Nadine Samonte concentrates on "Marimar" while waiting for her next solo soap

"Habang pinipili pa nila ang next soap opera na pagbibidahan ko, mag-concentrate daw muna ako sa Marimar kasi maraming mangyayari between Marimar and Inocencia," says Nadine Samonte.



Malamang na sa February 2008 pa raw masisimulan ni Nadine Samonte ang bagong pagbibidahan niyang afternoon soap opera sa GMA-7. Matatandaang naging top-rater ang kanyang huling pinagbidahang serye, ang Kung Mahawi Man ang Ulap; nagtala ito ng highest rating na 28 percent para sa isang afternoon drama show.



Nagpapasalamat si Nadine sa mga sumubaybay ng Kung Mahawi Man ang Ulap hanggang sa matapos ito. Hindi kasi niya ini-expect na marami ang tumutok dito dahil sa timeslot nito.



"Grabe pala ang ratings namin, pang-primetime na!" bulalas ni Nadine sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Tinatanong na nga ako kung kailan ang kasunod. Nag-meeting na kami at baka February next year pa sisimulan ‘yon. Ongoing pa kasi ang Marimar at aabutin kami hanggang March 2008.



"Habang pinipili pa nila ang next soap opera na pagbibidahan ko, mag-concentrate daw muna ako sa Marimar kasi maraming mangyayari between Marimar [Marian Rivera] and Inocencia. Hindi dapat nila ma-miss ‘yon," lahad pa ng young actress.



Si Nadine ang latest at pinakamabigat na kalaban ni Marian sa Marimar. Na-in love kasi ang character ni Nadine na si Inocencia kay Sergio (Dingdong Dantes). Lalong magiging kumplikado ang pagbabalikan nina Marimar at Sergio dahil kay Inocencia.



Nang kunan nga ang unang kissing scene ni Nadine with Dingdong, sobra raw kinabahan ang young actress kahit na sanay na siyang makipag-kissing scene sa mga leading men niya.



"First time kasi naming gagawin ‘yon ni Dingdong kaya pareho kaming kinabahan," sabi ni Nadine. "Pero take-one naman kaming pareho sa eksena kaya mabilis na nawala ang kaba namin sa dibdib. ‘Tsaka matagal ko na kasing nakatrabaho si Dingdong sa ibang shows kaya kumportable naman ako sa kanya. Doon lang sa first kissing scene namin ako kinabahan. Pero ngayon, wala na ‘yon."



Samantala, tinanong din ng PEP si Nadine tungkol sa nababalitang iringan nina Marian at Katrina Halili sa set ng Marimar. Ayon kay Nadine, hindi raw niya ito napapansin dahil hindi naman daw siya kasama sa mga eksena ng dalawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ilang beses lang naman ako nakasama sa eksena nina Marian at Katrina kaya wala naman akong napapansin na may problema pala sila. May mga nagsasabi lang sa akin about that. Pareho ko naman kasing close sina Marian at Katrina. Si Katrina, magkasabay kami sa StarStruck. Si Marian naman, nakasama ko na siya sa Super Twins before at mas marami kaming mga eksena sa Marimar," paliwanag ni Nadine.



Wish ni Nadine na sana'y huwag nang palakihin pa ang intriga kina Marian at Katrina at ipagdasal na lang daw na mas maganda ang maging samahan ng buong cast ng Marimar.



"Mas maganda kasi yung walang nag-aaway, di ba?" sabi niya. "Lalo na't mataas parati ang rating ng Marimar. It means na gustung-gusto ng marami ang rapport namin sa show. Dasal ko na parati kaming maayos sa Marimar."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN