Director Dante Mendoza says sex scenes in "Serbis" are not exploitative

"Hindi ko matatanggap na sabihing exploitative ang mga eksena, o nang-exploit ako. Kanya-kanyang opinyon na lang 'yan. Kasi malinaw ang definition ng exploitation. Yung may involved na favors sa ipinagawa ko sa mga artista ko, e, wala naman," says director Brillante (Dante Mendoza, right, with Serbis stars Coco Martin and Ms. Gina Pareño) about the sex scenes in his movie.


Opening day sa mga sinehan ng kontrobersyal na pelikulang Serbis nang matiyempuhan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Direk Brillante "Dante" Mendoza sa Robinson's Galleria, kung saan palabas din ang nabanggit na pelikula na naging official Philippine entry sa nakaraang Cannes International Film Festival sa France.

Kinuha agad namin ang panig ni Direk Dante sa kung anu-anong isyung kinasangkutan ng nabanggit na pelikula. Una na nga ay yung inirereklamo diumano ng manager ni Coco Martin na si Noel Ferrer na wala sa usapan ang frontal nude scenes ng aktor sa Serbis.

"Ipinaliwanag ko na ang tungkol diyan, at alam naman nila ang style ko," sabi ni Direk Dante. "Kami ni Coco, okey naman, kasi naiintindihan niya yung ipinagawa ko sa kanya when I explained that to him. Hindi ko na rin kasi alam kung ano yung gusto naman ni Noel.

"Anyway, ang style ko kasi, parang semi-documentary na ang mga eksena ko, halos tuhog lahat. Ayoko kasi ng nandaraya. Lalo na sa ganoong eksena, since it's really called for. Hindi talaga ako nagka-cut kaya kung ano mahagip ng kamera, yun ang lababas. Yung point of realism ang iniintindi ko, at hindi yung dahil lang may hubad na katawan ng artista.

"At 'pag may ganyan, ang lagi kong iniisip, yung ipakita ang hubad na katotohanan. May naghuhubad kasi may katotohanang ipinapakita, at hindi lang dahil makakapag-titillate," napapailing na paliwanag ng direktor.

Sa mga ipinapalabas sa commercial theaters, wala na ang sinasabing frontal nude scenes involving Coco. Ang retained ay ang butt exposures niya na nagpapakita ng boil (pigsa) na mayroon ding ibig ipahiwatig sa narrative ng pelikula.

"'Yan naman ay desisyon na ng MTRCB [Movie and Television Review and Classification Board]. Nag-abide lang kami nang sa gayon ay maipalabas nang maayos ang pelikula. Wala namang gaanong pinutol talaga, malaiban lang sa eksenang yun," sabi ni Direk Dante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CONTROVERSIAL FILM. Naging controversial among foreign critics ang Serbis dahil nga sa impresyong willing daw talagang makipag-sex ang mga artista niya sa harap ng kamera.

"As in 'yan ang itinatanong sa akin doon, kung paano ko raw sila nakumbinsi," sabi ng acclaimed director. "Wala namang penetration na ipinakita sa mga eksena ng sex o lovemaking, and if it looked real, that's a compliment.

"Pero hindi ko matatanggap na sabihing exploitative ang mga eksena, o nang-exploit ako. Kanya-kanyang opinyon na lang 'yan. Kasi malinaw ang definition ng exploitation. Yung may involved na favors sa ipinagawa ko sa mga artista ko, e, wala naman.

"Talamak mang sabihin, pero naniniwala kasi sila sa sining ko kaya pumayag sila. Not for anything else, pero'yun lang ang pinanghahawakan ko sa kanila bilang director."

Sa kabuuan, binabanatan ang direktor dahil nga sa merito ng kanyang pelikula na hindi maubos-maisip ng marami, lalo na ng marami sa ating mga kababayan, kung paano nakalusot sa prestihiyosong Cannes Filmfest for competition.

"We didn't ask for it," sabi ni Direk Dante. "May mga kumausap lang sa amin na taga-Cannes filmfest na interesado to view the rough cut ang of the film. Yung tinatawag na work in progress at pumupuwede naman yun. Kahit hindi pa talaga tapos, for as long as nasasakyan nila ang istorya, kung nagustuhan nila, ipapasok nila.

"Walang pulitika, magic o kung anu-anong gaya sa sinasabi o pinaniniwalaan ng iba sa industriya kung bakit nakalusot ang pelikula. After so many years, dapat ay naging proud na lang tayo na may isang local film na pumasok for competition sa Cannes, kesa naman mag-dwell tayo doon sa mga negative na nasasabi.

"Hindi naman namin mapi-please ang lahat, pero sino ba ako para bigyan ng ganitong importansiya? Napansin ang Masahista sa international filmfests, followed by Tirador, which got very good reviews.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Then Foster Child which was part of last year's Directors Fortnight sa Cannes. It paved the way for me to do Serbis. Kasalanan ko ba kung yun ang pelikulang napag-interesan nila para ipalabas for competition?" napapailing na sabi ni Direk Dante.

Ang naiisip na lang ni Dante, bakit nga ba siya? He's only three years old in the field of film directing.

"Siguro nga, kung ako yung datihan nang gaya nina Joel Lamangan at Chito Roño, baka wala pang mga ganitong usapin. Hindi ko naman kailangang idepensa pa ang sarili ko sa parteng 'yan.

"Maybe, it's just my destiny. Naisip ko noong una, na after the Directors Fortnight, puwede na siguro sa competition. Pero hindi ko naman akalain na after that, immediately, makikipag-compete na ang pelikula ko.

"Hindi ko nga alam kung masusundan pa 'yan, pero hindi naman totoong plinano ko nang husto 'yan, at gumawa ako ng mga hakbang to achieve that. Kusa na lang nangyari 'yan, and I'm still very thankful for the leasons learned. Lahat naman ng negative criticisms, tinatanggap ko, at ang importante, pinag-iisipan ko rin, at natututo ako roon," pahayag ni Direk Dante.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN