Bobby Solomon leaves Dance Squad to pursue solo career via Are You The Next Big Star?

"Mahal ko po yung group. Pero siguro po, mas gusto ko itong pagpe-perform nang solo. Kasi mas madami po ang nakaka-appreciate sa akin dito," says Bobby Solomon about leaving the all-male group Dance Squad to pursue a solo career.


Walang sama ng loob, pero aminado si Bobby Solomon na hindi siya masaya sa sitwasyon niya dati bilang miyembro ng Dance Squad, isang grupo ng mga kabataang lalaki na kumakanta at sumasayaw sa telebisyon.

"Siyempre po, nakakalungkot yung ganun. Hindi po ako magsisinungaling, malungkot po yung ganun, na back-up singer lang ako tapos lead yung kambal ko. Masaya po talaga ako kapag kumakanta ako mag-isa, mas happy ako kapag solo, pero masaya din po ako sa group ko. Sa totoo lang po, mahal ko po yung group. Pero siguro po, mas gusto ko yung solo."

Dagdag niya, "Hindi naman po ako nagagalit na sila yung ginagawang lead singer at ako lang yung back-up. Hindi naman sa naiinis ako dahil ginagawa yun sa akin. Nalulungkot lang ako dahil hindi masyadong na-appreciate yung talent ko. 'Tsaka yung mga songs na kinakanta namin dun sa grupo, hindi ko po genre. Tapos nung nakapasok ako sa Circle of 16 ng Are You The Next Big Star?, pinatunayan ko sa lahat na hindi lang ako pang-back-up singer."

Si Bobby ang isa sa mga pinalad na makapasok sa Circle of 16 ng bagong talent search ng GMA-7 na Are You The Next Big Star?.

Bukod kay Bobby, ang iba pang nakasama sa Circle of 16 ay sina Geoff Taylor, Anton Cruz, Alex Castro, Greggy Santos, PJ Gonzales, Jay Perillo, Justin Francis, Francheska Farr, Camille Cortez, Shane Tarun, Rachel Gabreza, Cara Quiapos, Zyrene Parsad, Christine Allado, at Alexa Ortega.

THE SOLOMON SIBLINGS. Si Bobby ay younger brother ng comedienne na si Charisse Solomon, na mainstay sa Adik Sa 'Yo at Startalk. Ang kakambal naman ni Bobby ay si Robert Solomon, na nag-audition din sa Are You The Next Big Star?.

"Nasa first and second episode po siya. Natanggal po siya, ako lang yung natira. Nagulat din ako, akala ko siya yung mapipili. Natuwa po ako na ngayon mas maraming nakaka-appreciate ng kanta ko," banggit ni Bobby.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang naging reaksyon ni Robert na si Bobby ay nakapasok at siya ay natanggal?

"Nalungkot po siya," sabi ni Bobby. "Pero sabi niya, galingan ko daw. Naniniwala daw siya sa akin, na desidido talaga ako. Mahal ko po kasi talaga ang pagpe-perform, as in mahal na mahal po."

Ang naman naging reaksiyon ni Charisse?

"Tumawag siya agad sa akin. Sabi niya, ang saya, pa-burger naman daw ako! Magkasama kami sa bahay, pero hindi kami nagkikita kasi lagi siyang may taping ng Adik Sa 'Yo. Tuwang-tuwa siya, as in magpapagawa daw siya ng banner! Sabi niya, alam niya daw, magaling daw ako. Makakapasok daw ako. Alam niya na mahal na mahal ko yung performing."

Pang-soap opera ang buhay nina Bobby, Robert, at Charisse. Ang ina nila ay kasalukuyang sa Japan nagtatrabaho at may asawa doon na isang Hapon. Kaya ang magkakapatid ay namumuhay rito sa Pilipinas on their own, with Charisse as their guardian dahil ito ang pinakamatanda sa kanila.

"Dati ang gumagastos po si Charisse. Ngayon, tulong na sila ng mommy ko. Tapos yung daddy ko, pinag-aaral kami. German po yung dad ko, pero hindi na namin nakakausap. Sekretarya niya lang po ang nakakausap namin.

"Nasa Amerika po siya, 'tsaka kahit nandito siya, ewan ko po kung bakit hindi namin siya nakikita at nakakausap. Siguro po, seloso po yung asawa kaya hindi namin nakakausap. Pilipina po yung asawa niya. Half-German po yung dad ko," lahad ni Bobby.

Ngayon daw ay hindi pa rin nakakatulong si Bobby sa mga gastusin sa bahay nila.

"Hindi pa po kasi wala pa po kaming suweldo. Pero sa past na mga commercials ko po, nag-commercial po ako, di ba, nakakatulong po ako. Minsan ako ang gumagasatos kapag kulang yung pang-tuition ko, kapag nade-delay yung padala ng mommy ko, ganun po.

"Tapos nag-train din po ako, nag-voice lessons 'tsaka keyboard lessons for Are You The Next Big Star?. Ako po yung gumastos kasi desidido po akong manalo."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

OUT OF DANCE SQUAD. Ngayon, bilang isa sa mga napiling Circle of 16 ng Are You The Next Big Star?, kinailangang tumiwalag ni Bobby mula sa Dance Squad. Hindi ba nagalit sa kanya ang kanyang former co-members?

"Hindi po, pero yung iba nagsasabi na, 'Iiwan mo na kami!' Nagdyu-joke po sila. Pero may sari-sarili na kaming career ngayon. Si JR de Guzman, nasa Daisy Siete; si Robert, yung kakambal ko, nagko-commercial ngayon; tapos si Arvin King, nagda-Dance Squad sa SOP; si CJ Cueva, nag-aaral ng Culinary; si Cyrus Desamparado, nasa Lipgloss ng TV5," pagbabahagi ni Bobby.

Pero hindi pa naman daw totally watak-watak ang grupo.

"Nagsu-show pa din sila, ako ang hindi. Kasi po ako bawal, kasi nasa Are You The Next Big Star? nga po ako. Mga four o six members po ang sumasayaw pa rin, pero madalas po, lima. Nagsu-show sila sa mga fiesta."

Kung sakaling hindi manalo si Bobby, ano ang susunod niyang move?

"Kung bibigyan po ng pagkakataon ng GMA na mag-perform ako sa iba't ibang shows, tatanggapin ko po, tapos commercials po," sagot niya.

Babalik ba siya sa Dance Squad?


"Mahal ko po yung group. Pero siguro po, mas gusto ko itong pagpe-perform nang solo. Kasi mas madami po ang nakaka-appreciate sa akin dito," sabi ni Bobby.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN