Hero Angeles admits feeling upset when his love team with Sandara Park ended

"Yung noon, nanghinayang ako na nawala agad. Alam ko rin naman na ang love team hindi magtatagal habambuhay, di ba? Kasi, tatanda kayo, e. So, ine-expect ko na pero hindi ganoon kaaga. So, nabigla ako. Parang hindi ako nakapag-adjust agad. Pero yun nga, happy rin ako na nasa GMA ako at nag-start ako ng solo at walang ka-love team," says Hero Angeles when asked about his former love-team partner Sandara Park.


Nung huling makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Hero Angeles ay natanong ito tungkol sa dating ka-love team niyang si Sandara Park. Balita kasi ngayong may ginagawa na itong series sa Korea. May communication pa ba sila?

"Huling usap namin 2005...nandoon pa siya. Noong bumalik siya hindi kami nagkausap."

Nagbunga na raw ang pagpupursige ni Sandara na makapasok sa showbiz sa Korea at may serye na nga raw itong ginagawa. Masasabi na ba niyang masaya siya para rito?

"Ang huli ko kasing napanood sa kanya yung MTV na ginawa niya. Pinapanood sa akin ng kaibigan ko sa YouTube, kaya sabi ko, 'Wow, okey naman pala.' Kung may Korean series siya, good for her kasi, dream niyang talaga at saka siguro, mas ano siya run, mas makakagalaw siya nang maayos. Siyempre rito, iba ang kultura rito. At saka doon, may workshop din doon at ang tagal na rin niyang nagwo-workshop."

Wala na ba siyang bitterness kapag nababanggit si Sandara?

"Siguro mararamdaman ko yun kapag nakita ko siya. Noong huling uwi niya rito, tinext ako ni Melissa Ricks. E, that time, may taping ako, hindi talaga 'ko makakapunta. Then, nag-text ako kay Joseph Bitangcol kung pupunta ba siya? E, may shoot din yata siya noon...so, sabi ko, okey lang din na hindi ako makapunta kasi, may mga trabaho rin kami."

Wala bang regrets na tila nauwi na lang sa wala ang love team nila and even the friendship na nabuo na rin sana noong umpisa?

"Wala... yung noon, nanghinayang ako na nawala agad. Alam ko rin naman na ang love team hindi magtatagal habambuhay, di ba? Kasi, tatanda kayo, e. So, ine-expect ko na pero hindi ganoon kaaga. So, nabigla ako. Parang hindi ako nakapag-adjust agad. Pero yun nga, happy rin ako na nasa GMA ako at nag-start ako ng solo at walang ka-love team."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

IMPORTANT ROLE. Masasabing maliit lang ang role na ginagampanan ni Hero sa GMA-7 sine nobelang Paano Ba Ang Mangarap?, pero sa kabila nito, markado pa ring maituturing ang role na ito na unang ginampanan sa original movie version ng namayapang aktor na si Jay Ilagan.

Kahit sa umpisa lang halos lumabas ang character niya, dito naman umikot halos ang mga unang pangyayari at istorya ng show.

"Nakakatakot noong una," simulang pahayag ni Hero sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Sabi ko, mapapansin pa ba 'ko? Kasi, noong pinanood mo yung movie, ang eksena agad, naaksidente, patay agad! Siguro, ganoon din sa TV. Pero ini-extend naman nila. So, noong binasa ko siya, okey naman pala.

"December ko nakuha yung script, noong Christmas vacation. Kada-gabi, binabasa at mine-memorize ko yung lines ko. Inisip ko kung ano yung tamang atake sa role. Mabuti na lang si Ate Anne Villegas, acting at voice coach namin, tinuturuan kami kung paano bitawan at iarte yung linya. So, nakakatulong siya. Considering Jay Ilagan na ang gumawa dati. Magaling, e. Magaling ang acting niya."

Hindi naman daw niya kinopya ang paraan ng pag-arte ng namayapang actor.

"Ayokong gayahin, pero, pinagbasehan ko ang character niya, yung ginawa niya. Pero naiba, e. Yung sa movie nga, gaya ng sinabi ko kanina. Nagkapalit kami ni Mark, siya yung happy-go-lucky, ako yung taong opisina at nagtatrabaho para sa pamilya."

AS KAPUSO. Kumusta naman siya bilang Kapuso?

"Happy...yung span kasi ng one year, ang daming nangyari. Dyesebel, kontrabida, Luna Mystika, kontrabida rin ako. 'Tapos Paano... then, movie na Sundo. Nakakatuwa kasi, ang daming nangyari. Meron pang Walang Tulugan...

"Siyempre, nandoon pa rin ang pagod, like taping kami ng Paano, 'tapos pupunta ako sa Luna. Mahirap lang yung shifting of character. 'Tapos, yung itsura ko pa run."

Would he say na mas natagpuan niya ang tahanan niya sa GMA-7?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang masasabi ko lang, GMA, bagong bahay. Tinanggap nila 'ko. Kasi dati, parang pupunta ko ng GMA, parang naiilang ako. Ano kaya ang feeling ng makatrabaho ang mga tao rito? So, natatakot ako, pero noong maramdaman ko na nag-meeting kami ng management at nagpakita sila ng interes na makatrabaho ako, lalo na yung Dyesebel, sobrang thankful ako kasi, nagdirek si Direk Joyce Bernal na nakatrabaho ko na. 'Tapos sina Marian Rivera at Dingdong Dantes, mababait sila."

Siya na rin ang nagsabing, "At home talaga 'ko. Wala akong naramdaman na iba talaga 'ko, 'hindi ako Kapuso'. Hindi ko naramdaman yun. Una pa lang, naramdaman ko yung init ng pag-welcome nila sa akin. Kagaya ng mga tao, yung mga E.P., head ng mga programs, wala yun yung 'Ay, hindi 'yan original na GMA, hindi 'yan homegrown talent, huwag natin masyadong iano ang role niya.' Hindi ko naramdaman yun kasi binibigyan nila 'ko ng importansiya kung paano ang iba."

Nakikita ba niya ang sarili na babalik at gagawa pa rin ng project sa Kapamilya network?

"Yung mga ganyan, hindi ko masabi. Kagaya dati, nasa kabila pa 'ko, sabi ko, hindi ko na-imagine na makikita ko ang sarili ko na nasa screen ng GMA. May logo ng GMA sa gilid. So, hindi ko talaga masabi yun. Sa ngayon, sobrang masaya 'ko sa GMA. Actually, mag-e-end na nga ang contract ko and I'm hoping na sana mabigyan ulit ng project."

Pero alam daw niyang sa showbiz, kailangang maging flexible lang.

"Kailangan maging professional. Minsan may mga talents nga sa ABS na nakikita ko sa GMA, so, share-share lang. Open ako sa ganoon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN