Lloyd, na isang matinee idol at ilang ulit nang napatunayang malaking pangalan sa takilya.

Continue reading below ↓

JOHN LLOYD CRUZ FULL STATEMENT

Narito ang kabuuan ng opsiyal na pahayag ni John Lloyd:

"Ako po si John Lloyd Cruz. Nagnanais linawin ang mga kumakalat na balita at maling impormasyon.

"Gayumpaman hindi ko nais pang pagtuunan ng pansin ang laman ng mga artikulo (sa simpleng kadahilanang ang laman nito ay gawa-gawa lamang) sa halip ay mabigyan ng karampatang atensyon ang pagkalehitimo ng pinanggalingan ng impormasyon, ng mga maling impormasyon. Mga inimbento at peke. Pekeng impormasyon.

"Nakakawindang ang tahasang pag “pick-up” ng mga entertainment news provider lalo na sa social media platforms sa mga pekeng impormasyon na ito.

"Lumapit ako sa PEP.PH dahil napansin kong mas masusi at di hamak na mas matalino nilang pinoproseso ang kanilang trabaho.

"Lumapit din ako kay Maja Salvador isang aktres, dancer upang tulungan akong maihayag na ang pinag-ugatang account sa Facebook na may tawag na @johnlloydcruzofficial ay hindi ako at walang karapatan na gamitin ang aking pangalan at imahe para maghayag ng mga salita at saloobin na hindi kailanman ay nanggaling sa aking bibig at isipan.

Continue reading below ↓

"Ang paglapit ko sa kanya ay sa kadahilanang AKO PO AY WALANG KAHIT ANONG SOCIAL MEDIA ACCOUNT. WALA PO AKONG FACEBOOK, INSTAGRAM, TWITTER, MySpace, Friendster or Tumbler etc.

"Natutunan ko din kay Barbie Capacio na isang tunay na diyosa na meron pa daw akong Lyka account. Dito raw ay pwede ka pang kumita. WALA RIN PO AKONG LYKA ACCOUNT. PEKE RIN PO YAN. MAG-INGAT SA PAGBIGAY NG GEMS.

"Sana ho’y sa mensahe kong ito ay maiwasan po ang posibleng panloloko sa aking mga tagasunod. HUWAG PO KAYONG MAGPALINLANG. HUWAG PO KAYONG MAGPALOKO. Marami na hong peke sa mundo. Huwag na po nating dagdagan. Maraming salamat po."

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
John Lloyd Cruz: "HUWAG PO KAYONG MAGPALINLANG. HUWAG PO KAYONG MAGPALOKO. Marami na hong peke sa mundo. Huwag na po nating dagdagan."
PHOTO/S: Official Facebook FanPage of Mr. John Lloyd Cruz
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results