Coco Martin says no big deal for Direk Dante that he didn't get hero's welcome for Cannes award

The Kinatay cast and crew had a party recently to celebrate their director's Cannes coup. Despite the win, Coco Martin (above) says Brillante Mendoza remains unchanged. "Normal lang ang takbo ng isip niya. Realistic pa rin siya. Walang ilusyon si Direk Dante na ang susunod na gagawin niya ay international movie na, sa abroad na gagawin, foreign producers at kung anu-ano pa. Basta, masaya lang siya sa munting achievement na ito," the film's lead actor s


Idinipensa ni Coco Martin ang direktor na si Brillante Ma. Mendoza, kinilala kamakailan sa prestihiyosong Cannes Film Festival, para sa pelikulang Kinatay. Hindi nga kasi ito binigyan ng hero's welcome at mismo ang gobyerno'y binalewala ang achievement na ito na maitatala na kauna-unahan sa larangan ng international filmfest circuit.

"Wala rin naman para sa kanya yun, kung ma-appreciate o hindi ng iba ang mga nagawa niya," sabi pa ni Coco tungkol kay Direk Dante. "Ang focus lang naman ni Direk Dante, maipakita niya yung kuwento niya. Yung paniniwala niyang ang katotohanan ang ipinapakita niya at hindi lang basta pelikulang may kuwento.

"Hindi big deal sa kanya kung mayroon o walang hero's welcome. Masaya siya. Sino ba ang hindi sasaya sa ganoong klase ng recognition? Kahit ano pa ang sabihin ng mga kapuwa niya Pinoy, the fact remains na hindi biro ang nagawa niya sa pananalo ng Best Director sa Cannes filmfest," ani Coco.

Noong isang gabi ay nagkita-kita sila at nag-party para sa tagumpay sa Cannes.

"Nagsaya lang kami, pero walang nabago. Ganoon pa rin si Direk Dante. Hindi pumapasok sa isip niya yung mga ganyan, na kailangan niyang sumikat sa paggawa ng pelikula at maipalabas ang mga ito sa filmfests abroad. Basta gusto lang niyang gumawa ng pelikula.

"Normal lang ang takbo ng isip niya. Realistic pa rin siya. Walang ilusyon si Direk Dante na ang susunod na gagawin niya ay international movie na, sa abroad na gagawin, foreign producers at kung anu-ano pa. Sa totoo lang, hindi ganoon mag-isip si Direk. Basta, masaya lang siya sa munting achievement na ito," diniin pa ng aktor.

GREAT RECEPTION. Kahit ano pa ang sinasabi ng marami tungkol sa Kinatay, nang mai-premiere ito sa Cannes, alam agad ni Coco na naging maganda ang pagtanggap ng mas marami rito.

"Nauunahan lang tayo rito ng mga negang balita," sabi pa ni Coco. "Siyempre, naka-focus ang iba sa negative criticisms sa pelikula. Ganoon naman sa international filmfests, hindi lahat ng critics, magkakagusto sa trabaho mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May something doon sa mahigpit na pagyakap ng maraming tao roon, hindi lang ng mga kapuwa natin Pinoy. Ako mismo na artista sa pelikula, noong pinapanood ko ang movie, natatakot pa ako, affected ako. Not for anything else, iba talaga ang dating ng pelikula, at makakapagsalita ka lang naman kapag napanood mo na."

Noong kino-conceptualize nga ang Kinatay, pagkatapos ng Serbis, nanibago si Coco dahil parang napakasimple raw ng istorya ng kanilang isusunod na entry sa Cannes.

"Common ang istorya, tungkol sa mga pulis, may na-salvage, may pinatay na babae, ganoon lang siya kasimple. Wala namang big deal, kasi, marami nang chop-chop at massacre movies na napanood ng mga tao, pero may nakita roon ang foreign jurors and some critics na rin na very original, maybe sa treatment at sa execution.

"Yun pala talaga ang gustong effect ni Direk, na ma-shock ang mga manonood. Na-achieve naman yun, at na-appreciate ng jurors. Kami mismong mga artista sa pelikula, hindi na makatingin.

"Yung mga hindi nagkagusto sa pelikula, yung mga taong ayaw talaga ng violence. Yun kasi ang tema, yung violence mismo. Unfair na idya-judge ang pelikula dahil violent lang ang mga eksena. Karamihan kasi, gusto nila feel good, yung masama, hindi naman yata ganoon ang paggawa ng pelikula," nasabi na lang ni Coco sa pagtatanggol sa Kinatay.

FROM INDIE TO MAINSTREAM. Kahit nga tinaguriang Prince of Indie Films si Coco, nasa mainstream TV na siya't gumagawa ng ingay dahil sa performance niya sa Tayong Dalawa. Nakakontrata na si Coco sa Star Magic at ang co-manager niya ay si Biboy Arboleda.

"It feels good dahil dala ko yung prestige ng pagiging indie film actor sa pagtatrabaho ko sa TV," aniya. "Nararamdaman kong naa-appreciate naman nila ang nagagawa ko bilang artista, kahit sinasabing kokonti lang ang nakakapanood ng indie films.

"Sa palagay ko, basta ayusin lang ang paggawa ng indie films, kahit hindi yung tuluyang ma-appreciate sa ating bansa, the fact na may nararating tayo sa ibang bansa at mas malawak na market na ang nakaka-recognize.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At sa TV naman, yung fulfillment sa akin, yung nakikilala na ako ng mas marami. Kung ano ang ideyalismo sa indies, naipapasok ko yung paniniwala ko sa pagbibigay-buhay ng character, gaya sa Tayong Dalawa," pagwawakas ni Coco.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN