Claudine Barretto talks about her life as a wife and mother

by Nora Calderon
Nov 10, 2008
"Hindi naman talaga ako kuripot. Siguro alam ko lang kung paano gastusin ang pera ko. Yes, ang salary ni Raymart ang pera namin. Ang pera ko, pera ko lang!" says Claudine Barretto.

Nagkuwento si Claudine Barretto tungkol sa kanyang mga anak na sina Sabina, 4, at Santino, one and four months old, nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa launching niya bilang latest endorser ng day and night whitening facial cream ng Belo Essentials. Ginanap ang launch sa Steaktown Restaurant on Sgt. Esguerra St., Quezon City, last Friday, November 7.

"Sobrang joy ang ibinibigay sa amin nina Sabina at Santino," umpisa ni Claudine. "Si Santino, ang gulo-gulo, takbo nang takbo, ang takaw-takaw! Paborito niya ang adobong atay ng manok. Hindi siya mapili sa pagkain, kahit gulay kinakain niya. I'm glad hindi siya mahilig sa junk food. Regular din siyang umiinom ng gatas.

"Si Sabina, hindi ‘yan natatanggihan ni Raymart. Sasabihin niya sa papa niya, ‘Papa, I have a surprise for you, I will sleep here.' Sa gitna namin ni Raymart siya natutulog kung minsan. Pero hindi na ngayon, dahil sabi niya sa papa niya, ‘Papa, I have a surprise for you, I will sleep here forever.' Hindi namin alam ni Raymart kung hanggang kailan siya matutulog sa gitna naming mag-asawa!" natatawang kuwento ng aktres.

Continue reading below ↓

Tawa nang tawa si Claudine nang sabihin namin na kaya pala noong presscon ng Gagambino, sinabi ni Raymart na hanggang ngayon daw ay nanggigigil pa rin siya sa kanyang asawa dahil may "guwardiya" sila sa pagtulog.

Wala pa ba silang balak ni Raymart na sundan si Santino?

"Huwag muna," sabi ni Claudine. "Sagot ko nga sa tanong na ‘yan kanina sa presscon, after three or four years pa saka namin susundan si Santino. Ang mahal kapag sabay silang nagkakasakit. Kaya may separate budget ako for their medical needs, may kinuha na rin kaming medical insurance para sa kanila."

Totoo bang kuripot si Claudine? Ibinibigay ba lahat ni Raymart ang suweldo nito sa kanya?

"Hindi naman talaga ako kuripot. Siguro alam ko lang kung paano gastusin ang pera ko. Yes, ang salary ni Raymart ang pera namin. Ang pera ko, pera ko lang!" natatawang sabi ni Claudine.

Patuloy niya, "Napansin ko nga ngayong may anak na ako, saka ako naging magastos. Bumibili na ako ng mga kailangan ko, dati ibinibigay lang sa akin. Bumibili na ako ng mga alahas. Sa akin naman, para rin ‘yon kay Sabina. Saka gusto ko, kahit medyo matanda na ako, may mga alahas pa rin ako. Pero ‘yong iba kong kailangan, like bags, bigay lang ‘yon sa akin. Ayokong gastusin ang pera ko sa bags lang."

Continue reading below ↓

Hindi rin daw kasi biro ang pagpapatakbo ng household. Pero mahirap man, naa-appreciate daw ito ni Claudine. Bukod daw kasi sa dalawang yaya ng mga anak nila, may tatlo silang drivers, security guards, houseboy, cook, at laundrywoman.

How is Raymart as a husband?

"Napakabait ni Raymart," sabi ni Claudine. "Hindi niya ako pinapatulan kapag nagagalit ako. Kapag nagalit kasi ako, nagwawala ako, sumisigaw ako hanggang sa mapaos ako. Si Raymart, cool lang, sasabihin lang sa akin huwag daw akong sisigaw. I'm very blessed to have him.

"Minsan, nagalit ako sa kanya nang mapansin kong ang itim na itim na niya dahil sa kasu-swimming, cycling, and running. Every day niyang ginagawa 'yon kapag wala siyang trabaho. May kasama pa itong heat training para ma-test niya ang endurance niya sa triathlon. Kaya pagdating niya ng bahay, at 10 p.m., bagsak na siya, tulog na. Kaya tanong ko sa kanya, ano ba talaga ang gusto niya sa buhay niya? Mag-artista o maging sportsman?" natatawang lahad ng aktres.

Continue reading below ↓

Selosa at nagger ba si Claudine?

"Hindi naman ako selosa, hindi rin ako nagger," sagot niya. "Pero minsan, nainis talaga ako dahil nahilig naman siya [Raymart] sa pag-aalaga ng falcon birds. Doon nauubos ang oras niya sa falconing o ang pagti-training ng mga falcon birds niya. Kaya nasabi ko sa kanya na sana mamatay nang lahat ang mga alaga niyang ibon.

"Anim ang falcon birds niya. Hindi ko alam kung may nakatago pa siyang iba sa mga friends niya. Pero yung apat na ibon, nilayasan siya. Yung dalawa, namatay.

"Paisa-isa lamang naman 'yan sa hindi namin napagkakasunduan," patuloy ni Claudine. "Pero sabi ko nga, napakabait ni Raymart. Noong isilang ko si Santino, dahil may trabaho ako noon, siya muna ang hindi tumanggap ng offers. Siya ang personal na nag-aasikaso sa mga anak namin.

"Kaya ako naman, iniingatan ko ang pangalan niya. Kahit hindi ko dala ang Santiago dahil Barretto ang ginagamit ko sa showbiz, iginagalang ko ang legacy na iniwan ni Papa [director Pablo Santiago, Raymart's father] sa kanyang pamilya."

Continue reading below ↓

Ano ang priority niya, family or career?

"Ang family ko ang first priority ko," sagot ni Claudine.

Katatapos lang ipalabas ang primetime drama series ni Claudine sa ABS-CBN, Iisa Pa Lamang. Next week ay nakatakda na siyang makipag-usap sa ABS-CBN at Star Cinema para sa kanyang next project.

Habang wala pa siyang trabaho, magiging busy si Claudine para sa nalalapit na renewal of vows sa golden wedding anniversary ng kanyang parents. Gaganapin ito sa November 23 sa Fernwood Gardens, Quezon City.

"Magkatulong kaming nag-aasikaso ng sister kong si Marjorie. Paparating naman from Boston, Massachusetts ang isa pa naming kapatid na si Guia and her family," lahad ni Claudine, na kataka-takang hindi binanggit ang panganay niyang kapatid na si Gretchen Barretto.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Hindi naman talaga ako kuripot. Siguro alam ko lang kung paano gastusin ang pera ko. Yes, ang salary ni Raymart ang pera namin. Ang pera ko, pera ko lang!" says Claudine Barretto.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results