Dingdong Dantes muddles the issue of his tattoo

"Kanya-kanyang interpretasyon, e. Yung tattoo, minsan nakikita ko, minsan hindi, e. Pero tuwing nakikita ko, may iba't ibang sinasabi sa akin, e. May araw sinasabi sa aking... 'May Ginto Dito,'" says Dingdong Dantes about his "tattoo."


Sa victory party ni Manny Pacquiao noong Biyernes, May 22, sa Renaissance Hotel, isa sa mga dumalo ay si Dingdong Dantes. Sa kabila ng malakas na pagtugtog ng banda, nagpaunlak si Dingdong ng maikling panayam sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Isa sa maraming humahanga sa Pambansang Kamao si Dingdong. In fact, nagba-boxing nga rin daw siya noon for physical fitness.

Aniya, "Noon yun. Before the injury. Then after the injury, I have to rest my hand for a while. So..."

Matatandaang nagkaroon ng injury sa kamay si Dingdong last year nung aksidente nitong nalakasan ang pagsuntok sa isang puno habang nagte-taping siya noon ng isang eksena para sa teleseryeng Dyesebel. Bukod sa sugat sa kamao ay kinailangang i-cast ang kanang kamay ni Dong dahil sa mga nabaling buto.

Hanggang ngayon ay inaalalayan pa rin ni Dingdong ang kamay niyang ito kahit wala na itong cast. Para tuluy-tuloy na nga naman ang paggaling nito.

Isinunod na ng PEP ang pagkumusta sa kung ano ang latest sa kanya ngayon.

"Wala, pahinga lang. Saka itong Kimmy Dora with Eugene Domingo," balita ng Kapuso hunk. Hindi pa raw sila nagsisimula ng shooting, pero ang pagkakaalam niya ay kasama rin sa movie si Piolo Pascual.

Tanong naman ng PEP sa kanya, pag-aagawan ba nila sa pelikulang ito si Eugene?

"Parang gano'n. Oo. Comedy siya."

As in straight comedy at walang drama?

"Siyempre, lahat naman ng comedy, may konting drama 'yan. Basta mas marami ang nakakatawang pangyayari't kaganapan," nakangiting sabi ng aktor.

Nakalinya nang gagawin ni Dingdong ang Filipino remake ng Korean hit drama na Stairway To Heaven. Gagampanan niya ang papel na Cholo (originally played by Korean actor Kwon Song Woo), habang hindi pa alam kung sino ang kanyang magiging leading lady.

Pero sigurado na raw na hindi na muna sila ipagpapareha ng ka-love team niyang si Marian Rivera. Sa tingin niya, makakaramdam ba siya ng paninibago sa hindi niya pagkaka-pair kay Marian para sa isang teleserye?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre, malaking paninibago para sa akin yun. But we have to accept na, at this point, we have to take different paths. Pero naniniwala naman ako na magkakaroon pa kami ng projects in the future. Basta sa ngayon, pagbutihin na lang natin ang mga nangyayari ngayon," katwiran ni Dingdong.

THE TATTOO. Kamakailan ay nabalitang nagpa-tattoo raw siya. Alibata (alpabeto ng sinaunang Pilipino) raw ang sabi ni Dingdong sa mga nakakita ng tattoo niya. (Click here to read related article).

"Hindi, wala akong sinasabing Alibata siya. Wala akong sinasabing gano'n," tanggi niya.

Kung hindi niya sinabi 'yon, kanino nanggaling ang deskripsyon na Alibata nga ang tattoo niya?

"Hindi ko alam. Basta wala akong sinasabing gano'n," paglilinaw pa ni Dong.

Pero ayon sa mga nakakita, "MGD" raw ang tila basa sa tattoo niya. Ano nga ba ang ibig sabihin ng MGD na 'yon?

"Kanya-kanyang interpretasyon, e. Yung tattoo, minsan nakikita ko, minsan hindi, e. Pero tuwing nakikita ko, may iba't ibang sinasabi sa akin, e. May araw sinasabi sa aking...aaah...'May Ginto Dito.'"

Yun na nga ba talaga ang ibig sabihin niyon?

"Depende. Paiba-iba. Tuwing linggo-linggo, nag-iiba ang meaning. Minsan hindi ko makita, minsan nakikita ko. Ganun-gano'n," pagdadahilan pa ni Dingdong.

Pero nang tanungin ng PEP kung para kanino ba ang pagpapa-tattoo niyang 'yon, nag-iba ng statement ang Kapuso hunk.

"Wala naman akong sinabing nagpa-tattoo ako, e," ani Dingdong.

Paalala sa kanya ng PEP, may lumabas kasing balita na nagpa-tattoo nga siya at may nakakita pa.

"E, yun nga, minsan may nakikita ako, minsan wala. Maybe it's all just my imagination. Ha-ha-ha! Okey na yun. 'Wag na nating pag-usapan yun," pagtatapos na lang ni Dingdong na ikinalito ng PEP.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN