Manny Pacquiao's last fight is slated for October

Manny Pacquiao himself has confirmed plans to vie for a seat in Congress come 2010. "Sa laki ng binigay sa aking biyaya ng mahal na Panginoon, gusto ko namang suklian yun sa pamamagitan ng pagserbisyo sa kapwa ko."


Nilinaw ng boxing champ na si Manny Pacquiao ang binitiwan niyang statement na magre-retire na siya sa boxing kapag naging pulitiko na siya.

"Actually, sabi nga ng mama ko, magretiro [na ako sa boxing]... Dapat hindi na ako lalaban ulit. Sabi ko, puwede pa siguro ako lumaban isang beses," lahad ni Manny, na binigyan ulit ng victory party dito sa Pilipinas ng isa sa mga advisers niya, si former Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson.

Definite na ba ang plano niyang tumakbo sa 2010?

Bahagyang natigilan si Pacman bago sumagot ng, "Sa ngayon, yes."

WILLING TO SERVE. Nang tanungin siya kung sino o ano ang nag-udyok sa kanya para tumakbo, agad na sinabi ng Manny na sarili niyang desisyon ito.

"Alam mo kasi, ako, ayoko sanang guluhin ang buhay ko. Mamasyal-masyal lang kami ng pamilya ko kahit saang lugar. Di ba puwede namang mamasyal? Kaya lang, yung puso ko kasi, gusto ko silang tulungan, mga kababayan ko.

"At sa laki ng ibinigay sa akin na biyaya ng mahal na Panginoon at achievements na nakuha ko, gusto ko, I mean, gusto ko namang suklian yun sa pamamagitan ng laging magpapasalamat sa Panginoon at pagserbisyo sa kapwa ko.

"Siguro matutuwa na ang Panginoon na baka makatulong ako, makapagserbisyo ako sa mga tao. At naisip ko na, siguro, mas malaking bagay kapag na-involve ako sa politics."

Kapag pumasok siya sa pulitika, tiyak daw na magugulo pang lalo ang buhay niya. Gaano siya kahanda dito?

"I mean, magulo naman kung guluhin mo at kung gagawa ka ng masama. Pero sa akin, naniniwala ako na may Panginoon na nasa likod ko lagi na magga-guide sa akin para makatulong ako sa mga kababayan ko. At siguro, hindi naman desisyon ko lang, kundi lagi kong 'dinadasal kung ano ang desisyon ko."

Meron naman daw siyang political advisers, at kabilang na diyan sina ex-Manila Mayor and current Department of National Resources Secretary Lito Atienza at si ex-Governor Singson.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PRESIDENT PACQUIAO? Sa pagkakapanalo ni Pacquiao sa laban niya kay Ricky Hatton at sa plano niyang tumakbo sa 2010, may isinulat sa Time magazine si Lennox Lewis na posible raw na maging presidente si Manny ng Pilipinas.

"Nabasa ko yung sinulat, pero hindi kami nagka-usap. Siguro nasabi niya yun kasi lagi siyang nanonood ng boxing. Yung sa pagiging President, ah, ayaw kong isipin yun."

Ano ang immediate plans niya after his next fight? "Katulad ng sinabi ko, siguro yung makatulong ako sa mga tao, yun lang."

Hindi pa man din siya nananalo ay may mga tumatawag na sa kanya ng congressman. Masarap ba ang pakiramdam?

"Hindi yun, e. Mas masarap tawagin ka na mabuting tao at matulungin," ang mabilis niyang sagot.

Puwede naman daw tumulong kahit wala sa pulitika, gaya ng sinasabi ng TV host na si Willie Revillame. Agree ba siya dito?

"Kaya naman," sagot ni Manny. "Kaya naman, kaya lang mauubos naman ako. Mauubos ang pinagkitaan ko sa boxing. E, para sa pamilya ko yun. Samantalang may pera naman ang mga kababayan natin na mahirap na dapat mapunta sa kanila, e, hindi lang nakakarating.

"Dapat may isang tao na taos-puso na may sinseridad talaga na itulong talaga sa dapat itulong doon sa mga tao. Hindi puwedeng dapat doon sa tao napunta...doon sa isang lider. Ganun kadalasan ang nangyayari."

FACING CHALLENGES. Ano naman ang masasabi niya sa mga hindi pabor sa pagpasok niya sa pulitika?

"Alam mo, naririnig ko yun pero naiintindihan ko sila. Hindi nila naiintindihan ang nararamdaman ko. Siguro kung naranasan nila kung saan ako nanggaling, yung hirap na pinanggalingan ko, mapi-feel din nila ang nararamdaman ko."

Wala pa man siya sa loob ng pulitika ay may tumitira na sa kanya. Tiyak na mas titindi ito kapag sumabak na siya. Kaya ba niyang patumbahin ang mga intriga at paninira?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam mo, kasama yan, e. Hindi puwedeng pupunta ka sa isang daan na maganda, gusto mong abutin ang gusto mong abutin, di puwede yung maabot mo yun na walang mga pagsubok na darating sa buhay mo.

"Ganun din yung sinabi nila na huwag akong lumaban kay De la Hoya [Oscar]. De la Hoya, tingnan mo, malaki. Si Hatton malaki rin, ganyan-ganyan.

"Alam mo, walang imposible kapag naniwala ka sa Panginoon. At huwag mong, huwag kang paapekto sa mga distraction. Kasi yung mga distraction na 'yan, kung magpa-apekto diyan ay hindi ka makakarating doon sa hinahangad mong tagumpay, di ba? Kasi diyan pa lang sa mga pagsubok na 'yan, hindi ka na pumasa, e."

GREATER THAN "THE GREATEST"? Ano naman ang masasabi niya sa sinasabing siya ang greatest living boxer ngayon?

"Masaya ako at masaya tayong mga Pilipino [dahil] dito sa bansa natin galing... 'Saan galing?' 'Pilipino.' 'Ahh, Pilipino.'"

Tinalbugan na nga raw niya si Muhammad Ali, a three-time heavyweight world champion. Ano reaction niya?

"Uhm, ayokong i-compare yung achievement ko sa boxing sa ibang mga boxers. Kasi wala, hindi naman ito pulitika para i-compare, kumbaga, boxing ito. This is sports. We were just doing our job sa ring na mapasaya ang mga tao, ma-entertain silang lahat."

Sinabi ni Atienza na kung siya raw ang masusunod, ayaw daw muna niyang pasukin ni Pacquiao ang pulitika.

"Ah, sa ngayon hindi muna puwedeng pag-usapan ang pulitika kasi nasa boxing pa ako. E, ngayon nanalo pa tayo 'tapos, I mean, gusto ako na ni Mama magretiro, pero sabi ko, isang fight pa, mag-retire ako."

LEARNING FROM EXPERIENCE. Bandang October daw ang susunod at malamang huling laban ni Pacquiao. Right after that, magpa-file na siya ng candidacy niya sa COMELEC (Commission on Elections). But how true na natalo siya ng mahigit P100 million nung huling tumakbo siya sa General Santos nung eleksyon ng 2007?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Like what I've said, I learned a lot from that experience."

Baka raw maubos ang kinita niya sa boxing sa pagtakbo niya ulit next year?

"E, nandiyan naman ang asawa ko. Pagkatapos ng fight ko, nandun agad. Intrega agad. Alam mo, siyempre, ganun sa amin. Sa mga Bisaya, di ba? Yung kita ng lalaki, binibigay agad sa misis nila."

SHOWBIZ COMMITMENTS. Samantala, tuluy-tuloy pa rin daw ang mga shows niya sa GMA-7. "Nagsu-shooting pa rin ako ng Totoy Bato. Galing din ako sa taping ng Pinoy Records. May eksena pa ako na gagawin sa Totoy Bato. Yung next na laban ko, sa GMA-7 pa rin."

What about movies? May gagawin ba siyang pelikula? With whom? "Ako kahit na meron o wala, okey lang sa akin. Hindi ko iniisip leading lady. Iniisip ko kung magampanan ko nang maganda ang role ko at mabigyan ng kasiyahan ang mga tao."

Kumusta na sila ng natsismis sa kanya na si Ara Mina na nagbalik GMA-7 na rin? "Ano ba yan?" natatawang sagot ni Manny. "No comment."

Masyado na raw matagal ang intrigang iyon para pag-usapan."Bago naman!" ang huling nasambit ni Manny.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN