PEP EXCLUSIVE: Gretchen Barretto opens up in exclusive interview

"Gusto ko na ngang palitan ang pangalan ko na Gretchen Kontrobersya! Hindi ko nga maintindihan, maupo langako, may makatabi lang ako, boyfriend ko na o nakikipaghalikan na ako," says Gretchen Barretto about the attention she gets in everything she does.



Nagpaunlak ang controversial actress-singer na si Gretchen Barretto ng isang exclusive interview sa GMA News at PEP (Philippine Entertainment Portal) habang sinu-shoot niya ang kanyang kauna-unahang music video para sa kanyang single na "Please Don't Ask Me" sa G Hotel sa Roxas Boulevard kanina, February 27.

Seksing-sexy si Gretchen sa kanyang La Perla lingerie at mamahaling high-heeled shoes habang kinukunan ang "sensual" scenes kasama ang model-actor na si Zanjoe Marudo.

"It's sexy pero hindi naman po ako mag-e-ST. Sensual lang in a way ang mga shots, pero walang kissing scene, walang love scenes," paglilinaw ni La Greta.

POSITIVE ENERGY. Bago ang interview nakiusap na si Greta na huwag nang pag-usapan ang intrigang kinasangkutan nila ng kaibigang si Nadia Montenegro. Sa naunang interview ni Mario Dumaual ng TV Patrol World, nagbago ang mood ni Greta nang mabanggit ang pangalan ni Nadia.

"You know, I am doing a lot of things today. I am very busy today. I don't want this to be in the way. Tao lang din naman ako, sana bigyan n'yo naman ako ng pagkakataon na mag-heal," pakiusap ni Gretchen.

Nanghingi si La Greta ng ilang sandali para humupa ang kanyang nararamdaman. Matapos ang ilang minuto ay ipinagpatuloy na niya ang interview.

Sa gitna ng kontrobersiya, nagbigay rin si Gretchen ng ilang bagay na tila natutunan niya habang binabato siya ng intriga nitong mga nagdaang taon.

"Yung mga intriga ngayon na busy ako, hindi ko na masyado iniisip. Huwag mo lang i-bring up yung topic, okay naman ako, e," sabi niya.

"Kasi ang buhay, dapat responsible ka sa sarili mong buhay. Kung magkamali ka, kung masaktan ka, sariling diskarte mo ‘yon, e. Kahit magkamali ka sa diskarte mo, okay lang because you will learn from it."

LESSONS LEARNED. Marami raw natutunan si Gretchen sa mga nagdaang intriga sa kanya. Ang hindi raw niya maintindihan ay kung bakit binibigyan ng matinding pagtuon ang mga bagay na nangyayari sa kanya, pati na ang bagay na kanyang ginagawa at iniisip.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I should be asking you that... I mean, why? Bakit nga ba? Gusto ko na ngang palitan ang pangalan ko na Gretchen Kontrobersya!" nakatutuwang sagot ni Gretchen. "Hindi ko nga maintindihan, maupo lang ako, may makatabi lang ako, boyfriend ko na o nakikipaghalikan na ako."

Ang isang bagay na marahil ay maituturing na maganda sa likod ng mga kontrobersiya ngayon ay ang pagiging malapit at solido nilang magkapatid.

Matatandaang dinayo pa ng bunso niyang kapatid na si Claudine Barretto ang kinalalagyan ni Gretchen sa kasagsagan ng away nila ni Nadia kahit kagagaling lang nito sa Hong Kong Disneyland.

"Nakita mo naman kami sa Rembrandt [Hotel]," sabi ni Gretchen. "Parang ang nag-iba ay parang si Claudine ang ate ko, si Marjorie ate ko rin, parang ako ang bunso nila. They enjoy taking care of me."

BIRTHDAY IN BOSTON. Nakatakdang samahan ni Gretchen ang kanyang life partner na si Tonyboy Cojuangco patungong Boston sa darating na Sabado ng gabi, March 1, para sa regular na throat treatment nito. Gagamitin din daw ni La Greta ang pagkakataong ito para makapagpahinga.

"We will spend one day sa San Francisco, then we will go to Boston the following day. Dun ako magbe-birthday para naman may break din ako. Para makatulog ako nang maayos, makakain ako nang maayos," pagtatapos ni Gretchen, na magdiriwang ng kanyang 38th birthday sa March 6.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN