Joseph Bitangcol happy for Sandara Park's success in South Korea

"Sana magdire-diretso ‘yon. At least, kahit paunti-unti, may siguradong patutunguhan ang pagbabalik niya dun," says Joseph Bitangcol about ex-girlfriend Sandara Park's (inset) success in South Korea.



Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na bago pa man umalis ng bansa si Sandara Park ay malalim na sama ng loob ang baon-baon nito sa ex-boyfriend na si Joseph Bitangcol. Bago tumulak pabalik ng South Korea ang young actress ay natapos na rin ang ilang taon nilang relasyon ni Joseph.



Ngayon ay balita ang magandang itinatakbo ng career ni Sandara sa kanyang sariling bansa. Usap-usapan din ang malaking posiblidad na makasama ito sa isang Koreanovela na kinawilihang panoorin at subaybayan ng mga Pinoy. Masasabing unti-unti ay nagbunga rin ang pagsisikap ni Sandara na makapasok sa Korean show business.



HAPPY FOR SANDARA'S CAREER. Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Joseph sa pamamagitan ng telepono noong March 24, nagpahayag ang young actor ng kasiyahan sa magandang nangyayari sa career ng ex-girlfriend. Sinabi pa nga niya na kung matutuloy ang proyekto ni Sandara, ito ang kauna-unahang Koreanovela na panonoorin at susubaybayan niya.



"Kasi ako, uso ang mga Koreanovela, pero di ko nasusubaybayan. Pero siguro ‘pag natuloy na gumawa ng Koreanovela si Sandara at dumating dito [sa Pilipinas], papanoorin ko talaga ‘yon. Yun ang kauna-unahang Koreanovela na uumpisahan at tatapusin ko," pangako ni Joseph.

Nakarating din kay Joseph na nakagawa na ng isang music video si Sandara, kasama ang isang sikat na R&B singer sa South Korea na nagngangalang Gummy.



Aminado si Joseph na noong unang magpaalam sa kanya si Sandara na babalik ito sa South Korea upang subukin ang pag-aartista roon ay nag-alala siya nang husto sa maaaring kahantungan ng dating kasintahan. Ngayon ay nakahinga na nang maluwag ang young actor.



"Siyempre, masaya ako para kay Sandy," saad niya. "Sana magdire-diretso ‘yon. At least, kahit paunti-unti, may siguradong patutunguhan ang pagbabalik niya dun.

"Inaalala ko talaga kung ano ang gagawin niya dun. Nagwo-worry ako kung ano ang kapupuntahan ng career niya. Kasi ‘pag nagkuwento siya sa akin dati, mahirap nga raw pumasok ng pag-aartista dun. Nung nabalitaan ko yung magandang nangyayari sa career niya, nakahinga na ako nang maluwag, natuwa na ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

STILL IN LOVE? Sa tanong namin kung mahal pa ba niya si Sandara, umamin si Jospeh na hindi pa rin nawawala ang espesyal na nararamdaman niya para rito. Ito ay sa kabila ng pagsubok na makipag-date at lumabas kasama ang iba.



Aniya, "Mahal pa rin naman, pero hindi ko lang maisip kung magiging kami pa. Hindi ako nagsasarado ng pinto kasi mahal ko pa rin naman si Sandy.



"Simula nung mag-break kami, hindi pa ako nagka-girlfriend uli. May mga nakaka-date, nakaka-gimikan... Mayroon akong puwedeng maging girlfriend, pero hindi ako nagmamadali, e. Sa career ko muna ako magpo-focus."



Sa ngayon ay putol na totally ang communication nina Joseph at Sandara. pero sinabi ng young actor na may time na nagkaroon pa sila ng komunikasyon sa pamamagitan ng email. Hindi nga lang naging maganda ang kinauwian ng lahat dahil nandun pa rin ang panunumbat sa kanya ni Sandara sa kinahinatnan ng relasyon nila.



"Sa ngayon, wala na talaga kaming communication," sabi ng binata. "Pero nung umalis siya nung July or August, nag-i-email pa kami, siguro two to three months ‘yon. Kumustahan ‘tapos naging busy rin pareho.



"Ang problema lang ‘pag nagsasagutan kami sa emails, the way na nagsalita siya, parang hindi pa siya over talaga. Nandun yung tanong niya kung ano raw ang pumasok sa isip ko, bakit daw ako nag-i-email. Hindi raw siya makapaniwala na kinukumusta ko siya," kuwento ni Joseph.

FREELANCER. Visible sa mga programa ng GMA-7 si Joseph ngayon. May special participation siya sa bagong drama series na Babangon Ako't Dudurugin Kita bilang batang Paolo Contis, at panay ang guestings niya sa iba pang Kapuso shows. Pero sa kabila ng visibility sa Kapuso network ay nilinaw ng young actor na freelancer siya at wala pa rin siyang pinipirmahang kontrata.



"Wala na ako sa Star Magic [talent arm ng ABS-CBN]. Si Direk Manny Valera ang manager ko. But ‘pag may shows sa kabila [Kapamilya network], like sa Maalaala Mo Kaya, or may mga out of town shows, tumatawag pa rin sa akin ang Star Magic," pagtatapos ni Joseph.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN