Korina Sanchez takes one-year leave to help Mar Roxas in his presidential bid

"Alam n'yo, dalawampung taon na ako dito. Pero sa tingin ko ay panahon na din para magbigay at mag-alok ako ng konting panahon para sa aking personal na buhay. Kasi kapag wala na akong ngipin at saka hindi na ako makalakad ay hindi naman kayo ang kasama ko kung hindi siya [Mar]. So, kailangan may puhunan sa relasyon na 'yan," says veteran broadcaster Korina Sanchez about her decision to help Senator Mar Roxas in his presidentail bid.


Pormal nang nagpaalam kaninang umaga, May 8, si Korina Sanchez sa kanyang dzMM radio morning program na Tambalang Failon at Sanchez, upang mag-leave ng isang taon sa kanyang mga news program sa ABS-CBN at DZMM.

Bukod sa kanyang radio program, magli-leave din si Korina sa kanyang panggabing news program sa ABS-CBN na Bandila. Kaya huling gabi niya na rin mamaya sa late-night news program.

Gayunpaman, ayon sa report, patuloy pa ring magho-host si Korina sa kanyang weekly ABS-CBN magazine show na Rated K, na napapanood tuwing Linggo ng gabi, dahil lifestyle show naman daw ito.

Ang pamamaalam ni Korina ay bunga na rin ng gagawin niyang pagsuporta sa kandidatura ng kanyang fiancé na si Senator Mar Roxas, na tatakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas sa 2010 elections. All- out ang support ni Korina kay Sen. Mar matapos nilang kumpiramahing dalawa ang kanilang engangement sa ABS-CBN noontime show na Wowowee last April 18.

Sa nakuhang impormasyon ng PEP, dahil sa pagli-leave na ito ni Korina, mawawala na sa ere ang programang Tambalang Failon at Sanchez sa dzMM, na napapakinggan tuwing 8:30 a.m. hanggang 10:30 a.m. araw-araw. Bukod kasi sa pagli-leave ni Korina, hanggang ngayon ay naka-leave pa rin ang co-anchor niya sa programa na si Ted Failon, matapos ang misteryosong pagkamatay ng kanyang asawang si Trina Etong.

Ang mangyayari tuloy sa programming ng dzMM simula sa Lunes, May 11, ay mae-extend ng isang oras ang Dos Por Dos nina Gerry Baja at Anthony Taberna. From 7:30 a.m. to 8:30 a.m. ay magiging 7:30 a.m. to 9:30 a.m. na ito. Ang mababakanteng isang oras ay papasukan naman ng bagong programa nina Pinky Webb at Ricky Carandang.

Mawawala naman ang panghapong edisyon ng Dos Por Dos, 5:30 p.m. to 6:30 p.m., at papalitan ito ng bagong programa ni Cheryl Cosim. Mapapanood din ang mga bagong programang ito sa DZMM Teleradyo sa Skycable Channel 26.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

FAREWELL MESSAGE. Sa kanyang farewell message sa DZMM, sinabi ni Korina na mami-miss niya ang kanyang mga programa, pati na rin ang kanyang mga tagapakinig sa radyo at tagapanood sa telebisyon.

"Sa dinami-dami ng natutunan ko sa aking buhay, may nagsasara ng pinto pero mas madami ang bumubukas. I'm not sad that I'm leaving. Well, it's a leave dahil alam ko naman na nasa ibang level na tayo, na kahit hindi tayo magkikita araw-araw ay hindi tayo mapaghihiwalay ng espasyo, distansiya o panahon," pahayag ni Korina.

Hindi raw akalain ni Korina darating ang araw na magpapaalam siya sa kanyang nakagawiang pagtatrabaho, pagbabalita, at pagkokomentaryo sa radyo at telebisyon. Pansamantala lang naman daw ito. Ang mahalaga raw ay nakapagbigay siya ng serbisyo sa publiko sa loob ng 20 taon niya sa industriya.

"Nasanay na ako na sa bawat pagtatapos o pagkakaantala ay dapat na may kasunod na nangyari, ayon sa nakasulat sa ating tadhana. Kaya kung 'yong serbisyo publiko, naibigay ko po sa lahat ng ating mga tagapakinig sa dzMM at tagapanood sa Teleradyo ay nakabigay ng pagkakaiba at kabutihan sa kanilang buhay, sa kanilang kaalamam sa kasiyahan. 'Yon na po ang kapalit ng 20 taong paggising namin nang maaga sa radyo.

"Ito po talaga ang aking pamilya, at dito po, sa palagay ko, sa radyo ako nagkaroon ng behikulo para magbigay ng totoong serbisyo. Totoong pagbabago sa mga tao, at ito ang aking naging behikulo para masabi ko ang mga hindi masabi ng iba," wika pa ni Korina.

FUTURE MRS. ROXAS. Ayon kay Korina, matapos ang 20 taon ng serbisyo-publiko, gusto naman niyang bigyan ng panahon ang kanyang personal na buhay; pati na rin ang relasyon nila ni Sen. Mar.

"Alam n'yo, dalawampung taon na ako dito. Pero sa tingin ko ay panahon na din para magbigay at mag-alok ako ng konting panahon para sa aking personal na buhay. Kasi kapag wala na akong ngipin at saka hindi na ako makalakad ay hindi naman kayo ang kasama ko kung hindi siya [Mar]. So, kailangan may puhunan sa relasyon na 'yan," sabi ni Korina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung tungkol naman daw sa kasal ang pag-uusapan, ito naman ang naging pahayag ng veteran broadcaster: "Wala pang mga detalye, kaya nga ako magli-leave para maasikaso ko ang mga 'yan."

Isa lang daw ang sigurado sa ngayon: sa simbahan sila ikakasal.

Matatandaang naiyak pa si Sen. Roxas sa Wowowee last April 18, nang ipahayag nila ni Korina ang kanilang pagmamahal sa isa't isa at i-announce sa publiko ang kanilang engagement.

"Siya yung nagpatigil sa pagkabinata ko," bulalas ni Sen. Roxas kay Willie Revillame, host ng Wowowee.

Ayon naman kay Korina, na suot ang kanyang engagement ring, hindi niya akalain na mami-meet niya ang lalaking magpapaibig sa kanya.

"Kala ko kasi, hindi na ito darating sa buhay ko, e. Gusto ko lang sabihin kay Mar na, kahapon, ngayon, at bukas, iyong-iyo ako," ani Korina.

Inilarawan din ni Sen. Roxas kay Willie kung paano siya nag-propose kay Korina last February.

"Siyempre magkatabi kami, kami lang, nagho-holding hands, at sinabi ko naman sa kanya na, 'Honey, alam mo naman siguro na tayo na nga talaga ito, kaya I want to formally ask your hand in marriage,'" naluluhang wika pa ni Sen. Roxas, na pinunasan naman ni Korina ang luha ng kanyang daliri.

Bago pa ang official announcement ng sikat na celebrity couple sa Wowowee, isinasama na rin ni Sen. Roxas si Korina sa iba't ibang family engagements. Tulad na lang noong April 15, kung kailan nagtipun-tipon ang Roxas clan para bigyang-pugay ang 61st death anniversary ni dating Pangulong Manuel Roxas, lolo ng Senator.

Kamakailan ay naisama na rin ni Sen. Roxas si Korina sa kanilang family reunion with the Aranetas sa Bacolod, kung saan karamihan sa mga dumalo ay galing sa angkan ng mahal na ina ni Sen. Roxas.

Hayagan ding kinontra ni Korina ang pagbatikos at paninira ng iba tungkol sa mga umano'y gimik nila ng senador para sa kandidatura nito. Binira rin ni Korina ang mga komentong nagpapagamit lang daw siya kay Sen. Roxas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, hindi siya tanga o estupido para magpagamit sa kahit na sinong tao. Sigurado raw si Korina sa kanyang pagmamahal para kay Sen. Mar Roxas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN