Highlights and sidelights of the 24th Star Awards for Movies

The winners of the 24th Star Awards for Movies pose for the photographers after the awards night.


Matagumpay, masaya, at maningning ang 24th PMPC Star Awards for Movies na ginanap sa Henry Lee Irwin Theatre ng Ateneo De Manila University (ADMU), Quezon City, last Friday night, June 28. Ito rin ang first award-giving body na televised ngayong taong ito. Ipalalabas ito mamayang gabi, June 29, ganap na ika-10 ng gabi, sa ABS-CBN under GARP Entertainment Productions.

The 24th Star Awards for Movies was hosted by Piolo Pascual, Dawn Zulueta, Pops Fernandez, and Mariel Rodriguez. Ang trivia hosts ay sina Aga Muhlach, Angel Locsin, at Luis Manzano para sa theme nitong "Musical Moments At The Movies." Mapapanood ang mga natatanging tagpong musical sa mga pelikula ng tulad nina Fernando Poe, Jr., Vilma Santos, Sharon Cuneta, Maricel Soriano, Dolphy, Nora Aunor; at ang itinanghal na Darling of the Press na si Regine Velasquez.

Malalaking production numbers ang inihanda under the choreography of Maribeth Bichara. Isang masayang hatawan ang opening dance showdown nina John Prats at Gabriel Valenciano, kasama ang La Salle Dancers at ang Maneouvres.

Isang sexy dance number naman mula kina Ara Mina at Valerie Concepcion ang lalong nagpainit ng gabi, kasama ang Mocha at ang SexBomb Dancers.

Touched ang PMPC (Philippine Movie Press Club, Inc.) kay Piolo dahil bumawi at tinupad niya ang kanyang pangako na mag-host sa Star Awards. Talagang ginawan niya ng paraan at inayos ang kanyang schedule kahit may taping siya ng Lobo. Ito kasi ang ipinangako ni Piolo sa PMPC dahil last year ay hindi ito nakasipot kahit siya pa ang nanalong Movie Actor of The Year at sa Star Awards for TV naman bilang Best Single Performance by an Actor.

Ginising nina Ai-Ai delas Alas at Eugene Domingo ang inaantok ng crowd at nagsilbing gabi ng komedya. Naging maaliwalas ang kapaligiran at walang sourgraping sa pagkapanalo nila dahil tumatawa ang audience sa kanilang acceptance speech.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nahulog lang ako sa hagdanan, best actress na ako?" pabirong sabi ni Ai-Ai. Ang ipinakita kasing clips ng mga co-nominees niya ay umiiyak sila sa pelikula samantalang si Ai-Ai ay ang eksenang nahulog siya sa Ang Cute ng Ina Mo. Nagtawanan din nang i-share niya ang best actress trophy niya at hindi niya madiretso sa English ang co-nominees at biglang nagtagalog ng, "Sa aking mga kapwa nominado... Ano ba sa English nun, co-nominated?"

Ito ang pangalawang pagwawagi ni Ai-Ai sa Best Actress category ng Star Awards dahil nanalo rin siya nung 2003 para sa Ang Tanging Ina.

Kahit ang magaling na aktor na si Johnny Delgado, co-presenter ng Best Actress award, ay agree sa pagkapanalo ni Ai-Ai. Bago banggitin ang pangalan ng winner ay sinabi nitong: "Noon pa man may nakikita akong talino sa batang ito sa pagka-best actress."

Binuhay rin ni Eugene ang crowd nang tanggapin niya ang award for Best Supporting Actress para sa Pisay. Ang landi-landi ng dating niya, pero cute. Hinarot pa niya si Piolo at hinalikan niya ito nang dikit na dikit at ikinawit pa ang paa sa guwapong aktor.

First-timers ng mga nanalong sina Eugene, Paolo Contis (Best Actor), Emilio Garcia (Best Supporting Actor), Cathy Garcia-Molina (Best Director), at Matt Evans (Best New Actor).

"Wow, kayo ang una sa buhay ko!" bulalas ni Direk Cathy na hinintay na i-share ang award niya kay Richard Gomez, na sinabihan daw siyang walang alam noong araw.

"Magdidirek na lang ako. Nakakanerbiyos pala dito sa stage," sambit ng direktor ng One More Chance habang nanginginig.

Sobra-sobra naman ang pasasalamat ni Emilio sa PMPC sa pagkapanalo niya bilang Best Supporting Actor para sa Selda. "Kinumpleto n'yo ang buhay ko," aniya.

Kabaligtaran naman kay Paolo Contis na nakalimutan pasalamatan ang PMPC sa kanyang acceptance speech bilang Best Actor for Banal. "Na-tense siya at first time niya kasing magkaroon ng major acting award," pagtatanggol naman sa kanya ng isa niyang kasama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pati ang aktor na tumanggi sa proyektong Banal ay napasalamatan niya dahil napunta sa kanya ang role. "Ako ang nakuha, sana kayo ang nandito," deklara ni Paolo.

Last minute ay nag-backout naman si Christopher de Leon sa duet nila ni Kuh Ledesma sa hindi malamang kadahilanan. Mabuti na lang at napakiusapan si Kuh na magsolo.

Natuloy rin ang pagbibigay ng tribute sa yumaong Rudy Fernandez bilang Ulirang Artista kahit wala ang asawa niyang si Lorna Tolentino at ang mga anak nila. Ang kapatid ng aktor na si Marie Fernandez ang tumanggap nito.

Sa madamdaming pagkanta nina Pops Fernandez, Erik Santos, at Gian Magdangal na nilikha ni Tirso Cruz III para kay Daboy ay maiiyak ka talaga. Maluha-luha rin ang crowd sa VTR na tribute para sa yumaong aktor. Mararamdaman mo talaga na naroon ang espiritu ni Daboy sa parangal na ibinigay sa kanya at nakamatayan niya.

Hindi rin nakapunta si Mark Anthony Fernandez para tanggapin ang parangal sa yumaong ama dahil may taping ito sa GMA-7 ng Ako Si Kim Samsoon kasama si Regine Velasquez, na nanalong Darling of the Press. Ang boyfriend ni Regine na si Ogie Alcasid ang tumanggap para sa Asia's Songbird.

"Thanks to my honey," sabi naman ni Ogie nang tanggapin niya ang tropeyo para sa Movie Original Theme Song of the Year para sa Paano Kita Iibigin.

Bago naman in-announce ang Original Theme Song of the Year ay nambulabog naman si Mariel Rodriguez sa crowd. Kumanta talaga siya sa harap ng maraming tao.

Text ni Mariel sa isang kasamahan sa panulat: "Sayang naman ang chance, minsan lang ako pinakanta. Hindi ko naman kayo pinahiya, di ba?"

Dalawang beses namang natapilok at muntik madapa si Lovi Poe nang paakyat sa stage para kunin ang New Movie Actress of the Year. Pagbaba niya sa stage ay hindi niya namalayan na nakitaan siya ng underwear dahil sa sexy niyang kasuotan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi naman nagparamdam si Joseph Bitangcol sa production staff na nasa venue na siya kaya hindi ito nakapag-presente kahit may toka siya. Takaw pansin naman si Lito Pimentel bilang presenter dahil mali ang pagkakabigkas niya ng Ouija at naging "Quija."

Matumal ang sexy stars sa Star Awards for Movies dahil hindi na masyadong uso ang sexy movies kaya pinaka-sexy sa amin ang isa sa gown na isinuot ni Pops na halos lumuwa na ang boobs niya.

Marami naman ang pumuri at nag-congratulate sa producer na si Jossette Atayde ng GARP Productions at kay Direk Arnel Natividad dahil sa mabilis at magandang presentasyon ng 24th PMPC Star Awards for Movies.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN