Pokwang has contract with Star Cinema, but Viva wants to produce her launching movie

The red-hot funnywoman's showbiz career is zooming, but her lovelife remains zero. "Ayoko namang magkaroon lang ng lovelife para sumaya. Count ko na lang ang blessings ko... Hindi kailangang maghanap pa ng kung anong wala," says the inimitable Pokey.


Hindi atat si Pokwang na magkaroon ng launching movie. Ipinaalam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Pokey ang balak sana ng Viva Films na ilunsad ang komedyana sa isang pelikulang ipo-produce nito. Ang materyal na ito ay gustong pamahalaan ni Direk Wenn Deramas, pero may mga bagay na nakakapigil para maisakatuparan ito.

Nakapirma kasi ng exclusive contract si Pokey sa Star Cinema Productions. Ayon kay Direk Wenn, "Hindi pumayag si Malou Santos (top executive ng Star Cinema) na sa Viva ko gawin ang launching movie ni Pokey."

Gusto ng Star Cinema na sa produksiyon na nila gawin ang nabanggit na pelikula, pero ang materyal ay pag-aari raw ng Viva at hindi puwedeng maisakatuparan sa ibang produksiyon. Nagtataka lang kami dahil puwede namang mag-co-produce ang dalawang produksiyon gaya ng dati nilang ginagawa, pero ang gusto raw ay masolo ng bawat isa ang launching pic ni Pokey, kung sakali.

Ganito na ba ka-hot si Pokey?

"Ay, hindi ko naman alam kung may offer ngang ganyan! Wala naman," biglang nasambit ni Pokey nang kapanayamin ito ng PEP sa grand opening ng Salon de Poohkwang, na negosyong pinagsososyohan nila ng kaibigang si Pooh.

Patuloy pa niya, "Kung ganoon nga ang nasabi ni Direk, hindi ko rin alam. Hindi rin ako ganoon kaatat na magdala agad ng pelikula. Panahon na lang ang makapagsasabi, kasi kung nariyan na yan at matutuloy, ibig sabihin, meant to be yun.

"Nagpapasalamat naman ako sa Viva dahil nakapagtrabaho na ako sa kanila sa Apat Dapat, Dapat Apat, with Rufa Mae Quinto, at maganda ang experience ko sa kanila. Pero, hindi ko rin alam kung ano ba ang plano ng Star Cinema dahil nakakontrata talaga ako sa kanila, at hindi ko magagawang gumawa sa labas kung hindi nila ako papayagan."

BUSINESS AND FRIENDSHIP. Iniintriga naman sila ni Pooh ngayon, na kesyo ito na ang simula ng pagkasira ng friendship nila. Kasi nga'y magkasosyo na sila sa isang negosyo at maaring mangyaring pag-awayan nila ang tungkol sa kikitain nito. Sa pera, sa madaling sabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Buo ang tiwala namin sa isa't isa ni Pooh," sabi ni Pokey. "Walang dahilan para pag-awayan namin ang pera. Kasi, sa tingin ko, sa mga taong nag-aaway sa pera, mga dupang lang talaga sila.

"Basta, ang negosyo namin, all accounted for ang kaliit-liitang barya. Napagkasunduan namin ni Pooh na everything should be in black and white. Gusto lang talaga naming makapagpundar ng negosyo at ang samahan namin ay hindi namin isasakripisyo nang ganoon lang dahil sa pagkagahaman sa pera."

ZERO LOVELIFE. Hindi buo ang tagumpay ni Pokwang dahil nga sa zero raw ang lovelife niya.

"Pero, ayoko namang magkaroon lang ng lovelife para sumaya," sabi ng komedyante. "Nagka-lovelife na ako noon, pero hindi naging maganda ang experience ko. Hindi ko na lang hinahanap. Kung may darating, okey lang. Hindi ko sinasara ang pinto ko.

"Dapat lang siguro na, kung wala, mag-focus ako sa ibang bagay. Maganda naman ang career ko. Count ko na lang ang blessings ko. Gumanda ang takbo ng lahat mula nang mapunta ako sa Wowowee, tapos ngayon, kasama ako sa regular cast ng Banana Split."

Pagtatapos ng mahusay na komedyante: "Enough na yun para magpaka-busy ako, at hindi kailangang maghanap pa ng kung anong wala."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN