ABS-CBN exec Vivian Tin talks about impact of alleged ratings anomaly in TV industry




Lumantad na noong January 11 ang unang informant, si Mark Dumago, na lumapit sa ABS-CBN para isiwalat ang nagaganap na umano’y anomalya sa pagkalap ng ratings ng AGB Nielsen Media Research sa Bacolod. Bunsod daw ito ng pagdududa ng iba at hamon na dapat na humarap siya sa publiko kung ang sinasabi niya ay katotohanan.

Ngayong hapon, nakatakdang magsalita sa The Buzz si Ms. Vivian Tin, ang vice-president for research and business development. Isasalaysay ni Ms. Tin kung paano nagaganap ang diumano'y dayaan sa ratings.

“'Alam ninyo ba na nadadaya ang ratings,' sabi sa amin nung informant. Sabi namin, ‘Paano?’ Ang sabi niya, may nag-utos sa amin na hanapin ang bahay na meron at bigyan sila ng grocery at P500 para lumipat ng ibang istasyon. Hiniling namin na puwede niyang patunayan ang sinabi niya.

“Dinala niya kami sa ilang bahay na may mga meters talaga ng AGB at nainterbyu namin ang mga taong ito, at sila ang nagsabi na totoo na binibisita sila ng mga tao, na binibigyan sila ng P500 at grocery buwan-buwan para lumipat ng istasyon,” ang lahad ni Ms. Tin.

Kinuha raw ang informant na si Dumago ng GMA-7 nung umpisa para mag-survey pagkatapos ay iba na ang ipinagawa sa kanya. Inutusan rin daw siya na maghanap ng mga bahay na may panel meter para raw sa pagtaas ng ratings.

“Kaya namin nalaman na nagsasabi siya ng totoo kasi yung mga bayan na yun, hindi nila dapat pasukin. Hindi nila dapat alam yun. Kahit ABS-CBN hindi alam. Kahit sa labas ng AGB Nielsen, wala dapat nakakaalam kung saan ang mga bahay na ‘yan,” ang sabi pa ng Kapamilya network executive.

Idinagdag pa ni Ms. Tin na naniwala lamang sila sa informant noong dinala ang ABS-CBN sa mga bahay na may meter ng AGB Nielsen Media Research.

Aniya, “Para nga makasigurado, ‘Ipakita nga ninyo sa akin ang video.' Kasi alam mo, syempre, ako sa research ‘di ba naniniwala ako sa proseso na hindi mahahanap ang mga bahay na yun kasi tiwala yung binibigay mo sa AGB Nielsen. So, para may mag-claim na, ‘Uy, nahanap yung mga bahay. Nandadaya yung mga ratings,’ humingi talaga ako ng pruweba. Kaya nung
lumabas yung bahay, kinabahan ako kasi totoo."

Ipinaliwanag din ni Ms. Tin kung bakit importante na dapat walang nakakaalam kung saang bahay nakakabit ang meter ng AGB Nielsen Media Research.

“Ang ratings kasi, ginagamit para malaman kung ano talaga ang performance ng mga programa at ginagawang sagrado yung mga lokasyon ng mga household na ito, na may mga meters, para walang pumunta roon at kumbinsihin sila na ibahin mo.

“Kasi ‘tong mga household na may meters, sila kumbaga ang nagre-represent ng bawat pamilya sa Pilipinas. So, dapat ang ginagawa nila, yung normal na ginagawa ng normal na tao kasi sila yung nangangatawan sa mga normal na tao,” ang sabi ni Ms. Tin.

Nakasaad sa kontrata ng ABS-CBN with AGB Nielsen Media Resaearch na kahit ano’ng mangyari, hindi sasabihin ng may-ari ng bahay na kinabitan sila ng metro dahil magkakaroon ito ng epekto ng ratings. Heto ang mahabang tinuran ni Ms. Tin ukol sa kahalagahan ng ratings.

“Napaka-importante ng ratings sa istasyon at kahit sa mga ordinaryong tao, kasi telebisyon, ‘di ba...Bibili ka lang telebisyon, makakapanood ka na ng mga programang libre. Hindi katulad ng sine kailangan mong bayaran. Pero para ang isang network para makagawa ng isang programa dahil hindi naman binabayaran ang programa, kumukuha siya ng pantustos dito sa mga programa sa mga nagbabayad ng advertising, ‘di ba?

“Yung mga commercial na ‘yan, binabayaran ang isang network para mag-air, at ang perang 'binabayad na ’yan ang ginagamit para gumawa ng programa dahil para maibigay sa mga tao na libre ang programa. Ang kapalit naman noon sa mga advertisers ay makakapag-communicate sila sa mga ordinaryong tao tungkol sa kanilang produkto.

“So, ‘di ba parang ang network, ang advertiser at ang mga tao, lahat tayo ay nakikinabang. So, yung ratings na ’yan, ‘yan ang basehan ng network. Kasi yan ang nagsasabi sa network, 'eto ang gusto ng mga tao para tama ang programa at para gumanda ang programang gusto ng mas maraming advertising...para mas marami kang maipro-prodyus na programa.

“Ang ratings na ito ay mahalaga kung sino at ilan ang nanonood sa isang program at ito rin ang nagsasabi sa mga advertisers na ito ang klase ng publiko na nanonood at bagay para doon sa...yung programa, so, it’s really mutually beneficial relationship among the parties.

“Ang pakinabang ng ordinaryong tao ay nakakapanood ka ng magagandnag program. Hindi mo kailangan magbayad dahil itong sistema, ganyan ang ikot. Mahalagang-mahalaga ang ratings,” ang diin pa ni Ms. Tin.

Sa paglantad ng informant, inamin ng nasabing lady executive na kinabahan ang ABS-CBN. “Sa ABS-CBN kinabahan, kasi paano kung maraming maling nagawang programa kasi baka mali ang nakikitang ratings. Sa tao, baka kasi hindi sila natuwa sa mga nagawang programa dahil hindi pala tama ang binabasang datos. Sa advertisers naman, baka sa maling programa nila nailagay ang commercial nila dahil akala nila yun ang pinapanood ng karamihan sa Pilipinas, na hindi naman pala.”

Dahil dito, nagsampa ng kaukulang civil case ang ABS-CBN laban sa AGB Nielsen Media Research noong December 14, at nag-file pa ang una ng temporary restraining order sa Quezon City Regional Trial Court.

“Ang nilabas na kaso ng ABS-CBN laban sa AGB ay dahil responsibilibad ng AGB na panatilihing confidential ang mga panel meters nila, kasi para
maging accurate at tama ang datos na nilalabas nila, dapat representante yung panel home. Kapag napanghimasukan na ‘yang process, hindi mo na
masasabing 'sigurado ba ako na talagang tama yun'... na naglalabas sila ng datos na pinanggagalingan ay may corruption yung data.

“Kaso siyang civil dahil nagkulang sila sa pagsisigurado at naglalabas sila ng datos ng hindi tama. Kasi napakita na ang proseso na ginagamit nila ay napanghimasukan na. Ang hinihingi ng ABS-CBN sa AGB Nielsen Media Research ay linisin at huwag maglabas ng datos habang hindi malinis. Kasi ang sinasabi ng AGB Nielsen Media Research, inamin naman nila na napanghimasukan ang sistema nila. Mag-iimbestiga raw sila at maglilinis. Pero ang naging kaso ay ayaw nilang tigilan ang paglalabas ng datos kahit naglilinis pa sila.

“Doon ang ating reklamo, na inamin ng AGB Nielsen na napanghimasukan ang kanilang sistema, at ang kaso ay nagsasabing bakit kayo naglalabas ng datos, e, samantalang naglilinis pa kayo. Meron silang paglilinis na ginagawa pero ang isyu doon ay hindi pa nga natatapos ang paglilinis, tuluy-tuloy ang paglabas ng datos. Dapat tigilan muna ang paglabas ng datos.”

Bahagi ng kontrata ng ABS-CBN at AGB Nielsen Media Research ang provision na nagsasaad na kapag nagkamali, halimbawa sa datos na binibigay, ang kanilang grupo sa publiko ay meron silang 90 days para itama ang kanilang pagkakamali.

“Oo, bahagi ito ng kontrata pero ang sinasabi ng ABS-CBN, yung error na sinasabi doon, kapag nagre-research or nagsa-survey, puwede talagang magkamali. Kasi puwedeng may area na ayaw mag-cooperate ng mga tao, ayaw magpa-interbyu. So, minsan yung datos na mailalabas mo kahit lahat sinubukan mong ayusin ay hindi siya magiging tama at saka uncontrollable. Yun talaga, tinatanggap yun sa industrya ng research na puwedeng magkamali. Yung mga ganyang mali ay tinatanggap mo na bibigyan mo ng panahon para maayos.

“Pero sa side ng ABS-CBN hindi kasi ito uncontrollable kasi intentional. Intentional na pinanghimasukan ang kanilang proseso. So, kung itutuloy nila ang paglabas, para sila na ngayong intensyonal na rin na pumayag na maglabas ng datos na pinaghihimasukan.

“Hindi sakop ng provision na yun yung paglabas ng impormanteng ito na nagsasabing napanghimasukan ang ilang mga bahay sa Bacolod dito sa provision that allows AGB Nielsen to correct an error within 90 days. Yun ang pananaw ng ABS-CBN,” ang naging eksplanayon ni Ms. Tin.

Bukod kay Mark Dumago, nadagdagan pa ang mga impormanteng may panel meter ng AGB Nielsen na lumapit sa ABS-CBN.

Ang kuwento pa ni Ms. Tin, “Nung nagsampa tayo ng demanda, meron na tayong dalawang impormante doon din sa Bacolod. Pero ngayon, meron na rin tayong impormante hindi lang sa Bacolod. Meron din tayong witnesses, mga household members na galing Cebu at Davao, na nagpapatunay na sila nga ay pinuntahan din at binigyan din ng insentibo para magpalit ng kanilang panonood. Gusto ng ABS-CBN na ilabas lahat ng ebidensya na talagang merong tampering na nangyari at hindi siya sa isang lokalidad lang.”

Iginiit pa ng ABS-CBN executive na may epekto ang umano'y tampering sa lahat ng aspeto ng television industry.

“Sa industriya, matatakot ka talaga kasi ‘yan ang basehan ng maraming desisyon, e. So, araw-araw hindi mo sigurado ang binabasa mo kung tama. Bukas ba may masisira ako na buhay ng artista dahil nagrekomenda na ang galing ng progama na ‘yan pero mababa ang ratings? E, kung sa totoo pala mataas pala ang performance ng progama. So, nasira ang buhay.

“Yun namang advertisers, pwedeng masira ang produkto dahil mali ang napasukan niyang progam. Ang tao naman talaga ay yun din ang pinakakawawa kung mali ang mga programang nailabas, dahil may nakasenla kang program na paborito pala ng marami dahil mali ang binabasa
mo.”

Nang tanungin the The Buzz si Ms. Tin kung paano napasok ang GMA-7 sa isyu ng suhulan sa TV ratings, heto ang kanyang naging sagot.

“Ang pangalan ng istasyon nabanggit ng ating impormante sa kanyang affidavit pero para lang patunayan na napanghimasukan ang bahay ng AGB Nielsen Media Research. Hindi natin ito inilabas sa publiko kasi hindi naman natin laban sa ibang istasyon.Yun lang part ng affidavit ng ating impormante na nagpapatunay na napasukan ang bahay ng AGB Nielsen.

“Ang naglabas ng pangalan ng ibang istasyon ay ang General Manager mismo ng AGB, nung sinabi niya na ayon sa kanilang pagtse-tsek ay nakita nga nila na may mga bahay nga sila na napasukan ng aktibidades ng ibang istasyon at pinangalanan niya ang istasyon.”

Ang tinutukoy ni Ms. Tin ay ang interbyu sa general manager ng AGB Media Research na si Maya Reforma. Diumano, pinagdugtung-dugtong lang daw ang naturang interbyu ni Reforma para palabasin na ang GMA-7 ang sinasabing network na involved sa suhulan sa ratings.

“Hindi totoo ‘yan kasi ipinalabas ‘yan ng ABS-CBN na pareho ang order. Hindi siya binaluktot, hindi siya binaliktad. Tuluy-tuloy niyang sinabi at hindi lang ‘yan, pati sa affidavit niya sa korte. Kinukumpirma lang ng sinasabi niya doon sa intebryu ang sinulat niya doon sa korte.”

Kasunod nito ang pagsama ng libel case ang GMA7 sa ABS-CBN.

“Dahil daw idinawit sila ng ABS-CBN na sinira ang kanilang pangalan dahil napasok ang pangalan nila sa kaso. Pero hindi talaga ang ABS-CBN ang naglabas ng pangalan nila sa publiko. Pinik-up lang ng ABS-CBN ang sinabi ng general manager ng AGB na si Maya Reforma nung binanggit niya ang pangalan. At dahil news yun, kung ano yung binanggit niya, lumabas yun.”

Sa ngayon, inaayos na ng ABS-CBN ang kaukulang sagot nila sa korte bilang tugon sa libel case na isinampa ng GMA-7 noong January 3 sa Kapamilya network, kasama na rin dito ang pagsusulong muli ng naibasurang kaso sa anomalya ng TV ratings na isinampa ng ABS-CBN laban sa AGB Nielsen Media Research.

Samantala, nanindigan ang GMA-7 na walang katotohanan sa mga alegasyon ng impormante ng ABS-CBN. Ang hamon ng GMA-7 president and CEO na si Felipe Gozon: "Let Dumago and the other so called informers of ABS CBN, prove the veracity of their testimonies in court so the public can finally find out who is really telling truth and who is just spinning malicious lies."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN