Ai-Ai delas Alas narrates her child's ordeal in convenience store

"Dumudulog ako sa mga kaibigan ko sa press dahil unang-una, mali ‘yonna dapat hindi niya sinasaktan ang anak ko. Pangalawa, bakit kailanganmong gawin ‘yon sa isang menor de edad na kagaya ng anak ko? Na hindika naman sure kung ano ba yung nangyari, kung totoo ba o hindi," appeals Ai-Ai delas Alas.



Malungkot at hindi mapalagay si Ai-Ai delas Alas nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment portal) tungkol sa sinapit ng isa sa kanyang mga anak. Nakausap namin siya noong Biyernes, January 4, sa kanyang AISarap restaurant sa tapat ng ABS-CBN.

Inamin ng Comedy Queen na hindi na niya matandaan kung ano ang eksaktong petsa kung kailan naganap ang pananakit sa kanyang anak ng kahero ng convenience store na Mini-Stop.

Kuwento ni Ai-Ai, "Two weeks after na saka nagsabi sa akin ang anak ko na sinuntok siya sa Mini-Stop sa P. Noval [in Sampaloc, Manila]. Mga December 17 ‘yon nung sinabi sa akin ng anak ko. May binili ang anak ko doon. E, nakita ‘ata na may bitbit na dalawang kendi ang anak ko habang papalabas sana para tanungin yung kasama niya sa labas kung ano ang gustong bilhin para sa kanya.



"Nawala siguro ‘yon sa isip ng anak ko na nakapagdala siya ng kendi," patuloy ng comedienne. "Medyo makakalimutin din kasi ang anak kong 'yon, e. 'Tapos bigla na lang nagulat yung bata nung hawakan siya nung mama. Sinalya siya ng kahero at sinuntok siya ng dalawang beses sa tagiliran habang sinasabi na ‘Akin na ang ninakaw mo.' ‘Tapos si bagets
siguro natulala habang kinakaladkad naman siya papuntang stock room. Doon na sila nag-confrontation."

INSIDE THE STOCKROOM. Ano ang nangyari sa loob ng stockroom?



"Naghubad yung kahero. ‘Tapos, pinagsusuntuk-suntok yung mga kahon doon. Parang sinisindak si bagets habang pinapaamin niya na nagnakaw siya. Na sinabi niya na hindi ako magnanakaw. Na anak ako ni Ai-Ai delas Alas. Nung narinig yun nung kahero, sinabi pa niya sa anak ko, ‘Wala akong pakialam kung kaninong anak ka. Ano yung ninakaw mo?'



"Sabi ng anak ko, ‘Hindi ako magnanakaw. May pera ako.' Tapos inilabas niya yung pera niya, yung P800. Nilabas niya ang ID niya. ‘Tapos sa likod ng ID ni bagets, may picture ako doon. May production pass siya nung concert ko sa Araneta Coliseum. Doon pa lang siya [kahero] naniwala na anak ko. Medyo nahimasmasan siya nang malaman niya anak ko talaga si bagets. Nag-subside siya," salaysay ni Ai-Ai.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



A MOTHER'S REACTION. Nag-sorry ba yung kahero sa anak niya?



"Hindi, wala lang," sagot ni Ai-Ai. "Blinotter niya ang anak ko. Sinulat-sulat na kumuha siya ng ganito. Naka-blotter daw dun sa Mini-Stop."



Kuwento pa ni Ai-Ai, hindi na rin nagawang mapa-medico legal ang kanyang anak.



"Kasi hindi nga siya nagsabi dahil ayaw niya na magwala ako," paliwanag ni Ai-Ai. "Magwawala talaga ako dahil sinaktan ang anak ko. Feeling kasi ni bagets, matanda na siya, e. Akala niya malaki na siya. Hindi niya alam na menor de edad siya. Na may mga laban na kailangan ang nanay niya. Lalaki siya, e. Lalaking bagay ‘to, di ba? May atraso ka sa akin, bakit mo ako sinapok. Parang ganun."



Ano ang naging initial reaction niya nang malaman niya ang nangyari sa kanyang anak?

"Siyempre, nanlamig ako at umiyak ako sa awa sa anak ko. 'Bakit ka ginanun anak? Ano ang karapatan niya?' Pinahanap ko agad yung lalaki. Tumawag ako doon sa kaibigan kong kagawad doon sa Manila. Pinatanong ko sa Mini-Stop kung ano ang pangalan ng mga crew doon at kahero. E, pabalik-balik siya. Until siguro yung isa, napansin na pabalik-balik siya,
sinabi yung pangalan ng kahero na nag-resign daw after two days nangyari ‘yon. Pero sabi lang ‘yon. Kasi sabi ng anak ko, ‘Mommy, two weeks or one week after the incident, nakita ko pa siya doon, e.'



"'Tapos tumawag din ako dun sa manager, yung Eric ‘ata yun. ‘Tapos, hindi ko nakausap. Ang nakausap ko yung parang Sammy or Sonny na parang supervisor doon. ‘Tapos nung tinatanong ko kung ano yung middle initial nung lalaki... ‘Tapos sabi niya lahat daw ng papers ng Mini-Stop, nasa main office. Hindi niya maibigay. So, sabi ko, ‘Sige, attorney ko na lang ang bahala.'

"Tapos, tinatanong niya kung alam ko ang nangyari. Sabi ko, oo, alam ko yung nangyari. ‘Tapos tinatanong ko siya kung nandiyan ba siya nung nangyari 'yon, wala raw siya. So, wala siyang alam."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LEGAL ACTION. Bakit ngayon lang sinabi ng anak niya ang nangyari sa kanya?

"Nalaman ko na, e. So, kinumpronta ko na siya. Sabi ko, ‘Anak, kailangan kang magsalita.' Kasi malungkot siya, e. ‘Tsaka gusto niya ng justice. Tinatanong niya yung mga kaibigan kong colonel. Ako naman parang, ‘Bakit tinatanong mo?' ‘Wala, Ma. Nami-miss ko lang sila.' Siguro magsusumbong. Kasi lalaki ito, e. Na-ano yung ego at gustong makaganti kasi naagrabyado siya, e," lahad ni Ai-Ai.

Anong kaso ang ipa-file niya sa nanakit sa kanyang anak?



"Bahala na yung attorney ko," sagot niya. "Sa Tuesday [January 8] kami magpa-file. Idedemanda ko yung tao."



Sasampahan din ba niya ng kaso ang establishment?



"To follow," mabilis na sagot ni Ai-Ai. "Unang-una, bakit nila ina-allow na hindi muna nila ako binibigyan ng information o yung ibang nagtatanong? Dapat tinanong nila si bagets ng ‘Sino'ng nanay mo?' o ‘Nasaan ang nanay mo? Kung totoong nanay mo si Ai-Ai, nasaan na? Ipatawag mo ngayon.'"



Hindi ba niya personal na pinuntahan yung lalaking nanakit sa anak niya?



"Hindi kasi may iba akong laban na legal. Gawin nating legal. Kung lulusob ako doon, ano'ng gagawin ko? Pagmumumurahin ko sila doon? Nasa legal tayo. Meron tayong batas," paliwanag niya.



Kapag nakaharap niya yung lalaking nanakit diumano sa anak niya, ano ang gagawin niya?



"Hindi ko po alam," sagot ni Ai-Ai. "Hindi ko pa alam kung ano ang gagawin sa kanya. Ang dati kong plano, pupunta ako doon, bibilhin ko lahat ng Mentos na nakatinda doon. Bibilhin ko lang, ibibigay ko sa anak ko. Babalik ako at bibilhin ko ulit ang Mentos na nandun. Gusto kong makita niya lang na hindi niya dapat sinasaktan ang anak ko dahil lang sa kendi."



Feeling ni Ai-Ai, sobrang na-violate ang pagkatao ng kanyang anak.



"Wala nang hihigit pa sa violation na ‘yon," sambit niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Ano ang nakita niyang epekto sa anak niya ng mga pangyayari?



"I'm sure kasi lalaki ‘yon, e, hindi niya aaminin na na-trauma siya. But I think, traumatized ‘yon. Ikulong ba naman siya sa stock room na hindi ko alam? Alam mo sabi niya, ‘Mommy, talagang naramdaman ko gusto niya akong bugbugin.' Yung ganun. Biro mo yung trauma ng bata doon?" pahayag ni Ai-Ai.

Tutukan niya bang mabuti ang kasong isasampa niya?



"Oo, kasi sabi ko nga, sabi ko sa mga anak ko, ‘Habang nabubuhay ako, walang makakaapi sa inyo, walang makakasakit sa inyo.' Up to the last drop ng dugo ko, habang nabubuhay ako, walang aapi sa mga anak ko. Yun lang," naiiyak na sabi ni Ai-Ai.

MINI-STOP. Samantala, nakakuha naman ng report ang PEP na pinag-iisipan na diumano ng Mini-Stop na mag-issue ng statement kaugnay ng alegasyon ng anak ni Ai-Ai. Ayon sa report, nag-shoplift daw ang anak ni Ai-Ai at nakalagay raw ang insidente sa police blotter.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN