Jake Cuenca's parked SUV shot at by unidentified men

"Wala talaga kong iniisip na may motibo. Wala naman akong kaaway. Wala rin naman akong any death threats. Tapos, lately, hindi rin naman ako halos lumalabas. Hindi ako nakaka-gimmick dahil ang focus ko lang talaga ngayon, yung trabaho," says Jake Cuenca about the shooting incident in front of his house in Mandaluyong City earlier this morning.


Kaninang madaling-araw, February 23, ay pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang Ford Expedition na sasakyan ni Jake Cuenca sa harap mismo ng bahay ng aktor sa Mandaluyong City.

Bukod sa isang bala ng .45 caliber na natagpuan sa sasakyan, may tatlong bato rin na nakuha sa loob nito. Ang hinala ng mga pulis ay mula sa pagbabato sa harapang salamin ng Expedition ni Jake nanggaling ang tatlong bato.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jake sa telepono kaninang alas-dos ng hapon. Ayon sa kanya, alas-singko ng umaga nang magising sila. Bagamat may narinig daw na ingay at putok ng baril ang mga kasambahay nila, ipinagwalang-bahala lang daw nila ito at hindi nag-isip ng kakaiba.

Unang nagising sa kanila ang sister-in-law ni Jake na nagngangalang Leah dahil sa tawag sa telepono. Sinabi ng tumawag kay Leah na maraming tao ang nag-uusyoso sa sasakyan na nasa harapan ng bahay nila.

Ang unang tsinek ni Leah ay kung nasa loob ng kanyang kuwarto si Jake. Dito na lang nila nalaman ang nangyari sa sasakyan ng aktor.

Ayon kay Jake, wala naman siyang nakikitang motibo na may gustong bumaril sa kanya o gawan ng masama ng kahit na sino. Unang-una, wala naman daw siyang kaaway.

"Wala talaga kong iniisip na may motibo. Wala naman akong kaaway. Wala rin naman akong any death threats. Tapos, lately, hindi rin naman ako halos lumalabas. Hindi ako nakaka-gimmick dahil ang focus ko lang talaga ngayon, yung trabaho. Halos araw-araw ang taping for Tayong Dalawa at shooting naman ng movie namin for Star Cinema.

"So, wala talaga, e. Mas naiisip ko at kahit din naman yung mga pulis na rumesponde na baka may nag-away lang sa labas or may gulo. Ang nangyari, puwedeng hindi sinasadya or ang napuntirya yung sasakyan dahil yun yung nakaparada sa labas," saad ng aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon Jake, alas-dos na ng madaling-araw siya nakauwi kanina mula sa isang meeting. Two hours na rin siya halos nasa bahay at kasalukuyang natutulog nang mangyari ang insidente.

Ang pagkakamali nga lang daw ng driver, imbes na iparada ang sasakyan ni Jake sa loob ng garahe nila—na karaniwan naman nitong ginagawa—sa labas lang ito nag-park. Inakala raw kasi ng driver ni Jake na maaga rin ang call time ng aktor para sa taping ng Tayong Dalawa kaya tila tinamad nang i-park ang Expedition sa loob.

Bukod sa tatlong bato at isang bala na nasa loob ng sasakyan ni Jake, may tatlo pang bala ng baril sa labas na natagpuan ang mga pulis.

Sa kabila ng pangyayaring yun, nagpapasalamat pa rin si Jake na sasakyan lang niya ang nabato at nabaril, at wala ni isa man sa kanila ang nasaktan.

"Ako talaga, yun lang talaga ang sobrang ipinagpapasalamat ko na walang nasaktan. Para sa akin, yun ang pinakaimportante, lalo na miyembro ng pamilya ko na walang nasaktan or nadamay sa pangyayari.

"Iniimbestigahan pa rin ng mga pulis kung ano ang posibleng nangyari, pero malamang nga na nagkaroon lang siguro ng away sa labas. Ako naman, parang safety na rin, plano na rin namin na mag-hire ng security at ako siguro, baka humanap din muna ko ng ibang matitirhan," pahayag ni Jake.

May sarili nang condominium unit si Jake, pero dahil likas na maka-pamilya, mas gusto raw niyang umuuwi pa rin sa nakalakihan na niyang bahay sa Mandaluyong.

Ilang beses nang napunta ang writer na ito sa bahay nila sa Mandaluyong. Malayo ito sa bahay ng ibang artista na kadalasan ay nasa mga exclusive subdivision na may strict security. Ang bahay nila Jake ay daanan ng lahat halos ng private and public vehicles.

Ayon kay Jake, sa tagal na nila run ay sanay na siya sa lugar. Siya raw ang tipo ng taong mas gustong pag-uwi, may kasamang pamilya na inuuwian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero dahil sa nangyari, may takot na ba siyang nararamdaman kahit sabihin pang hindi naman malinaw kung ano talaga ang dahilan ng pagkakabaril at pagbato sa sasakyan niya?

"Yung una talaga, masaya ako na walang nasaktan," sabi niya. "Kung natatakot man, natatakot ako hindi para sa akin, takot ako para sa pamilya ko. Siyempre, ayokong isipin man lang na may madadamay or may masasaktan sa family ko. Sa akin kasi, kapag nasangkot ang pamilya ko, ibang usapan na yun.

"Pero yun nga, wala talaga kong maisip na may motibo sa pangyayari. Sa tingin ko talaga, baka may nag-away or nagkagulo lang sa lugar or napadaan dun sa lugar namin. Siguro lang, kahit naman saan sitwasyon, mag-iingat na lang talaga."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN