Robin Padilla supports BB Gandanghari 100 percent, "Hangga't wala siyang sinasaktan na tao..."

"Magkausap nga kami ni Royette [Padilla] noong isang araw, nagpunta siya sa taping, medyo nababagabag siya. Sabi ko, 'Tol, hayaan mo na yun. Importante masaya ang kapatid natin. May sarili na siyang pag-iisip. Ayoko naman ng meron nga tayong nagpapakalalaki na kapatid, pero malungkot naman.' So, ayos na yun!" relates Robin Padilla about his brother Rustom, who is now known as BB Gandanghari.


Nilinaw ni Robin Padilla sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang isyung tinanggihan ng kapatid niyang si Rustom Padilla, na kilala na ngayon nilang BB Gandanghari, ang maging co-director ng Totoy Bato.

"Totoo yun, in-offer ko sa kanya," pag-amin ni Robin. "Pero alam n'yo naman si Kapatid, meron din siyang mga prayoridad. E, ako, gusto ko siyang makasama. Nag-aral ng film 'yan, e, sa New York. Pero hindi ko naman siya puwedeng pilitin. May edad na yun. Alam na niya ang gusto niya."

Pero aniya, "Hindi naman niya tinanggihan. Sinabi lang niyang marami pa siyang gustong gawin."

Nakausap ng PEP si Robin sa presscon ng Totoy Bato kagabi, February 15, sa Studio 5 ng GMA Network Center.

Sabi ni Robin, simula raw nang dumating si BB sa bansa, hindi pa raw sila nagkakaroon ng pagkakataon na magkita, gayundin ng iba pa nilang miyembro ng pamilya. Nangiti na lang si Robin when asked kung bakit noong unang lumabas si Rustom as BB ay hindi siya nagbigay ng anumang pahayag.

"E, ano pa ang sasabihin ko? Basta masaya siya! Yung opinion namin dun, hindi na importante. Magkausap nga kami ni Royette [Padilla] noong isang araw, nagpunta siya sa taping, medyo nababagabag siya. Sabi ko, 'Tol, hayaan mo na yun. Importante masaya ang kapatid natin. May sarili na siyang pag-iisip. Ayoko naman ng meron nga tayong nagpapakalalaki na kapatid, pero malungkot naman.' So, ayos na yun!" pahayag ni Robin.

Masasabi ba niyang 100 percent ang suporta niya kay BB?

"Oo, hindi na pinag-uusapan yung sinusuportahan namin siya o hindi. Ang kuwestiyon dito ay kung maligaya ba siya," sagot ni Robin.

Isa raw sa anak niya ay may gustong makakita kay BB.

"Gusto siyang makita ng anak kong si Sherilyn. Gustong mag-model nun, e. Magpapaturo raw siya kay Rustom...a, kay Gandanghari pala."

Kapag nagkita ba sila ni BB, tatawagan na niya ito as BB?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ha?" tila nagulat na sagot ni Robin. "A, hindi naman. Okey na yung 'Tol'! Puwede naman na yun."

Pero siya, sino ang gusto niyang makita: si Rustom o si BB?

"Ang tanong, e, kami ba gusto na niyang makita?" sagot naman ni Robin. "Ganoon lang naman yun. Wala namang personal dun. Naglalakbay siya sa panibago niyang buhay. Kami naman ay nandito lang."

Hindi naman itinanggi ni Robin na nagulat siyang talaga nang una niyang makita si Rustom bilang BB.

"Nagulat, pero alam ko na, nasa Baguio ako nun. Nilakasan ko na lang ang suntok ko sa punching bag!" natatawa niyang sabi.

Pero aniya, "Okey na yun. Ang importante, masaya siya. Wala namang krimen sa ginagawa niya. Hangga't wala siyang sinasaktan na tao, hangga't wala siyang inaabusong tao, masaya ako para sa kanya."

THIRD TEAM-UP WITH REGINE. Sa ikatlong pagkakataon ay magtatambal sina Robin at Regine Velasquez sa pinakabagong primetime series ng GMA-7, ang TV remake ng classic komiks novella ni Carlo J. Caparas na Totoy Bato. Sinabi ni Robin na personal choice niya si Regine bilang leading lady niya rito.

Hindi raw uso sa kanilang dalawa ni Regine ang ilangan kahit matagal na ang huling proyektong pinagsamahan nila—ang pelikulang Till I Met You (2006).

"Hindi uso sa amin yun! Wala...kahit dati pa, kahit gaano katagal pa. Basta magkita kami, nagpupugay na ko riyan," nakangiting pahayag ni Robin habang pinapalibutan siya ng PEP at ng iba pang entertainment press.

Wala rin daw dahilan para magkaroon sila ng ilangan dahil alam na ng lahat na may boyfriend na si Regine sa katauhan ni Ogie Ogie Alcasid.

"Si Regine naman, wala pa ang mga isyu ngayon, palagi na siyang may limitasyon. Pero pagdating sa mga eksena, talagang napapaniwala namin ang mga tao na kami kapag nasa loob ng eksena. Pero kapag cut nun, wala na...hindi na ako kilala niyan!" biro ni Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kumusta naman ang working relationship nila ni Regine ngayon?

"Punong-puno ng kaligayahan," sagot ng action superstar. "Nakita n'yo naman, napakasuwerte ni Mr. Alcasid...yun lang ang masasabi ko."

Bakit nga ba si Regine ang napili niyang leading lady sa Totoy Bato, sa dami ng ibang female stars na puwedeng sabihin na hindi pa rin niya nakakatrabaho?

"Siguro ang masasabi ko lang, meron na kaming chemistry na dalawa, na hindi ako mahihirapan sa set, e. Kasi, ang dami ko nang iniintindi. Kapag inisip ko pa ang emosyon na ipapakita ko, lalo lang mahirap. Sa akin, automatic, e. Kapag kay Regine, hindi ko na kailangan ng motivation or ano."

Kung titingnan, puwedeng sabihin na malaki na rin ang ipinagbago ni Robin pagdating sa leading ladies niya dahil hindi na siya masyadong nai-involve sa mga ito.

"Ay oo, kailangan ganoon...kasi hindi na tayo bumabata," nakangiting sabi ni Robin.

Wala bang dapat ikabahala si Ogie sa kanya?

"Ay, wala!" mabilis na sagot ni Robin. "Kami naman ni Ogie, e, magkaibigan din. Wala rin naman problema kung gustong dumalaw ni Ogie sa set. Ako, e, bago pa ang lahat na 'yan, e, alam ko na 'yan."

PROUD FATHER. Bago nagsimula ang presscon proper ng Totoy Bato kagabi ay nagpakitang-gilas ang panganay na anak ni Robin, si Queenie Padilla, na kasama rin sa cast. Kumanta at sumayaw ito kasama ang Power Dance.

Kung dati ay si Kylie ang nakasama ni Robin sa Joaquin Bordado, ngayon naman ay si Queenie ang pinayagan ng action superstar na masubukan ang pag-arte.

"Lahat naman ng anak ko, meron silang kalayaan na gawin kung ano ang gusto nilang gawin, lalo na si Queenie na mag-e-eighteen na. Kung anuman yung trip niya, like sa stunts niya, okey lang, basta nandoon ako. Kailangan yung safety niya at tama. Mahirap naman kung may mangyari sa kanya dahil babae siya. Ayoko siyang masunog or mabalian."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag niya, "Pero, siyempre, depende pa rin naman sa kanya kung gusto niya akong nandoon. Kasi, iba na ang situation niya, 18 na siya, e."

Masasabi bang ang mga project lang na puwedeng labasan nina Queenie at Kylie ay yung mga shows na kasama ang kanilang ama?

"Hindi naman," paglilinaw ni Robin. "Yung mga anak ko kasi, nagbibigayan sila. Si Queenie ngayon, kaya hinto muna si Kylie. Ayaw rin naman nilang magsabay."

Ayon kay Robin, babalik si Kylie sa Australia para mag-aral. Nananatili sa Australia ang misis niyang si Liezel Sycangco dahil nag-aaral din doon ang iba pa nilang mga anak.

Magsisimula na ang Totoy Bato sa February 23.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN