Regine Velasquez says Ogie Alcasid is amazed by her chemistry with Robin Padilla

"Kahit ano pa ang sabihin nila, wala rin naman akong dapat pang patunayan sa iba. Sa sarili ko na lang, na sana tumagal pa ako sa industriyang ito, at mabigyan pa rin ng pagpapahalaga yung contributions ko, kahit paano," says Regine Velasquez.


Hindi natitinag si Regine Velasquez sa kasalukuyang showbiz status niya. Para lalong mapalakas pa ng GMA-7 ang hatak niya sa masa, dalawang pinakamatinding idols ang kasama niya sa Totoy Bato, ang pinakabagong primetime series ng Kapuso network—sina Robin Padilla at Manny Pacquiao.

"Napakalaking project nito at daig pa nito ang pelikula. Happy ako na napasama ako rito, and it's always fun working with Binoe. Marami nga ang nagtatanong kung naiilang daw ba kami sa isa't isa dahil medyo matagal na rin yung Till I Met You, na pelikulang pinagsamahan namin sa GMA Films.

"Hindi uso sa amin ang naiilang. Maski noong hindi kami nagkakatrabaho, lumalapit si Robin sa akin para bumati. More than anything else, naka-build kami ng friendship. Yun ang mahalaga sa amin, hindi lang dahil malakas sa mga tao yung chemistry namin, which I must admit, isa si Binoe sa mga nakapareha ko na gusto talaga ng mga tao," nangingiting sabi ni Regine nang makapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Totoy Bato.

Naitanong namin ito dahil si Regine, kumbaga, ay taken na ni Ogie Alcasid. Iba na ang sitwasyon niya ngayon.

"Wala namang pinagkaiba," sabi ni Regine. "Ever since, yung personal namin ni Ogie, naihihiwalay namin. Hindi na kami mga bata na magkakaselosan pa sa ganyan, at magiging isyu. Si Ogie pa nga ang parang amazed doon sa dating ng pair namin ni Robin, gustung-gusto na nga raw niyang mapanood ang teleserye."

Balitang nag-aral din si Regine ng boxing habang nagte-taping ng teleseryeng ito.

"That's true, idinagdag ko na lang sa mga ginagawa ko dahil yun ang kulang sa akin," sabi niya. "Sabi nga ni Ogie, malaking tulong daw sa akin yun lalo na sa lung power kapag kumakanta. Nagiging mas powerful ang dating, na napansin ko nga."

Pagkatapos ng Ako si Kim Samsoon, mukhang hinihigitan ng GMA-7 ang napatunayan ni Regine sa TV.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko alam kung ano ba ang balak nila, pero sa nakikita ko, bawat pinapagawa nila sa aking assignment, malaki talaga, mahirap tawaran. Wala akong puwedeng sabihin kundi masaya ako sa GMA-7 at naaalagaan ako.

"Kahit gusto ko rin sanang mag-pelikula uli, pero kung ganito ang mangyayari, mahihirapan akong magbigay ng oras. Kumakain ng panahon ang taping namin ni Binoe para sa Totoy Bato," saad ni Regine.

NO TIME FOR INTRIGUES. Wala ring panahon ang Asia's Songbird para pumatol sa mga intriga. Napaka-secure niya, lalo sa personal life.

"Hindi naman lahat makukuha mo, e. Kaya kung ano ang mayroon diyan, dapat matuto na lang magpasalamat, at kahit paano, nakakadagdag yun ng happiness at personal satisfaction.

"Malaki ang impluwensiya ni Ogie sa akin, lalo na sa pagdadala ng sitwasyon. Pati sa career ko, sa pagharap sa mga intriga at sa craft ko sa acting at comedy, makikita ang malaking pagbabago, and I owe that partly kay Ogie," sabi ni Regine.

Kapansin-pansin din daw na kapag nakakasama ni Regine ang iba pang artists, may tendency raw ito na manapaw, gaya sa ginawa niya sa Divas 4 Divas, kung saan nakasama niya sina Kuh Ledesma, Zsa Zsa Padilla, at Pops Fernandez.

"Hindi naman totoo 'yan," sabi ni Regine. "Hindi ko ugaling manapaw. I'm just doing my best. Kung may nakakasama ako, gusto kong makipagtulungan. Kapag may mga baguhan, sinusuportahan ko. Hindi ko iniisip na may competition, kasi kahit ano pa ang sabihin nila, wala rin naman akong dapat pang patunayan sa iba. Sa sarili ko na lang, na sana tumagal pa ako sa industriyang ito, at mabigyan pa rin ng pagpapahalaga yung contributions ko, kahit paano."

SARAH GERONIMO. Maski nga raw may mga bago nang iniidolo, gaya ni Sarah Geronimo na sinasabing siyang kukuha talaga ng trono niya, masaya si Regine kung ganoon man ang palagay ng iba.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung anuman ang napatunayan ko, masaya na ako, and I'm keeping my feet on the ground. Sabi ko nga, sinusuportahan ko yung mga junior ko kumbaga. Like in the case of Sarah, noon pa naman, nasa kanya ang support ko. Ngayong super-big star na siya, wala akong dapat maramdaman kung hindi maging proud sa kanya.

"Hindi nagbabago si Sarah. Kapag nagkikita kami niyan, siya pa rin yung anak-anakan ko na parang nanggaling sa sinapupunan ko. Nakita ko kung paano siya magsimula, at naging bahagi rin ako nun, kahit paano," pagwawakas ni Regine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN