Robin Padilla open to working for both GMA-7 and ABS-CBN

"Ayoko talagang makisali pa sa network war. Alam nilang open ako sadalawang networks, at ayokong magpa-exclusive... Basta angdalawang networks na 'yan, nakakatulong sa mga artista, dapat parehorin nating suportahan," says Robin Padilla.



Halatang pagod na pagod na si Robin Padilla nang maabutan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Bongga Ka, Boy! (at press time, ito na ang bagong title ng pelikula nina Binoe at Ai-Ai delas Alas na pino-produce ng Viva Films) sa M. Cruz St., Marikina City, malapit sa public market.



Maski ang co-stars ni Robin na sina Eugene Domingo, Nanette Inventor, DJ Durano, at iba pa, ay pawang napapapikit na ang mga mata sa paghihintay sa set. Pero napaunlakan pa rin kami ng action superstar para sa maiksing kuwentuhan.



"Masaya sa set dahil puro komedyante ang kasama ko," banggit ni Robin. "At saka yung direktor namin, si Wenn Deramas, grabe ang ideas niya. Nakakatawa ang mga situwasyon dito sa pelikula.



"Ngayon lang ako nagkaroon ng leading lady na gaya ni Ai-Ai na talagang sobrang kuwela. Naniniwala akong siya na nga ang Comedy Queen. Sino ba sa mga komedyana ngayon ang nakapagdadala ng pelikulang may record na umabot sa P200 million ang kinita sa takilya? Si Ai-Ai lang 'yon," sabi pa niya.



Ano ang masasabi niya sa pagkakilig nang husto ni Ai-Ai sa kanya na nagpapahiwatig na tila baga gusto nitong magkaroon ng malalim na kaugnayan sa kanya?



"Kailangan bang seryosohin 'yon?" at saka natawa si Binoe. "Alam mo namang mabiro 'yang si Ai-Ai. Basta sa mga eksena namin, ibinibigay kong buong-buo ang sarili ko sa kanya.



"May kissing scenes kami sa pelikula na comedy ang dating, at walang bastusan dito, kaya wala akong reklamo," at patuloy siyang natawa.

BACK TO VIVA. Ang huling pelikulang nagawa ni Robin ay ang Till I Met You na pinagtambalan nila ni Regine Velasquez. Bihira na talagang gumawa ng pelikula si Binoe kung tutuusin.



"Kailangantalagang piling-pili at yung kinasasabikan ng mga tao. Lalo ngayon,first time namin ni Ai-Ai together. Malaking bagay 'yon," sabi ni Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Balik-Viva Films din si Robin. Kung ang Till I Met You ay co-produced ng Viva Films at GMA Films, ang Bongga Ka, Boy! naman ay solo production ng Viva.

"Maganda itong pagtatrabaho ko uli sa Viva," sambit ni Robin. "Alam naman ninyong kung tutuusin, Viva ang gumawa sa isang Robin Padilla.



"Ang pinakamagandang na-experience ko rito ay ang makatrabaho si Direk Wenn. Gusto ko ngang makatrabaho siya sa isang sitcom. Palagay ko, yung ideas niya sa comedy ang bagay sa akin. Okay lang kung sa Siete o sa Dos mag-materialize ang planong 'yon.

"Ayoko talagang makisali pa sa network war. Alam nilang open ako sa dalawang networks, at ayokong magpa-exclusive. Hindi na ako dapat makisali pa sa bangayan nila, at pati yung mga artista, nagtatrabaho lang naman ako. Hindi na ako bata para mag-take sides pa. Basta ang dalawang networks na 'yan, nakakatulong sa mga artista, dapat pareho rin nating suportahan.

"Pagkatapos sa Siete, hindi ko rin alam kung may magandang offer ang Dos. Pero sana nga, ang gusto ko naman ay sitcom para maiba. Kung sa Siete man o sa Dos ang susunod kong assignment, walang magiging problema sa akin, at alam kong walang magiging problema sa kanila," pagwawakas ni Robin.

JOAQUIN BORDADO. Mas matindi ang dating ni Robin sa TV ngayon. Bongga ang Joaquin Bordado sa ratings, pero sinabi ng action superstar na four months lang talaga ang itatagal nito sa ere.



"Pero depende talaga sa GMA-7 'yan," sabi niya. "Pero alam ko kasi ang gastos sa pagpapaganda nila sa Joaquin Bordado, at sulit naman. Kaya lang, kailangang maibuhos na ang lahat sa apat na buwan para masulit ang pagsubaybay ng mga manonood.



"Natutuwa nga ako sa GMA-7 dahil hindi nila tinitipid ang series. All out ang suporta nila. Nararamdaman kong nahihiya rin lang sila sa akin, pero mas nararamdaman ko na kailangang masulit ang ginagastos nila para sa teleserye. Talagang madugo kaya buong-buo ang cooperation at suporta ko sa kanila," seryosong banggit ni Binoe.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



ROBIN'S CHILDREN. Ang anak ni Robin na sina Kylie at Queenie ay sumusubok na rin sa pag-aartista. May limitasyon ba siyang nai-set para sa mga ito sa pagpasok nila sa showbiz?



"Si Kylie lang ang nasa mainstream," paglilinaw ni Binoe. "Kasama siya sa teleserye namin, pero si Queenie, iba ang tinatahak niya. May pagka-revolutionary ang dating ni Queenie. Mas gusto niya ang indie filmmaking, na ini-encourage ko rin.

"Wala akong sine-set na limitasyon sa kanila dahil alam naman nila kung ano ang nararapat nilang gawin. Gina-guide ko naman sila. Hilig nila 'yan kaya hindi ako dapat tumanggi.



"'Yan ang ipinangsuporta ko sa kanila, kaya malaki ang posibilidad na sundan nila ang mga yapak ko. Malaki ang tiwala ko sa mga anak ko. Pero tama na muna ang dalawa. Yung iba, gusto kong mag-concentrate muna sa pag-aaral. Sina Kylie at Queenie, hindi rin puwedeng mag-all-out sa pag-aartista dahil kailangan din nilang makapagtapos ng pag-aaral," pahayag ni Robin.



Mukhang ang isa pang anak ni Robin na si Ali ay hindi na muna niya papayagang mag-artista dahil ang hilig daw nito ay ang mag-aral, kaya mas okay ito para kay Binoe.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN