Showbiz press walk out on shampoo brand's launch

IMAGE 0

In 2006, Pantene launched its Most Beautiful campaign, which became contoversial due to "prima donna" issue that damaged the friendship of Gretchen Barretto and Dawn Zulueta. This year, there's another ruckus: The press got tired of waiting for the shampoo brand's latest endorsers—(from top left, clockwise) Ruffa Gutierrez, Gretchen Barretto, Claudine Barretto, and Judy Ann Santos—to emerge from the restroom.


"First time ito!"

Ito ang naging pahayag ng ilang miyembro ng entertainment media at press matapos nilang mapagdesisyunan na mag-walk out sa press launch ng mga bagong endorsers ng Pantene shampoo kagabi, April 28, sa poolside ng Intercontinental Manila, Makati City.

Napagkasunduan ng mga media outfits sa print at telebisyon na lisanin na lamang ang venue dahil sa matagal nilang paghihintay sa apat na artistang pinili para sa Most Beautiful campaign ng Pantene—sina Ruffa Gutierrez, Gretchen Barretto, Judy Ann Santos, at Claudine Barretto.

"FILIPINO TIME." Sa imbitasyon para sa nasabing event, nakasaad na alas-sais ng gabi ang registration samantalang alas-siyete naman magsisimulang buksan ang cocktails. Bago pa man mag-alas-siyete ay unti-unti nang nagsisidatingan ang mga miyembro ng media, ngunit gaya ng ibang mga corporate events, late nagsimula ang program. Noong nagsimula ngang dumating ang mga tao, hindi pa rin tapos sa pagse-set-up ng ilang equipment ang production crew ng naturang event.

Bandang alas-otso na ng gabi nang buksan ang cocktails area at inabot pa ng halos isang oras bago pormal na simulan ang programa.

Sa kanilang programa, may segment na tinaguriang Pantene's Council of Stylists kung saan isang open forum ang ibinigay para sa mga reporters, photographers, at cameramen na dumalo sa naturang event. Ang kanilang Council of Stylists ay kinabibilangan nina Jude Hipolito at Rose Velasco ng Univers Phyto Salon by Kaizen, Jing Monis ng Propaganda, Celeste Tuviera ng Symmetria, Heri Calayag ng Henri Calayag Salon, Louis Kee ng Razzle and Dazzle, at Victor Ortega ng Emphasis.

Habang ginaganap ito, mababakas na sa mukha ng ilang miyembro ng media ang pagkainip, bagamat malinaw na isang brand launch ang event. Malalaki kasi ang mga artistang ilulunsad kaya excited ang press at media. May mga bumubulong pa nga na sana ay lumabas na sina Ruffa, Gretchen, Judy Ann, at Claudine.

Matapos ang balitaktakan tungkol sa produkto at mga benepisyo nito para sa buhok, ipinakilala na ng Pantene ang apat na artistang mag-i-endorse ng kanilang produkto. Katulad ng nangyari sa Council of Stylists, nagkaroon din ng Q&A portion para sa lahat ng imbitadong miyembro ng media.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE BRIEF Q&A. Subalit tulad ng kadalasang nangyayari sa mga press conference, sandali lamang ang general press conference dahil gusto ng mga reporters na magkaroon ng solo interviews sa mga artista.

Pagkatapos ng Q&A, isang photo-op sana ang gagawin ngunit hiniling ng host ng event na si Lily Chu sa mga photographer at cameramen na sa photo wall ng Pantene na lamang gawin ito. Ang photo wall ay matatagpuan sa bandang likuran ng stage.

Subalit noong magtungo sila sa photo wall na sinabi upang kunan sina Ruffa, Gretchen, Judy Ann, at Claudine, nakita nilang naka-set up na ang crew ng Ricky Lo Exclusives para sa inteview ng showbiz columnist na si Ricky Lo sa apat na shampoo endorsers.

WAITING TIME AGAIN. Walang magawa ang iba pang miyembro ng media, lalo na ang mga TV crew ng ABS-CBN dahil sa kalabang channel ang nasabing TV program. Sa katunayan, isang reporter pa ang nagsabi, "Ay! Bakit ganun? May Ricky Lo na..."

Pumuwesto na lamang at naghintay ang iba pang cameramen sa harap ng photo wall, samantalang ang ilang showbiz writers ay naghintay sa likod para sa kanilang pagkakataong makapag-interview.

Tumagal ng hindi hihigit sa 30 minuto ang interview ni Ricky Lo sa apat kaya noong natapos ito, unti-unti nang nagsilapitan ang ilang photographers at showbiz writers sa lugar ng mga cameramen upang makisabay na sana sa interview. Ngunit biglang humarang ang security, pati na ang ilang miyembro ng production, upang i-escort ang apat na artista patungo sa restroom na malapit sa photo wall.

Sa pagkakataong ito, may mga miyembro ng press ang nairita at nagdesisyong umuwi na lang.

Ilang minuto ring naghintay ang mga natitirang media sa paglabas ng apat mula sa restroom. Sa katunayan, nagkakainitan na sa pagitan ng media at ng security at production crew ng Pantene dahil pilit na pinalalayo ang press sa photo wall.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DISMAYED MEDIA. Nagreklamo ang ilan sa mga miyembro ng media at halos pasigaw na nilang sinasabi, "OA! [overacting]. Palagi naman naming ginagawa ito." Ganito rin ang nasambit ng kilalang TV reporter at PEP contibutor na si Nelson Canlas. "Hindi ito ang first press conference namin. Sa Malacañang nga, hindi ganyan," aniya.

Humingi ng paumanhin ang isang miyembro ng prodution crew ngunit hindi na mapigilan ang pagkainis ng media. Paulit-ulit na rin ang tanong nila na, "Makakakuha pa ba kami ng interview?" Subalit hindi makasagot ang naturang production crew at nagpaalam ito na itsi-check ang mga artista sa loob ng restroom.

Matapos ang mahabang paghihintay, nagkasundo na ang mga photographer, TV crew, at showbiz writers na mag-walk out na at umuwi na lamang kaysa hintayin ang mga artista para sa sandaling interview. May ilan pang sumisigaw na, "Tara na, ayaw naman magpa-interview!"

Sa labas ng Hotel Intercontinental, sari-saring usapan ang maririnig mula sa press habang naghihintay ng kani-kanilang service. May nagrereklamo na, "Ang tagal-tagal ng program nila 'tapos walang interview." Samantalang ang iba naman ay nagtataka, "Bakit inuna ang Ricky Lo, wala pa ngang photo-op?"

Bukod sa mga reklamong ito, natapos ang gabi para sa mga dumalong entertainment media na may naiwang mas mabigat na katanungan, "Bakit natagalang lumabas ang apat na artista sa restroom?"

Kagabi hanggang kaninang tanghali, sinubukang hingan ng pahayag ng PEP ang PR agency na humahawak ng event tungkol sa naganap na walk-out. Ayon sa nakausap ng PEP, natagalan lang daw ang apat na celebrities sa pagbibihis kaya laking gulat nila noong paglabas ng restroom ay wala nang naghihintay na press.

Maglalabas ng official statement ang Pantene tungkol sa nangyari ngayong araw na ito, kaya't abangan nating lahat.


ABOUT THE AUTHOR

Nerisa Almo is a showbiz outsider, who was tagged as #MatabangReporter by PEPsters. Follow her on social media: @nherzjane


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN