Lorna Tolentino returns to work via new teleserye and guest appearance in May Bukas Pa

"If working is moving on, siguro, oo, nagmu-move on ako. But then, hindi mo naman makakalimutan yung mga nangyari sa 'yo. Iisipin at iisipin mo na kailangan mong mabuhay habang may buhay ka. Pero siyempre, nami-miss ko pa rin madalas yung pagsasama namin ni Rudy," says actress Lorna Tolentino.


Sa pagbalik ng multi-awarded actress na si Lorna Tolentino sa Kapamilya network, isang soap opera ang sisimulan niyang gawin at may special appearance din siya sa top-rating drama series—ayon sa national ratings survey ng TNS—ng ABS-CBN na May Bukas Pa.

Binisita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang taping ni Lorna sa May Bukas Pa. Dito ay nagpahayag siya ng excitement sa role na gagampanan niya.

"I'm happy and excited na maging parte ng May Bukas Pa. Number one teleserye ito at saka talagang maraming nanonood dahil maraming aral ang napupulot at natututuhan. Personaly, pinapanood ko ang May Bukas Pa. Maganda siya, kasi bawat guest, mayroon siyang iba't ibang aral, iba't ibang istorya ng buhay na ipinapakita.

"Bale ang role ko dito is mayroon akong anak na hinahanap na seven years old. Pitong taon na siyang nawawala at pitong taon na rin kaming hanap nang hanap. Hanggang may makapagbigay ng lead sa amin na nandirito yung anak namin sa Bagong Pag-asa. Dito dinala ng family driver na tumakas sa anak ko, hanggang sa tatlong bata ang nakita namin. Si Santino, wala siya sa listahan ng DSWD, pero alam nilang hinahanap ni Santino yung nanay niya. Nagpa-DNA test kami, naging positive. Pero siyempre, may twist pa 'yan, so abangan nila," lahad ni Lorna.

Ibinhagi rin ni LT ang aral na matututuhan sa role na ginagampanan niya.

"Huwag na huwag kang mawawalan ng pag-asa, huwag kang susuko. Yung faith na kung anuman ang trials and tragedies na nangayayari sa buhay, kailangang maging matatag dahil sa anumang pagsubok, mayroong pag-asa."

May koneksiyon ba ito sa sitwasyong kinahaharap niya ngayon, kung saan nawalan din siya ng mahal sa buhay sa katauhan ng asawang si Rudy Fernandez?

"Hindi ko naman kinukuha based on my own experience, but based dun sa character sa kung ano ang pinagdaraanan niya. Nahahawig in the sense na hindi dahil nawalan ka ng anak, but in the sense na may hinahanap-hanap ka na gusto mong makita o makasama uli. So, nakaka-relate ka nang kaunti. Pero siyempre, iba pa rin yung characterization," paliwanag ng aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

STILL MOURNING. Hindi naman inililihim ni Lorna na may gabi pa ring iniiyakan niya ang pagkawala ni Rudy. Pero alam niyang sa kabila nito ay kailangan niyang mag-move on at harapin ang buhay na wala na ito sa kanya.

"If working is moving on, siguro, oo, nagmu-move on ako," sabi niya. "But then, hindi mo naman makakalimutan yung mga nangyari sa 'yo. Iisipin at iisipin mo na kailangan mong mabuhay habang may buhay ka. Pero siyempre, nami-miss ko pa rin madalas yung pagsasama namin ni Rudy.

"Oo naman, madalas pa rin akong umiiyak. Parte yun. Lahat siguro na may loss sa puso nila, nandun na yun, hindi na mawawala yun. So, yung pagtanggap mo na lang kung paano ka mabubuhay. How to move on and live a life na alam mong gift ito ng Panginoon sa iyo."

Itinuturing pa ring isa sa pinakamagandang mukha sa showbiz, marami ang nagtatanong, bukas pa kaya si Lorna na umibig uli at pumasok sa panibagong pakikipagrelasyon?

"Malay naman natin," sagot ng aktres. "Kahit si Rudy, sinabi naman sa akin na darating yung time na yun. Binilin niya lang sa akin na huwag daw kasing-edad ng mga anak namin."

SOAP WITH GABBY. Sa May 12 ay sisimulan na ring gawin ni Lorna ang teleseryeng Dahil May Isang Ikaw. Makakasama niya rito sina Gabby Concepcion, John Estrada, Jericho Rosales, Kristine Hermosa, Karylle, Chin Chin Gutierrez, at Sid Lucero.

"Nag-enjoy kami sa pictorial and test shot namin nung isang araw. May 1980s, 1990s, and then yung present nga. May mga changes yung looks namin. I hope abangan at suportahan nila dahil maganda yung soap namin," pagtatapos ni Lorna.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN