Annabelle Rama to John Lloyd Cruz: "Kung in love ka sa anak ko, umamin ka in public!"

"Kung talagang mahal mo ang isang babae, you should be proud. Kung hindi ka proud sa anak ko, o, di huwag ka nang manligaw. Yun lang naman yun, e," says Annabelle Rama to John Lloyd Cruz, who is romantically linked to her daughter Ruffa Gutierrez.


Pinangalanan na mismo ni Annabelle Rama ang lalaking naging dahilan ng pagkakagalit nila ng anak niyang si Ruffa Gutierrez. Ito ay walang iba kundi ang matagal na ring nali-link sa TV host-actress na si John Lloyd Cruz.

Sa katunayan, hinamon pa ni Annabelle si John Lloyd na lumantad na at ipahayag ang kanyang tunay na nararamdaman para kay Ruffa.

"John Lloyd, magpakalalake ka, okay! Kung in love ka sa anak ko, umamin ka in public! Kasi, I don't think nakakahiya si Ruffa kung... Nakakahiya yun kung hindi mo siya inaamin, di ba? Para naman siyang kept woman, di ba?

"Kung talagang mahal mo ang isang babae, you should be proud. Kung hindi ka proud sa anak ko, o, di huwag ka nang manligaw. Yun lang naman yun, e," pahayag ni Annabelle sa panayam sa kanya ng ABS-CBN at GMA-7 News sa contract signing para sa isang endorsement ng alaga niyang si Heart Evangelista kanina, June 12.

Ayon kay Annabelle, may dahilan siya kung bakit siya nakikialam sa lovelife ng kanyang anak.

"Kung hindi ko siya mahal, hindi ko siya pakialaman. Bahala siya sa buhay niya. Pero hindi, e, iba ako, e. Hangga't buhay pa ako, Ruffa, 'andito lang ako, makikialam sa 'yo," paliwanag ng Gutierrez matriarch.

GRANDKIDS PLEAD WITH LOLA. Inamin din ni Annabelle na hindi pa sila nagkakausap ng kanyang unica hija mula nang umalis ito sa tahanan nila sa Dasmariñas Village, Makati, noong June 6. Pero ipinagpapasalamat ng talent manager na kahit magkagalit sila ni Ruffa ay ipinapahatid pa rin ng huli ang kanyang mga anak na si Lorin at Venice sa Dasma tuwing hapon para makapiling ang kanilang lola. Ang mga apo raw ni Annabelle ang mismong nakiusap sa kanya na huwag nang magpa-interview sa TV.

"Mahal na mahal ko mga apo ko," sabi ni Annabelle. "Nakikiusap sila sa akin, huwag daw akong pumunta sa telebisyon. Na-indiyan ko yung Startalk, na-indiyan ko yung Showbiz Central [last weekend] kasi nandun yung dalawa [apo] sa bahay. Nakakatuwa yung mga apo ko, sila pa yung pumipigil sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa June 24 ay magdiriwang ng kanyang 35th birthday si Ruffa, at ito ang mensahe ni Annabelle para sa anak: "Sana Ruffa, maintindihan mo ako as a mother. Hindi ako nakikialam sa 'yo. Ako'y nandito lang para magbigay ng advice sa 'yo. Kasi hindi naman lagi tayo perfect, minsan nadadapa ka rin, di ba? Ayokong madapa ka uli."

Halata naming hindi makapaniwala at gulat na gulat si Ruffa sa sinabi ng kanyang ina nang hingin ng TV Patrol World ang kanyang reaksiyon.

"I don't know... I don't know what to say! Quiet na muna ako, goodbye!" iwas niya habang tumatawa.

THE REVELATION. Gaya ng nabanggit, noong June 6 ay umalis ng kanilang bahay sa Dasmariñas Village si Ruffa pagkatapos ng mainit na pagtatalo nila ng kanyang ina. Ayon mismo kay Annabelle, sa pamamagitan ng Startalk co-host na si Ricky Lo, "may kinalaman" ang kanilang away sa lalaking nauugnay ngayon kay Ruffa.

Sinabi rin ni Annabelle na "walang respeto" ang lalaki, at sinabihan pa raw niya ito ng: "Ang bata-bata mo pa, nanliligaw ka sa babaeng may dalawang anak na!"

Sinabihan din daw ni Annabelle ang lalaki na tigilan na nito ang "pagpapadala ng pagkain at regalo" kay Ruffa. Hindi rin daw titigilan ng talent manager ang lalaki hangga't hindi siya tumitigil sa panliligaw kay Ruffa.

Pareho nang itinanggi nina Ruffa at John Lloyd sa magkahiwalay na interviews na may namamagitan sa kanilang higit pa sa magkaibigan.

Matatandaang nagkasama ang dalawa sa primetime series ng ABS-CBN na I Love Betty La Fea, kung saan gumanap bilang Armando si John Lloyd at si Ruffa naman bilang Daniella. Si Bea Alonzo, na gumanap sa title role, ang leading lady ni John Lloyd sa I Love Betty La Fea, na tumakbo sa ere mula September 8, 2008 hanggang April 24, 2009.

Sa presscon ni John Lloyd para sa ini-endorse nitong Biogesic noong May 29, ito ang sinabi niya tungkol sa pagkakaugnay ng pangalan ni Ruffa sa breakup diumano nila ng girlfriend na si Liz Uy: "Walang 'kami' ni Ruffa. Nahihiya ako, kasi ang mga tao, nung inaakala nila na si Ruffa ang dahilan, naging dahilan ng breakup namin, huwag naman po nating i-underestimate yung intelligence ng mga tao. Hindi rin naman biro yung pinagdaanan ni Ruffa pagdating sa mga ganyang relationships."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod kay Ruffa ay nabanggit din ang pangalan ni Sarah Geronimo na dahilan diumano ng breakup nina John Lloyd at Liz, ngunit mariin din itong pinabulaanan ng aktor.

RUFFA THANKS JOHN LLOYD. Pagkatapos ng nabanggit na interview na ito ni John Lloyd ay nagpadala naman ng text message sa kanyang fans si Ruffa sa pamamagitan ng KText, kung saan pinasalamatan niya ang aktor sa pagtatanggol sa kanya.

Ito ang nilalaman ng KText ni Ruffa sa kanyang fans: "At long last, nagsalita na si John Lloyd tungkol sa issue sa amin. Defended me sa mga malicious na balita na puno ng KASINUNGALINGAN. Salamat John Lloyd, isa kang tunay na gentleman. T.Y."

Sa episode ng The Buzz noong May 31 ay ipinaliwanag ni Ruffa ang nilalaman ng kanyang text message sa kanyang fans.

"Actually, ang nilagay ko sa KText yesterday, dati nirerespeto ko si John Lloyd as an actor. But now, I respect him more even like a person. Kasi, you know, without me even telling him what to say, siya ang nagkusa, ipinagtanggol kaming dalawa ni Sarah at sinabi talaga na wala kaming kinalaman sa breakup or sa post-breakup nila ni Liz. And he even went beyond that, you know, he defended me. He even said that I'm not that type of girl na ini-insinuate ng iba. So, maraming-maraming salamat," pahayag ni Ruffa.

Dagdag niya, "I'm sure even si Sarah, I'm sure natutuwa siya na dinefend siya ni John Lloyd. So, for me, maraming salamat because he was a gentleman. And yung sinabi lang niya yung totoo, kasi I think si JL din, he's also very secure as a person. And siguro yung status din niya sa industriya, hindi niya na kailangang maki-ride. Kasi, di ba, yung iba, mga users? Pero, yung iba, i-insinuate nila na parang may gano'n pa. He answered straight to the point."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin si Ruffa ng co-host niya sa The Buzz na si Kris Aquino kung nakikipag-communicate pa sa kanya si John Lloyd pagkatapos ng Betty La Fea, ito ang naging sagot ni Ruffa: "Well, you know, lahat naman nakipag-communicate sa akin, hindi lang si John Lloyd. Hello, di ba, si Joem [Bascon] nagpunta dito kanina and he said 'hi' to me. Don't tell me nali-link na ako kay Joem?"

"Does he [John Lloyd] make an effort?" tanong ni Kris.

"I don't know if he makes an effort, but we all still communicate... There is nothing strange about it. At least, wala siyang asawa, 'no?" rason ni Ruffa.

Sa huli, sinabi rin ni Ruffa, habang tumatawa: "What happens in the future, hindi na natin masasabi."

Sa kabila ng pagtanggi nina Ruffa at John Lloyd na wala silang relasyon, marami naman ang naniniwala na may namamagitan nga sa kanila. At ang mismong ina na ni Ruffa ang nagkumpirma nito.

CROSSED PATHS. Bago ang pinakabagong alitan na ito nina Annabelle at Ruffa ay napabalitang nagkatampuhan na sila dahil nalaman diumano ni Annabelle ang relasyon ni Ruffa kay John Lloyd sa unang pagkakataon. Pero nagkabati rin ang mag-ina pagkatapos maaksidente ang kapatid ni Ruffa na si Richard Gutierrez.

Pero noon ngang June 6 ay muling nagkagalit sina Annabelle at Ruffa, at si John Lloyd nga ang dahilan.

Noon pa man ay mahigpit na talaga si Annabelle pagdating sa mga manliligaw ng panganay at kaisa-isa nilang anak na babae ng asawang si Eddie Gutierrez. Very vocal din noon si Annabelle sa pagsasabing huwag na huwag pumili si Ruffa ng "patay-gutom" na lalaki, kundi piliin niya ang isang lalake na kaya siyang buhayin.

"Hindi nabubuhay sa puro love, Ruffa. Kailangan yung bubuhayin ka," sabi ni Annabelle kay Ruffa sa The Buzz noong March 15.

Noong May 25, 2003 ay ikinasal si Ruffa sa Turkish businessman na si Yilmaz Bektas sa isang magarbong Christian ceremony sa NBC Tent sa The Fort, Taguig City. Nagkaroon din ng Muslim wedding ang dalawa sa Istanbul, Turkey, kung saan nanirahan sina Ruffa at Yilmaz kasama ang kanilang dalawang anak na sina Lorin at Venice.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero nauwi rin sa hiwalayan ang kanilang pagsasama noong June 14, 2007. Later on, umamin si Ruffa na may mga pagkakataong sinasaktan siya ni Yilmaz.

Nabunyag din na bago pakasalan ni Ruffa si Yilmaz ay ikinasal na siya sa isang nagngangalang Richard Daloia noong January 18, 1999 sa Las Vegas, Nevada.

Ayon kay Ruffa ay nag-file na siya ng divorce para ma-nullify ang kasal nila ni Richard pagkalipas ng isang taon. Pero hindi na raw niya na-check ang status ng kanyang petition pagkatapos niya itong mai-file. Pero ayon sa records ng Clark County, Nevada, nag-file ng divorce si Ruffa noon lamang June 1, 2007.

RUMORED BREAKUP. Sa parte naman ni John Lloyd, wala pa ring direktang pag-amin ang aktor sa nababalitang breakup nila ng long-time girlfriend niyang si Liz Uy. Bagamat may lumalabas na reports na noong February 2009 pa raw sila nag-break.

Sa presscon pa rin ng Biogesic noong May 29, ito ang naging pahayag ni John Lloyd nang tanungin tungkol sa rumored breakup nila ni Liz:

"Siguro darating yung time na makakapagpaliwanag ako. Mas makakapagbigay ako ng mas malinaw na statement tungkol dito. Medyo konting pang-unawa muna, kasi medyo sensitive yung issue and may mga totoong emotions ng mga taong mahalaga sa akin na involved."

Hindi malinaw kung may kinalaman si Ruffa sa breakup daw nina John Lloyd at Liz, bagamat may nakausap ang PEP na nagsabing kakulangan lang ng "time" ang posibleng naging dahilan ng paghihiwalay ng dalawa.

May kaugnayan din kahit paano sina Liz at Ruffa dahil matalik na kaibigan ng fashion editor ang kapatid ni Ruffa na si Raymond Gutierrez. Sa katunayan, magkasama sina Liz at Raymond at iba pang mga kaibigan—kabilang ang aktres na si Anne Curtis—sa European vacation nila recently.

Ngayong tinukoy na ni Annabelle si John Lloyd bilang lalaki na nauugnay kay Ruffa, aamin na kaya sila sa tunay na estado ng kanilang relasyon? Lalo pa't hinamon na ni Annabelle si John Lloyd na ihayag sa publiko ang kanyang totoong damdamin para kay Ruffa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Incidentally, sa June 24 ay kapwa magse-celebrate ng kanilang birthday sina Ruffa at John Lloyd; Ruffa will turn 35, while John Lloyd will turn 26.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN