Ara Mina returns to Kapuso network with two shows

After one-year absence in the Kapuso network, Ara Mina returns with two shows—primetime series Totoy Bato and afternoon soap Dapat Ka Bang Mahalin?.


Tuloy na tuloy na ang pagbabalik ni Ara Mina sa GMA-7 pagkatapos niyang mawala rito nang mahigit isang taon.

Sa primetime series na Lupin, na pinagbidahan ni Richard Gutierrez, huling napanood si Ara sa Kapuso network. Pagkatapos nito ay gumawa siya ng dalawang TV series sa ABS-CBN—Prinsesa ng Banyera with Kristine Hermosa and Ligaw na Bulaklak with Roxanne Guinoo.

Sa pagiging Kapuso ulit ni Ara, nabigyan siya ng dalawang TV dramas. Una ang special participation niya bilang asawa ni Robin Padilla sa Totoy Bato at pangalawa ang pagkakasali niya sa cast ng bagong GMA Sine Novela, Dapat Ka Bang Mahalin?.

TOTOY BATO. Sa Totoy Bato, dapat ay three taping days lang daw si Ara dahil mamamatay kaagad ang kanyang character. Pero natuwa siya dahil nadadagdagan ang kanyang taping days.

"Nakaka-seven taping days na nga ako sa Totoy Bato," nakangiting balita ni Ara sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Unang usapan naman is three days lang, kasi guest role lang talaga. Akala kasi nila may kontrata ako sa ABS-CBN. Noong sinabi ko na wala akong pinirmahan na contract with ABS-CBN, dinagdagan nila ang taping days ko.

"Kasi nga naman, sayang din ang chance ko to work with Binoe. First time ko siya makatrabaho talaga. Never kaming nagkasama sa movies, dito lang sa drama series kami unang nagkasama. Kaya siguro sinusulit na nila ako sa role ko as his wife. Ang mga kinukunan sa akin ay flashbacks. Pasulpot-sulpot ang character ko sa istorya. Kaya every now and then, makikita nila ako sa Totoy Bato," lahad ng sexy actress.


DAPAT KA BANG MAHALIN? Excited naman si Ara sa pagkakasali niya sa Dapat Ka Bang Mahalin?, na remake ng 1984 film nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion sa ilalim ng Viva Films. Nagkaroon ito ng story conference kahapon, February 18, sa 17th floor ng GMA Network Center.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sina Kris Bernal at Aljur Abrenica ang gaganap sa roles nina Sharon at Gabby bilang Myrna at Lito. Si Ara naman ang gaganap sa role noon ni Chanda Romero bilang si Glacilda.

Tanggap naman ni Ara na bagay sa kanya ang mga kontrabidang other-woman roles. Para sa aktres, walang role na hindi kayang gawin ng isang artista na mahal ang trabaho niya.

"Natutuwa ako kina Kris at Aljur," sabi ni Ara. "Kasi nga, nabibigyan na sila ng ganitong pagkakataon. Noong maiyak nga si Kris kanina sa story conference, naalala ko ang sarili ko sa kanya. Kasi noong kaedad ko siya, doon din ako nabigyan ng big break sa showbiz. Kaya naiyak din ako sa kakapasalamat sa mga taong naniwala sa akin.

"Sinabi ko sa sarili ko that time na kapag may baguhang artista na kailangan ng tulong ko, hindi ko ipagdaramot 'yon. Tutulungan ko sila anytime kung kailangan nila ito. "

SIZZLING SCENES WITH ALJUR. Nabanggit kay Ara na may mga maiinit silang mga eksena ni Aljur sa Dapat Ka Bang Mahalin?. Magiging "other woman" kasi ng StarStruck Ultimate Hunk si Ara rito.

Hindi naman itinago ni Aljur na ngayon pa lang ay kinakabahan na siya sa mga magiging eksena nila ni Ara. First time din kasi niyang magkaroon ng medyo seksing eksena at si Ara pa ang makakasama niya.

"Huwag siyang mag-alala at tuturuan ko siya. Tuturuan ko siyang mag-relax!" sabay tawa ni Ara.

"Noong pictorial nga namin," patuloy niya, "kinakabahan na si Aljur na katabi ko. Sinabi ko nga kay Direk Maryo [J. de los Reyes], 'Direk, paano ito? Pictorial pa lang, kinakabahan na si Aljur. Ano gagawin ko kapag eksena na namin?' Sagot sa akin ni Direk Maryo, 'Naku, Ara, ikaw na bahala. Magaling ka sa ganyan!'

"Kaya sinabi ko kay Aljur na huwag siyang ma-tense, kasi lalo siyang hindi makakaarte ng tama. Gusto ko ngang magkaroon kami ng time nina Kris at Aljur to get to know one another more. Maganda yung may bonding na kami para kapag may mga eksena kami, hindi kami nagkakahiyaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi lang naman si Aljur ang makakaeksena ko, e. Si Kris, marami akong eksena na magiging mataray ako sa kanya. So, kailangan prepared din si Kris sa mga magiging reaction niya sa mga scene na ganyan. Like what I said, kung kailangan nilang dalawa ng tulong ko to motivate them, nandito lang ako para sa kanila," saad ng award-winning actress.

Ang iba pang kasama sa cast ng Dapat Ka Bang Mahalin? ay sina Carlo Aquino, Mike Tan, Paulo Avelino, Lloyd Samartino, Mariz, Maritoni Fernandez, Juan Rodrigo, Kristal Reyes, Kiko Junio, at Matutina.

Bale reunion din ito nina Ara at Direk Maryo pagkatapos nilang magkatrabaho sa 1998 Regal movie na Pahiram... Kahit Saglit, kung saan nakasama niya sina Christopher de Leon at Alice Dixson.

BUBBLE GANG. Tinanong naman ng PEP si Ara kung totoong babalik na rin siya sa gag show na Bubble Gang.

"Ay, hindi ko alam 'yan!" tila nagulat niyang sabi. "Wala pa naman silang sinasabi sa akin. Pero gusto ko talagang bumalik sa Bubble Gang kasi nami-miss ko silang lahat doon. Ten years din akong nakasama sa show na 'yan. Diyan na ako nagdalaga, nagkaroon ng boyfriend, nawalan ng boyfriend, at kung anu-ano pa. Kaya very memorable sa akin ang show na 'yan.

"Kapag sinabi nilang bumalik ako, the next day, kahit puyat pa ako, willing akong mag-taping, makasama ko lang ulit sila Ogie [Alcasid], Bitoy [Michael V.], Wendell [Ramos], Antonio [Aquitania], Diego [Llorica], Francine [Prieto], P-chi [Rufa Mae Quinto], at Diana [Zubiri]. Miss ko rin ang director naming si Direk Uro [dela Cruz."

HAPPY WITH LOVELIFE. Sa personal na buhay ni Ara, nakikita naman na masaya siya.

Hindi rin inililihim ng aktres na may non-showbiz boyfriend siya at two months pa lang ang relasyon nila. Balita nga na ang boyfriend ni Ara ay apo ng isang mayamang businessman na may-ari ng isang five-star hotel at isang malaking publication.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Mabuti pa kayo nare-research ninyo!" tawa niya. "Wala akong babanggitin na pangalan niya o kung ano ang estado ng pamilya niya. Hindi naman 'yon ang dahilan why I had a relationship with him. Nagustuhan ko ang pagiging mabait niyang tao, disente siya at very down-to-earth.

"Choice ko na huwag siyang i-reveal dahil napakapribado ng taong ito. Kaya sana pabayaan na nila akong maging happy sa relasyon kong ito. Huwag n'yo na sana siyang hanapin pa dahil mahihirapan lang kayo!"

POLITICAL PLANS. Tungkol naman sa balitang tatakbo siya bilang konsehal sa 2nd district ng Quezon City in 2010, sinabi ni Ara na hindi pa raw siya decided kung tatanggapin niya ang imbitasyon na tumakbo.

"Matagal naman na akong may imbitasyon tuwing sasapit ang eleksiyon," sabi niya. "Pinag-iisipin kong mabuti lahat. Hindi madaling pasukin ang politics, lalo na kung artista ka na may mga trabaho. Mahirap balansehin.

"But I am flattered na may mga gustong tumakbo ako for city councilor at susuportahan daw nila ako tulad ng pagsuporta nila sa pamilya ko. Nasa dugo na namin ang public service, pero hindi ito madaling pagdesisyunan. Pinag-aaralan ko pa ito lahat bago ako makapag-decide."

Kung sakaling makapagdesisyon na si Ara, makakasabay niya si Alfred Vargas sa pagtakbo as city councilor sa 2nd district ng Quezon City.

"Si Alfred, sure na siyang tatakbo talaga. Nagsimula na nga siya, e. It's because decided na siya na pasukin ang politics. Ako naman, may mga kinu-consider pa akong mga bagay-bagay. Malalaman naman ng lahat kung ano ang magiging desisyon ko soon," pagtatapos ni Ara.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN