Charisse Solomon has found her niche in comedy

"Gusto ko lang talaga yung makakaipon ako nang bonggang-bongga. Yung mailalagay ko yung family ko sa stable na condition at saka hindi lang ako mawawalan ng trabaho, okey na ako. Kahit ano pa yung role ko, kahit batukan pa 'yan, kahit buhus-buhusan ng tubig, okey lang sa akin basta may trabaho," says Charisse Solomon.


One of the busiest StarStruck Avengers si Charisse Solomon. Hindi man siya ang lead sa mga show o mga pelikulang ginagawa niya, napapansin naman siya madalas dahil sa husay niyang magpatawa.

Kasama si Charisse sa bagong primetime series ng GMA-7, ang romantic-comedy na Adik Sa 'Yo, na magsisimula ngayong gabi, June 8. Ginagampanan niya rito ang papel ni Emilene, ang engot na alalay ni Jennica Garcia.

Nang biruin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na mukhang humahataw na naman siya sa karaketan, ito ang sagot niya: "Opo, 'eto, medyo nagkakasakit na nga po. Pero bonggang pagkakasakit naman po dahil sa puyat!"

Ayon kay Charisse, visible lang daw sa iba't ibang TV guestings at dahil regular raw siya sa Startalk kaya parang hindi halata na ang Codename: Asero pa ang last regular show niya sa GMA-7.

THERE IS LIFE AFTER LOSING. Sa pagbabalik-tanaw, isa si Charisse sa mga naunang natanggal sa Batch 4 ng StarStruck. Kaya hindi na niya ine-expect at that time na magkakaroon pa rin siya ng opportunity sa showbiz.

"Hindi na po talaga ako nag-e-expect noon," sabi niya. "New Year po nangyari yun... Kasi, yung iyak ko po noong New Year dahil New Year po yun, hangga't makauwi ako ng bahay... Alas-kuwatro na yata akong umuwi noon. Hindi ako nag-New Year sa bahay dahil hiyang-hiya po ako sa mga kapatid ko dahil siyempre, umaasa sila sa akin. Tapos wala, natalo ako agad. E, iniisip ko pa po noon, sana makapasok man lang ako sa Final 14. Sabi ko, 'Ay, wala na...wala na 'to.'"

So far, ano na ang mga naging pagbabago sa kanya?

"Ngayon po, kahit paano, mas tumibay ang loob. Mas masaya kasi may nagagawa na ako sa buhay ko. Napu-fulfill na ako, hindi katulad dati na nagkaroon ako ng problema sa school dahil medyo nagbulakbol din ako noong college. Siguro, masyadong naaliw sa oras na walang ginagawa sa college. So, ngayon po, medyo nakakabawi na ako sa pamilya ko, sa mga kapatid ko, dahil alam ko na nakakatulong na ako sa kanila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Madalas na comedy role ang naitotoka sa kanya. Pero in real life, hindi masasabing comedy ang buhay ni Charisse, being the breadwinner of her family. Ang mga magulang niya ay matagal nang hiwalay at may kanya-kanya nang buhay kaya siya na ang bumubuhay sa mga kapatid niya.

"Ngayon po, nakabili na rin po ako ng kumpletong gamit sa bahay. Naglipat na po kasi kami from Pasay. Nag-rent na kami ng mas maayos na place sa Quezon City. Yung mas kasya na po kaming pitong magkakapatid.

"Yung nalipatan naman po namin, mas malapit sa GMA, malapit sa school nila. So, okey po. At saka siyempre, nagbabayad din po ng mga bills at kahit paano, nakabili na rin po ako ng sarili kong kotse, second hand, na nagagamit-gamit ko po," lahad ni Charisse.

BONGGANG LOVELIFE. Hindi rin pakiyeme si Charisse when it comes to her lovelife. Siya mismo ang nagsabing "bongga" nang kamustahin namin ang non-showbiz boyfriend niya.

"Bukas nga po, siya ang magda-drive sa akin, kasi wala po akong driver. Kasi, namamahalan na ako sa suweldo ng driver. Hindi na tama ito, joke!" tawa niya.

Biro namin, gawin bang driver ang boyfriend?

"Hindi naman po...siya naman ang nagprisinta. Kasi sa Bulacan ang taping namin, tapos taping sa GMA. So, magbabalik-balik ako. E, wala akong driver," paliwanag niya.

Matagal na raw niyang kakilala ang boyfriend. Twenty-nine years old na ito at isang businessman. Pero wala pa raw sa priority nila ang magpakasal.

"Ayaw niya pa nga, e. Gusto niya, sige lang habang may career pa raw ako. Huwag muna raw kaming magpapakasal."

Natutuwa naman ito kapag pinapanood siya?

"Oo, bongga!" bulalas ni Charisee. "At saka kapag isinasama ko siya sa mga shows ko, let's say, may fiesta, tawa lang siya nang tawa. Doon lang siya sa gilid. Sobrang humble niya kasi. Hindi mo mapagkakamalang boyfriend ko siya kapag nakita mo siya, kasi sobrang distansiya siya sa akin. Hindi siya yung halika rito. Sobrang bait niyang tao."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag niya, "Actually, ayaw niya lang talaga akong mag-FHM! Ayaw niya akong nagsusuot ng malalaswa. Unless kailangan."

A COMEDIENNE. Originally, ang packaging dapat sa kanya ay bilang sexy star. So, ano ang nangyari dun?

"Wala na po... Na-bless na ako nang sobra-sobra sa comedy, e. Sobrang laki ng naitulong sa akin, as in!" pagbibigay-diin niya.

Siyempre, mas masaya raw siya na sa comedy department nga siya mas nakikilala.

"Yung sexy naman po, hindi naman po sa dina-down ko, pero 'eto yung mas gusto ko, e, comedy. Tingin ko po kasi, mas may ibubuga ko sa comedy than pagpapaseksi. Kumbaga, yung pagpapaseksi, leave it to others na lang na mas sexy, di ba?"

Malaking bagay raw sa kanya na nahanap niya ang niche niya sa showbiz, which is comedy nga. Pero magkaganuman, nandoon pa rin daw ang desire niya na makapag-try ng iba pang genre.

"May nag-o-offer sa akin para sa indie film. Pero hindi ko muna po sasabihin kung ano dahil hindi pa sure. Pero sinabi lang sa akin na drama po, bonggang drama. Kasi ang role ko po, if ever dun, e, hindi masyadong bagay sa akin—pokpok!" natatawa niyang sabi.

Dugtong niya, "Hindi tayo sanay sa role na 'yan, pokpok daw ako sa indie film. Pero, serious role po na magbabagong-buhay. Sana matuloy. Kasi nahihirapan sila sa schedule. E, siyempre po, dito sa Adik Sa 'Yo, pinapaganda namin. At hanggang maaari, nagte-taping kami."

Sa ngayon, isang bagay raw ang talagang gustong-gusto niyang ma-achieve.

"Gusto ko lang talaga yung makakaipon ako nang bonggang-bongga. Yung mailalagay ko yung family ko sa stable na condition at saka hindi lang ako mawawalan ng trabaho, okey na ako. Kahit ano pa yung role ko, kahit batukan pa 'yan, kahit buhus-buhusan ng tubig, okey lang sa akin basta may trabaho," sabi ni Charisse.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN