Nagbabalik sa telebisyon ang tinaguriang "Sabado Nights Girl" na si Ina Raymundo. May guest role si Ina sa bagong primetime series ng GMA-7 na All About Eve bilang si Lissa, ang unang asawa ni Richard Gomez at ina ni Iza Calzado.
Sinabi ni Ina sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na natutuwa siya na kahit guest role ay nabigyan siya ng pagkakataon ng GMA-7 na mapasali sa isang malaking TV project. Nalula raw si Ina sa cast dahil puro malalaking artista, at ang iba sa kanila ay nakasama na niya noong active pa siya sa showbiz.
"Nakakatuwa kasi natatandaan ko noon sina Sunshine Dizon at Mark Anthony Fernandez, mga bagets pa sila noon. Ngayon, nagbibida na sila. Si Alfred Vargas naman, nakasama ko pa siya before sa Pangako Sa 'Yo with Jean Garcia and Eula Valdes sa ABS-CBN. Si Keempee [de Leon] naman, siya ang leading man ko noon sa isang movie ko na Cuadro de Jack.
"And, of course, si Richard Gomez, nagge-guest ako noon sa sitcom na Palibhasa Lalake. Never ko pa siyang nakasama sa movie. Pero dito sa All About Eve, ang unang taping day ko pa naman, e, kissing scene agad with Goma kaya kinabahan ako. At the same time, kinilig pa ako," sabi ni Ina sa presscon ng All About Eve last Tuesday, March 3.
ANG TANGING "INA." Tahimik at masaya ang family life ni Ina kasama ang kanyang Ukrainian-Canadian husband na si Bryan Poturnak. Tatlo na ngayon ang anak nila—sina Erika, 7; Jacob, 5; at Mikaela, 8-month-old.
Sinabi ni Ina na na-enjoy niya ang quiet family life kaya nag-enjoy rin daw siyang magbuntis.
"Mabait kasi ang asawa ko at talagang inaalagaan niya kaming lahat," sabi ni Ina. "Kahit na in and out of the country siya because of his job, nami-miss niya kami parati at kung puwede lang parati ay kasama niya kami kapag umaalis siya.
"Ang maganda sa pagsasama namin as husband and wife, hindi nawawala ang excitement. Kumbaga, lagi niya akong nililigawan and he surprises me with so many things. Kaya enjoy ako sa family namin and we have great kids. Pero tama na ang three kids. Hanggang doon na lang ang pinag-usapan namin. Baka malosyang ako sa kapanganganak, di ba?" tawa pa niya.
Ang huling TV show ni Ina ay ang Rounin sa ABS-CBN. Pero nakapag-guest pa siya noon sa Love To Love Season 10 ng GMA-7, kung saan bida pa noon sina Marky Cielo at Jackie Rice.
Pinagpaalam pa raw ni Ina sa kanyang asawa ang pagkuha sa kanya na lumabas sa All About Eve.
"Lahat naman ng i-offer sa akin kailangan may approval ng husband ko. Lalo na noong malaman ko na may kissing scene kami ni Goma, pinagpaalam ko 'yon. Pinayagan naman ako ni Bryan kasi one taping day lang naman ako. Pero mapapanood ako sa buong pilot week ng All About Eve.
"Okay lang kay Bryan kasi alam niyang nami-miss ko rin ang showbiz. Sa totoo lang, feeling ko, kinakalawang na ako kasi matagal akong hindi nakaarte sa TV at pelikula. Pero naka-adjust naman ako agad kaya naging maayos ang taping ko."
"MAY ASIM PA." Tamang-tama ang pagbabalik ni Ina dahil ine-air ngayon ang TV commercial niya para sa isang brand ng vinegar, kung saan kasama niya sina Carmi Martin at Eula Valdes.
"Nakakaaliw ang commercial na 'yon, kasi nga raw may asim pa kami nila Carmi at Eula. Ang mga anak ko, natatawa sila kapag napapanood nila ang commercial. Lalo na yung nangangasim ang mukha namin, tawa sila nang tawa!" masayang kuwento ni Ina.
RE-INTRODUCING INA. Sa mga hindi nakakakilala kay Ina Raymundo, isa siya sa mga matatawag na sex symbols noong mid-'90s dahil sa popularity ng kanyang San Miguel Beer commercial na "Sabado Nights." Dahil sa sobrang sikat ng commercial na 'yon, kung saan nakasama niya si Paolo Abrera, si Ina ang kauna-unahang San Miguel Beer girl na nagkaroon ng two versions ng naturang commercial.
Nagsimula bilang commercial and print ad model si Ina hanggang sa pasukin na niya ang showbiz nang full time.
Ang unang pelikula ni Ina ay ang The Untold Story: Vizconde Massacre 2, kung saan bida si Vina Morales. Noong maging contract star na si Ina ng Viva Films, sunud-sunod ang mga pelikulang ginawa niya tulad ng Cuadro de Jack, Bikini Watch, Sobra-Sobra Labis-Labis, Bridesmaids, Lihim, The Onyok Velasco Story, at Sabado Nights (The Movie).
Naging favorite leading lady rin si Ina ng mga malalaking action stars noon tulad ni Bong Revilla sa SPO4 Santiago; Joko Diaz in Masamang Damo; Phillip Salvador in Berdugo, Huwag Mo Akong Subukan and Kaaway Hanggang Hukay; Ian Veneracion in Bastardo; Ronnie Ricketts in Boy Buluran; Zoren Legaspi in Markado; and the late Ace Vergel in Abel Villarama: Armado.
Nakatambal din ni Ina ang yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. sa dalawang pelikula: Eseng ng Tondo at Ang Alamat ng Lawin.
Sa TV naman, unang naging regular cast member si Ina sa Abangan Ang Susunod Na Kabanata na nasundan ng Onli In Da Pilipins sa ABS-CBN. Si Ina rin ang natatanging sexy actress noon na nabigyan ng slot sa Star Drama Theater...Presents Ina. Gumanap naman siya bilang Edelweiss Guttenberg sa Pangako Sa 'Yo. Sa GMA-7 naman ay naging regular si Ina sa mini-series na L at sa sitcom na Kiss Muna.
Pero ginulat ni Ina ang marami nang pumayag siyang magkaroon ng frontal nudity sa mga pelikulang Burlesk Queen Ngayon at Madame X. Pero bumawi naman siya sa critically-acclaimed Jeffrey Jeturian film na Tuhog, kung saan nanalo siya bilang Best Actress sa 2001 Star Awards at na-nominate siya as Best Actress din sa Gawad Urian.
COLORFUL SHOWBIZ CAREER. Para kay Ina, naging makulay ang kanyang showbiz career at hindi raw niya ito makakalimutan. Babalik at babalik pa rin daw siya kapag kinailangan siya ulit.
Aniya, "Noong napagdesisyunan ko nang mag-asawa noon, akala ko hindi na ako babalik sa showbiz. Kasi nga, akala ko sa ibang bansa na kami titira ni Bryan to start our family. Never naman ako nag-goodbye, e. Basta na lang nawala ako.
"Pero dito pa rin kami sa Pilipinas bumalik at tumira. Every now and then, may mga gustong kumuha sa akin. Pero mas priority ko noon ang pamilya ko kasi nagsisimula pa lang kami. Ngayon, puwede na kahit paunti-unti.
"Gusto kong malaman ng mga anak ko na ang mommy nila ay isang artista at mukha pa rin artista up to now, even if I am a mother of three. I still want to look good. Sabi nga ng mister ko, e, 'hot mama' pa rin daw ako.
"Bryan knows how much I love my job as a celebrity noon, pero mas pinili ko siya at ang pamilya namin. Kaya siguro pinapayagan niya ako na mag-showbiz ulit kasi alam niyang kaya kong balansehin ang family at trabaho. Pero above all, mas mauuna pa rin ang pamilya ko," pagtatapos ni Ina.
