Baron Geisler optimistic about future of Pinoy indie films

"Sobrang excited ako dahil lumalaki na at tinatanggap na ng mga tao ang indie film. Nae-excite po ako sa mga baguhan na nag-i-inspire na maging isang magaling na direktor o kaya ay mga artista na hindi nabibigyan ng break sa TV ay mabibigyan po sila ng break sa indie," says Baron Geisler.


Malaki ang kagalakan at pasasalamat ni Baron Geisler sa paglaganap ng indie films ngayon sa bansa. Naniniwala ang aktor na positibo ang epekto nito sa movie industry.

Pero sa kabilang banda, inamin din niya na kahit singko ay wala siyang natanggap na bayad sa pelikulang Jay. Bagkus ay abonado pa siya sa paggawa ng naturang pelikula.

"Hindi ako binayaran for Jay, wala ni isang sentimo, wala," pahayag ni Baron sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Martes, May 12, sa Grams restaurant ng ELJ Building sa ABS-CBN.

Dagdag niya, "Parang inisip ko na rin, marami rin kasi kaming mga utang din, e, associate producer ako ng film at naglabas pa nga ho ako ng pera, pero hindi ko na tinitingnan na sana ay makabalik. Kasi, ang bumalik naman sa akin ay ito pong award, tapos yung recognition, yung respeto ng mga tao rito sa industriya. So parang, yun na lang ang tinitingnan ko, e. It's priceless actually."

Sa mga artista, nakatutulong ba ito kahit nagrereklamo ang ilan na sobrang nababarat na sila?

"Kahit mababa ang bayad, it's worth it po, e. Depende po kung ano 'yong project. Ako naman po kasi, kapag hindi indie films, iba pa rin ang bayad. Like, I have two movie contract with Regal Films, and iba pa rin naman, e.

"So, nakatutulong din sa artista dahil nandoon 'yong freedom mo, 'yong thirst to act and, of course, to do what you want. Kasi, lalo na kung may image ka na pinu-protect, lagi kang nakakahon, and naaawa ako sa mga ganoong klase ng artista. Kasi, hindi nila magawa ang gusto nilang gawin e," aniya pa.

Inamin din ni Baron na nagdalawang-isip siyang tanggapin ang project na Jay.

"Sa pagganap ko bilang bading na writer-producer-director dito, hindi. Nagdalawang-isip ako actually nang kinausap ako ni Direk Maryo na, 'Ano ba ang gusto mong tahakin? Macho-macho bad boy o babaklain mo na lang ang career mo?'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko, 'Direk, trust me.' Nakatulong din yung Jay sa Torotot kahit paano. So, doon din siguro nagkaroon ng respeto sa akin si Direk Maryo na, 'A, marunong pumili itong si Baron.'"

INDIE FILMS. Ang pelikula niyang Jay ay nakatanggap na ng maraming recognition here and abroad. Katunayan, dito sa Pilipinas mismo ay tatlong Best Actor trophies na ang nasungkit ng actor. Kaya naman hindi maiwasan na maging sobrang optimistic niya sa mga pangyayaring ito, pati na ang gumagandang response ng publiko sa indie films.

"Sobrang excited ako dahil lumalaki na at tinatanggap na ng mga tao ang indie film. Nae-excite po ako sa mga baguhan na nag-i-inspire na maging isang magaling na direktor o kaya ay mga artista na hindi nabibigyan ng break sa TV ay mabibigyan po sila ng break sa indie.

"Naniniwala ako, kasi, nakikilala na tayo e. I mean, after Lino Brocka, sino na po ang sumunod sa abroad? Si Direk Lav Diaz, nandiyan din si Francis Pasion, nandiyan si Direk Adolf [Alix]. So, through indie films, mas nakikilala na ulit ang Philippine cinema worldwide. So, that's a big plus for us and an opportunity. Dahil malay mo, one day, maka-penetrate tayo sa Hollywood or sa international. So, I would want to make more independent movies, work with many independent filmmakers.

"I'm so proud of our films like Independencia and yung Manila na nasa Cannes. Naiinggit nga ako sa kanila dahil yun ang pangarap ko, ang makapunta ng Cannes. Pero wala sigurong budget, pero kasama ako sa Manila e, di ba? Yung dating role ni Johnny Delgado ang ginawa ko. Bad ako doon kaya ako nabaril ni Piolo, ako yung unang nabaril," paliwanag pa ni Baron.

CHOOSY ACTOR? Dahil ba sa success ng Jay ay magiging mapili na siya sa mga tatanggaping projects?

"Sa ngayon po kailangan ko munang isipin yung future ko. Of course, pipili pa rin. Kaya lang ay mas mahalaga na may project po ako. Kasi, kung pipili nga ako tapos once a year lang ako makakagawa ng maganda, ano naman ho ang ipakakain ko sa mga tinutulungan ko rin? So, ngayon I'm wiser now."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi pa ni Baron na ang huling indie film na napanood niya ay ang Padyak at nagustuhan niya ang acting dito ni Jay Aquitania, pati na ng tema nito.

Pagdating naman sa mga artistang gusto niyang makatrabaho, sinu-sino ba sila?

"Eddie Garcia," sagot niya. "Si Manoy kasi ay nagagalingan akong sobra sa kanya, e. Napapanood ko 'yong mga film niya dati pa, ang galing niya talaga, e. Si Christopher de Leon, I want to work with him din, hindi ko pa siya nakakatrabaho. Sino pa ba? Ang dami, e.

"Sa babae, si Ate Guy [Nora Aunor], Lorna Tolentino, Maricel Soriano... Sayang lang hindi natuloy, dapat ako ang kasama niya sa T2. Dapat comeback ko yun, kaya lang hindi ako pumuwede nung magsu-shoot na sila, kasi may commitment ako that time, e. Nabayaran na nila yung lugar, they need to shoot na. Kaya si Eric Fructuoso na ang kinuha nila, naka-one day shoot na ako doon sa T2.

"Sayang, pero nanginginig ako noon, e. Ang galing niyang [Maricel] artista, e. Bata pa lang po ako, yung presensiya niya bilang Diamond Star, '80s pa lang, '90s... Wow! Talagang ang galing niya. So, parang ang dami kong kakaining alikabok galing sa kanya, kaya ganoon. Bumackle ako kahit hindi ako yung nagsasabi ng linya, wala sa akin yung camera. Kasi nga, sobra akong kinabahan.

"Ang dream role ko naman, yung action. Yung action na action...parang Forgotten War. I wanna work with the likes of Robin Padilla. Kaso, baka kabahan din ako, idol ko rin kasi yun, e," nakangiting sabi ni Baron.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN