Marian Rivera defends "below-expectation rating" of soap with Dingdong Dantes

"Gusto ko lang sabihin na kami ni Dingdong at Direk Joyce [Bernal] ay hindi iniisip na dapat number one kami. Ang importante sa amin, nagawa namin nang maayos ang aming trabaho at mahal namin ang aming trabaho. Ang importante sa akin, tinatawag akong Proserfina at nagugustuhan ng iba kung sino si Proserfina," says Marian Rivera about Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang.


Hindi pa nakakakuha ng kopya ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng resulta ng page views at unique users ng live chat nina Marian Rivera at Dingdong Dantes kahapon, February 19, sa pangangasiwa ng New Media Inc. (NMI) ng GMA Network. Pero sigurado nang record-breaking sa buong live chat history ang second time na pagsabak ng mga bida ng primetime soap na Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang.

Kulang ang dalawang oras na pakikipag-chat nina Marian at Dingdong sa dami ng gustong itanong ng fans nila. Nangako silang babalik kapag naimbitahan uli sila at 'pag may free time sila. Ipinagpaalam lang kasi sila sandali sa taping ng kanilang soap at malaking bagay na malapit sa GMA-7 ang location kaya mabilis silang nakarating.

"Nakakataba ng puso dahil kahit gabi-gabi na nila kaming napapanood sa Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang at may mga guestings pa kami, hindi pa rin sila nagsasawa sa amin," natutuwang reaction ni Marian.

Ano usually ang itinanong ng fans sa kanila?

"Karamihan tungkol sa Ang Babaeng Hinugot at saka si Dingdong," sagot ng aktres. "Natutuwa raw sila sa akin sa show dahil ibang Marian ang kanilang napapanood, meron din ayaw sa role ko at in-explain ko naman na kailangan yun para i-establish ang character ko. Sa mga susunod na episodes, ipapakita na kung bakit ganun si Proserfina and, hopefully, maiintindihan na nila kung bakit ganun ang character ko."

VALENTINE'S GIFT. Ilang araw pa lang matapos ang Valentine's Day kaya inalam ng PEP kung ano ang regalo nina Dingdong at Marian sa isa't isa. Pagkatapos ng ilang segundong pilitan, inamin ng aktor na kumot na magagamit ni Marian sa taping ang ibinigay niya rito. Mura lang daw yun, pero hindi sinagot ni Dingdong ang tanong ng PEP kung magkano ang mura sa kanya.

Ano naman ang regalo ni Marian sa kanyang leading man?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Secret! Sa aming dalawa na lang yun. Huwag n'yo na lang itanong," pakiusap ni Marian.

Maiksing "oo" rin ang sagot ni Marian sa tanong kung alam niyang ang kanilang fans ay gusto sila ni Dingdong ang magkatuluyan. Pero ang "oo" na yun ay may kasamang malagkit na tingin sa aktor.

Suot-suot din ni Marian noong hapon na 'yon ang diamond-studded bracelet na Christmas gift sa kanya ni Dingdong.

ANG BABAENG AYAW NILA. Alam ba ni Marian na kung may nagkakagusto sa role at character niya sa soap nila ni Dingdong ay mayroon ding may ayaw?

"Naiintindihan ko na hindi lahat gusto si Proserfina," sabi niya. "Pero gaya ng sinabi ko, sa next episodes, ipalalabas ang back story ni Proserfina at maiintindihan at mamahalin nila si Proserfina, Malapit na yun."

Kumpara sa Marimar at Dyesebel, hindi ganoon kataasang rating ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang at hindi umayon sa expectations ng iba. Disappointed din ba sila ni Dingdong?

"Gusto ko lang sabihin na kami ni Dingdong at Direk Joyce [Bernal] ay hindi iniisip na dapat number one kami. Ang importante sa amin, nagawa namin nang maayos ang aming trabaho at mahal namin ang aming trabaho. Ang importante sa akin, tinatawag akong Proserfina at nagugustuhan ng iba kung sino si Proserfina.

"Importante rin na napapaligaya namin ang sumusubaybay sa soap namin. At least, nag-try kami ni Dingdong ng ibang character at open ako na hindi namin mapi-please lahat ng tao. Naniniwala ako sa project, matagal pa ang itatakbo ng istorya at sigurado kaming magugustuhan ng tao ang mapapanood nila sa mga next episodes," saad ni Marian.

Tuwang-tuwa si Marian sa na-point out na nakikipagsabayan siya sa paseksihan kina Angelu de Leon at Carlene Aguilar. Sinusunod lang daw niya si Direk Joyce at kung ano ang nasa script, gaya noong face-off nila ni Angelu in their swimsuits.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

In fairness, may karapatang magpa-sexy si Marian dahil sa hindi pa rin nagbabagong 34-22-34 vital statistics niya. Flawless din siya at bumalik ang kaputian na nawala nang gawin niya ang Marimar at Dyesebel na karamihan ng kanyang mga eksena'y sa dagat at naarawan siya.

After the live chat, ang sumugod na empleyado ng GMA Network ang hinarap ng dalawa at may batang karga-karga ng ama na kinainggitan ng male employees dahil there were times na nakipag-lips-to-lips kay Marian.

Tinanong ang bata ng ama kung sino ang boyfriend ni Marian. "Dingdong" ang sagot ng two-year-old bagets. Nang biruin nami na hindi nagsisinungaling ang mga bata, tumawa lang si Marian at nagyaya nang umalis. Babalik pa raw kasi siya sa taping ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN