All praises ang Diamond Star na si Maricel Soriano sa mga co-stars niya sa 2007 Metro Manila Film Festival entry na Bahay Kubo, lalo na ang mga gumanap na anak niyang babae sa pelikula na sina Shaina Magdayao, Yasmien Kurdi, at Marian Rivera.
"Sa totoo lang, yun nga ang sinasabi ko kaya ako very blessed dahil alam ko... Hindi ba sila ngayon ang mga ano... Matutuwa ka sa kanilang lahat. Haping-happy ako kagaya ni Marian nagre-rate ang show niya [Marimar]. Ang taas-taas ng rating ng show niya. Si Yasmien, ganun din. Mahusay ‘tsaka maganda si Yasmien, iba rin ang kanyang beauty. Siyempre si Shaina, given ‘yon. Anak-anakan ko ‘yon dahil bata pa siya, nakasama ko na siya. ‘Tsaka pare-pareho ko silang love," pahayag ni Maricel sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa huling presscon ng Bahay Kubo.
Ayon kay Maricel, wala rin daw naging pasaway sa tatlong female young actresses na kasama niya sa pelikula.
"Mababait sila, sa totoo lang," sabi ni Maricel. "Walang etching ‘yon. Kasi wala akong puwedeng sabihin ko sa ‘yo na hindi totoo dahil kung merong naka-offend sa akin, magsasalita ako talaga, e. Pero wala, e. Doon nga ako nagsasalita kay Mother [Lily Monteverde].
"Nagpapasalamat ako dahil ito yung pagkakataon na nakatrabaho ko sila [Shaina, Yasmien, at Marian]. Iba-ibang network ito pero very blessed ako kasi pagdating sa trabahong ito, talagang artista pa rin tayo. Ito ang trabaho natin."
May ugali ba siya na nakita kina Shaina, Yasmien, at Marian while working with them?
"Nakita ko yung dedikasyon nila sa work, yung excitement," sagot ni Maricel. "They're very excited kapag nagtatrabaho sila. ‘Yan nga yung merong cute, kasi they feel siguro nanay nila ako na, ‘Ma, pagod na ako.' May lambing silang ganun."
Sino sa tatlo ang mas nakikita niya ang kanyang sarili?
"Mahirap magsabi ng ganun because I'm not like that. ‘Tsaka hindi ako nanghuhula, ayaw ko ‘yon. Kasi kung ano yung destiny na mabibigay sa kanila or tatahakin nila, yun ang magiging gift nila galing sa Diyos," paliwanag ng Diamond Star.
Ano ang maipapayo niya sa kanyang mga "anak-anakan" sa pelikula?
"Ipagpatuloy lang nila ang dedikasyon na nakita ko sa ginagawa nilang shows ngayon. Kasi bumabalik ‘yan, e. Kapag minahal mo, mamahalin ka rin," sabi niya.
MOTHER IN REAL LIFE. Tagos sa personal na buhay ni Maricel ang role niya sa Bahay Kubo kung saan may anim na ampon siya at isang tunay na anak. In real life, naunang nagkaroon ng ampon si Maricel bago dumating ang kanyang first baby.
Si Marron ang panganay ni Maricel na inampon niya nung sila pa ni Ronnie Ricketts ang magkarelasyon. Ngayon ay 21 na si Marron, na ang pangalan ay hango mula kina Maricel at Ronnie. Si Sebastien o Tien-Tien naman ang anak ni Maricel sa businessman-politician na si Cesar Jalosjos. Kinuha naman ni Maricel ang pangalan ni Sebastien sa alimango na kaibigan ni Arielle sa Disney animation na Little Mermaid.
May eksena si Maricel sa Bahay Kubo na binabawi na ni Karla Estrada ang kanyang anak kay Maricel. Hindi tuloy naiwasan na tanungin si Maricel kung dumating din ba ang pagkakataon na binawi ng kanyang tunay na magulang si Marron sa kanya.
"Hindi, e," sagot niya. "Actually, napag-usapan namin ‘yon ng anak ko. Pero ayaw niyang mapag-usapan ‘yon. But I will support kung ano ang desisyon niya. Nasa kanya ang choice."
Bukod sa dalawang anak, happy si Maricel sa kanyang apo na si Elijah, na anak ng pamangkin niyang si Meryll Soriano kay Bernard Palanca. Anytime now, puwede na ring magka-apo si Maricel kay Marron.
"Huwag naman niya akong biglain ng ganun, baka mag-collapse ako! Okay na sa akin ngayon si Elijah," natatawang sabi ni Maricel.