Rainier Castillo keeps his non-showbiz girlfriend secret

"Hangga't meron [trabaho], grab lang nang grab talaga. 'Tsaka mas maganda nga na puro supporting muna para mas lalo pa akong mahasa talaga. Kapag hasang-hasa na talaga, siguro okay na 'yon," says Rainier Castillo.


Tatlong graduates ng first batch ng StarStruck ang kasama sa bagong Sine Novela ng GMA-7 na Paano Ba ang Mangarap?—ang Ultimate Survivors na sina Jennylyn Mercado at Mark Herras, at ang First Prince na si Rainier Castillo.

Sina Jennylyn at Mark ang gumaganap sa roles na ginawa noon nina Vilma Santos at Christopher de Leon, samantalang ang role naman ni Rainier bilang best friend ni Mark ay idinagdag lang daw sa TV remake na ito ng Paano Ba ang Mangarap?. In real life, best friends talaga sina Rainier at Mark.

During and after StarStruck, sina Mark at Rainier ang pinagsasabong noon. Pero nanatiling matalik na magkaibigan ang dalawa. Yun nga lang, pagdating sa kanilang showbiz career ay tila naungusan na nang husto ni Mark si Rainier. Dito nga sa Paano Ba ang Mangarap? ay suporta lang si Rainier kina Mark at Jennylyn.

Tanggap naman daw ito ni Rainier.

"Hindi, ang ano naman kasi, hangga't meron [trabaho], grab lang nang grab talaga. 'Tsaka mas maganda nga na puro supporting muna para mas lalo pa akong mahasa talaga. Kapag hasang-hasa na talaga, siguro okay na 'yon," pahayag ni Rainier sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press na dumalo sa presscon ng Paano Ba ang Mangarap? kahapon, February 10, sa Kamayan restaurant, West Ave., Quezon City.

Hindi ba siya nanghihinayang o naiinggit na nagbibida na ang mga kasabay niya sa StarStruck at maging ilan sa mga sumunod na batch, gaya ni Aljur Abrenica, samantalang siya ay supporting roles pa rin hanggang ngayon?

"Hindi, kasi sila naman talaga yung winners," sabi ni Rainier sabay bigay ng kanyang famous "killer smile." "Talagang gano'n. Pero sa akin naman, wala naman talagang kaso yung gano'n. Basta ang wish ko lang, lagi lang talagang meron."

Aminado rin naman si Rainier na hindi siya kumportable sa drama roles na kadalasang ibininigay sa mga leading men ng Kapuso network. Aniya, "Mas kumportable ako sa mga comedy talaga kasi mas light, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa tingin ba niya ay ito ang dahilan kung bakit hindi siya nabibigyan gaano ng magagandang roles o projects?

"Hindi naman. Sabi kasi nila ano din, medyo bata nga ako tingnan talaga kaya siguro hindi rin bagay sa mga seryosong role," sabi ng 23-anyos na si Rainier.

POSSIBLE REASONS. Bukod sa mukha siyang batang tingnan, hindi rin masyadong nabiyayaan ng height si Rainier kaya limitado rin ang mga nakakapareha niya. Hindi niya ba naisip na sana ay tumangkad pa siya kahit dalawang inches o mga tatlo man lamang?

"Hindi ko naman iniisip yung mga gano'n, so ayos lang din," sagot ng binata. "Happy naman ako sa mga ibinibigay sa akin ngayon. Basta meron, kuha lang nang kuha."

Hindi ba siya sumubok uminom ng mga vitamins o gamot na pampatangkad?

"Sa tingin ko, parang hindi na ako... Hindi naman umeepekto ang ganun, kasi 23 na ako!" natatawang sabi ni Rainier.

Nang may pumuna na panay kasi ang puyat niya sa paglalaro ng video games, sinabi ni Rainier na huminto na raw siya sa hobby niyang ito. Nagsawa na raw kasi sila ng mga kalaro niya na karamihan ay mga kapwa niya StarStruck graduates din.

NON-SHOWBIZ GIRLFRIEND. Pagkatapos nito ay dumako naman ang usapan namin sa lovelife ni Rainier. Umamin ang young actor na may non-showbiz girlfriend siya ngayon. Nagkakilala raw sila ng kanyang girlfriend through a common friend.

"Magpu-four months pa lang," banggit niya.

Twenty-two years old daw ang girlfriend ni Rainier, na noong una ay ayaw niyang sabihin kung saan nag-aaral. Pero later on ay napilitan din siyang sabihin na sa Far Easter University (FEU) ito nag-aaral at nasa second year na ng kursong B.S. Psychology.

Mas okay ba na non-showbiz ang girlfriend ng isang artistang kagaya niya? Mas madali ba itong i-handle kumpara sa mga nakarelasyon niyang mga artista gaya nina Sheena Halili at Yasmien Kurdi?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually, sa tingin ko mas mahirap," sabi ni Rainier. "Kasi hindi nila naiintindihan yung mga nangyayari. Parang pag sa trabaho namin, 'O, bakit may ano, ba't may gano'n?' Parang maraming tanong. Pagka nasa showbiz, alam na nila, e, okay lang yun."

Paano niya ini-explain sa girlfriend niya ang tungkol sa showbiz?

"Sinasabi ko, 'Sa work ko, hindi natin maiiwasan na merong mga kissing scene, so sana lawakan mo na lang yung pag-iintindi mo.'"

Selosa ba ang girlfriend niya?

"Oo," sagot ni Rainier.

Paano siya magselos?

"Wala, hindi niya lang ako pinapansin. Ang maganda sa non-showbiz, kasi 'pag pareho kayo [na nasa showbiz], pag may ibang ma-link, maraming tanong, may ganyan, may ganito."

Sinabi rin ni Rainier na hindi niya isinasama sa showbiz functions ang kanyang non-showbiz girlfriend para hindi raw masyadong magulo. Among his friends from showbiz, si Mark pa lang daw ang nakakakilala sa girlfriend niya.

May plano na ba sila sa Valentine's Day?

"Wala pa, e. Kasi ano 'yan, depende kasi sa schedule namin."

Pero sumasabay ba siya sa mga nagde-date tuwing Valentine's Day?

"Hindi, kasi pag sumabay ako sa Valentine's, ang daming tao nun masyado, e."

Siya ba yung tipo na nagbibigay ng flowers at chocolates?

"Minsan gano'n. 'Pag wala talaga akong time, wala na akong maisip o makita na unique."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN