Isabel Oli became closer to Nadine Samonte because of "Twilight"

"Si Nadine ang pinaka-adik sa amin sa Twilight dahil pati movie trailer sa YouTube inaabangan. Pag may bago, magti-text agad para ibalitang may new trailer. Siya rin ang tagabili namin ng Twilight merchandise. Wala kaming pinag-uusapan kundi yun!" Isabel Oli says animatedly.



Nagpa-power nap si Isabel Oli nang maabutan siya ng PEP (Philippine Entertainment) sa set ng Gagambino noong Wednesday, October 29. Pero hindi siya nagreklamo nang ipagising siya para ma-interview.

Napansin namin ang mas mahabang buhok ni Isabel, at inamin nitong nagpa-hair extension siya para sa role niya bilang si Bernadette sa Gagambino. Ang power kasi na mula sa scorpion ay galing sa mahaba niyang buhok.

Nag-training ng combat, hand combat, at nag-workshop din si Isabel on animal movements for reflexes na kailangan sa kanyang fight scenes. Enjoy sa kanyang fight scenes ang young actress kahit daw nahihilo siya dahil kailangang paikut-ikot ang kanyang ulo.

Gaya sa mga kasama sa Gagambino, natuwa si Isabel sa mataas na ratings ng kanilang show. Ang wish niya ay mas tumaas pa ang ratings, o kung hindi man ay ma-maintain na lang nito ang kasalukuyang ratings hanggang magtapos ang serye after 16 weeks.

Kuwento ni Isabel, sa sobrang tuwa raw ni Dennis Trillo sa magandang ratings nila ay nagpakain ito sa set. Biglang may dumating na lechon at fried chicken na pinagsaluhan nilang lahat.

Ipinaalala ng PEP kay Isabel na mataas din ang ratings ng mga nauna niyang sinalihang serye sa GMA-7, gaya ng Mga Mata Ni Anghelita at Sugo. Napa-"Oo nga ano?" na lang ang dalaga.

FRIENDS WITH NADINE. Kinumusta rin ng PEP kay Isabel si Nadine Samonte, na nabalitang nakasamaan niya ng loob nang magkasama sila sa afternoon soap na Maging Akin Ka Lamang ng GMA-7. Nasulat na hindi sila nagbabatian sa taping at natapos ang soap na hindi sila magkabati.

"Okey na kami," paniniguro ni Isabel. "Nagtawanan kami nang magkita kami sa taping dito. Wala kaming away. Ang mga tao sa paligid namin ang gumawa ng gulo, kesyo may sinabi raw ako against Nadine at sasabihin naman sa kanya na may sinabi ako laban sa kanya. Ang daming sabi-sabi na nakaapekto sa friendship namin. Diniskubre namin kung saan galing ang mga mali-maling balita. Alam na namin kung sino ang nanira sa amin at kung anong rason niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"After naming makapag-usap, friends na uli kami at nagtatawagan. Madali kaming nagkaintindihan dahil ako, hindi ko pinatulan ang isyu sa amin noon at ganun din siya. Walang away talaga, may gumawa lang ng isyu sa amin. I'm so happy, I can consider her one of my close friends now."

TWILIGHT LOVERS. Mas naging close pa sila ni Nadine dahil sa Hollywood film na Twilight, na malapit nang ipalabas. Kasama rin nilang "adik" sa libro at movie sina Glaiza de Castro at Jennica Garcia. Nag-usap na silang sama-samang manood ng celebrity premiere ng movie sa November 25.

"Nagpahingi na kami ng tiket kay Peachy [Rufa Mae Quinto] sa Viva Films, at mabuti na lang naiba ang date ng celebrity premiere. Kung November 21, hindi ako makakapanood dahil that date darating ang family ko from Singapore para dito may-spend ng holiday season. Twenty silang darating at magiging busy ako sa pag-aasikaso sa kanila.

"Si Nadine ang pinaka-adik sa amin sa Twilight dahil pati movie trailer sa YouTube inaabangan. Pag may bago, magti-text agad para ibalitang may new trailer. Siya rin ang tagabili namin ng Twilight merchandise. Wala kaming pinag-uusapan kundi yun!" kuwento ni Isabel.

Sa kanilang apat, si Isabel na lang ang hindi pa nakakabasa ng Twilight book ni Stephenie Meyer at ang mga sumunod nitong librong New Moon, Eclipse, at Breaking Dawn. After niyang mapanood ang movie, saka raw niya babasahin ang apat na libro, para hindi niya ma-compare ang book sa movie at nang hindi siya ma-disappoint kung iba ang eksena sa movie sa nabasa.

"Gusto namin si Bella Swan [pangalan ng female lead character ng Twilight], at feeling naming apat, kami si Bella. Nagbibiruan nga kaming aagawin namin si Edward Cullen [male lead sa Twilight] kay Bella. Excited na kaming manood!" kinikilig na sabi ni Isabel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN