Former PBB housemate Kian Kazemi reluctant to go daring onscreen

"Iba naman yung hubad sa big screen na nasa katawan talaga ang focus. Kaya kong mag-topless at bottomless, pero ang tatanggalin ko lang t-shirt at sapatos!" says Kian Kazemi in jest.


Sa second edition ng regular Pinoy Big Brother (PBB), ang half-Persian na si Kian Kazemi na lang ang pinaka-visible sa kanila, even eclipsing winner Bea Saw, runner-up Wendy Valdez, and PBB exchange housemate in Slovenia na si Bruce Quebral.

Maganda pa ang umpisa ng Year of the Ox para sa dating housemate dahil bukod sa travel show na Trip Na Trip, dalawang shows ang ginagawa ni Kian ngayon. Pasok siya sa Tayong Dalawa nina Kim Chiu, Gerald Anderson, at Jake Cuenca bilang isa sa mga cadet na kaibigan ni Gerald. Hindi rin siya nagdalawang-isip na tanggapin ang role bilang gay friend ni Judy Ann Santos sa Humingi Ka Sa Langit.

Graduate ng Tourism sa College of St. Benilde, tuloy pa rin ang kanyang Persian Grill business sa Makati at magkaroon ito ng dalawa pang branches. Sa kanya ibinigay ng kanyang parents ang pagma-manage nito dahil talagang plano niya ang maging entrepreneur.

"Wala naman talaga akong balak mag-showbiz noon," sabi ng 22-year-old model turned actor. "Kung hindi ako nag-PBB, hindi ako papasok kasi gusto ko lang ipagpatuloy ko ang business ng family namin."

Unang naging ramp and commercial model si Kian. Nang inalok siya na mag-audition sa second regular edition ng PBB, ang ina niya pa mismo ang nag-engganyo sa kanya.

Hindi naman nagsisisi si Kian dahil ini-enjoy na niya ngayon ang showbiz, lalo na Trip Na Trip dahil bagay nga ito sa kanyang kurso.

Bagama't rumampang naka-briefs sa huling Bench denim and underwear fashion show sa Araneta Coliseum at kasama siya nina Gerald at Jake sa kontrobersiyal na shower scene sa Tayong Dalawa, hindi pa rin daw handa si Kian na tuluyang magpa-sexy. Kung ngayon siya aalukin, wala raw siyang balak tumanggap ng indie movie kung saan kailangan niyang maghubad ng todo at makipaghalikan sa babae man o sa lalaki.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinaalaala nga namin sa kanya ang kanyang Bench exposure at shower scene sa Tayong Dalawa, pero iba naman daw kasi yun. Model siya sa Bench at may ini-endorse siya na briefs line kaya kailangan niyang mag-underwear. Sa Tayong Dalawa naman daw, may ikinuwento siyang trade secret para sa nasabing eksena kung kaya't nagawa niya ito, pati na rin sina Gerald at Jake.

"Iba naman yung hubad sa big screen na nasa katawan talaga ang focus. Kaya kong mag-topless at bottomless, pero ang tatanggalin ko lang t-shirt at sapatos!" patawa niya.

Sa gay roles naman, pinaalaala rin namin sa kanya na bakla nga ang papel niya sa Humingi Ka Sa Langit.

"Closet [queen] ako doon, saka wala naman yata akong partner na lalaki... Sana... Hindi pa ako nakakapag-umpisang mag-taping kaya hindi ko pa alam. Saka TV naman yun, bawal ang halikan sa dalawang lalaki," pagtatapos ni Kian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN