Ruffa Gutierrez makes the first move to reconcile with mom Annabelle Rama

"Siyempre, matapang si Mommy, naghahanap lang ako ng right timing. Alam ko naman na darating ang panahon na this week magkakaayos kami, kasi malapit na ang birthday ko [on June 24]... Ang importante, niyakap ko siya, and then binulungan ko siya, 'I'm sorry.' Hindi ko alam kung ano ang reaction niya. I'm sure may part two pa ang pagbabati namin. At least, I broke the ice na," relates Ruffa Gutierrez (left) about her reconciliation with mom Annabelle


Sa gitna ng pagluluksa ng buong showbiz industry dahil sa pagpanaw ni Douglas Quijano, isang magandang pangyayari ang naganap sa burol ng talent manager kagabi, June 15, sa Heritage Memorial Park. Pagkatapos ng ilang linggo ring tampuhan sa pagitan ng mag-inang Annabelle Rama at Ruffa Gutierrez ay nagkabati na rin sila.

Halos magkasabay na dumating sina Annabelle (kasama ang asawang si Eddie Gutierrez) at Ruffa sa burol ni Tito Dougs kagabi. Nasa may bandang harapan ng chapel ang mag-asawang Annabelle at Eddie nang ilang sandali lang ay dumating si Ruffa. Halatang nag-iwasan sila noong una dahil pagdating ni Ruffa ay biglang pumunta sa likod sina Annabelle at Eddie, at dumiretso sa katabing kuwarto, kung saan naroon ang karamihan ng talents at pamilya ni Tito Dougs.

Pagkatapos tingnan ang kabaong ni Tito Dougs ay tinabihan ni Ruffa si Candy Pangilinan at nagpalipas doon ng ilang sandali. Ilang minuto pagkatapos ay nagtungo na rin siya sa kabilang kuwarto, kung saan naroroon din ang kanyang mga magulang.

Doon naganap ang pag-aayos ng mag-ina.

"I feel relieved, niyakap ko ang mommy ko. Siyempre ako ang anak, kailangan ako ang mauna kahit galit siya sa akin. Siyempre, kailangan ko pa rin ang magpakumbaba. Ang mga anak talaga ang kailangang bumati sa nanay.

"Alam ko malambot na yung puso ni Mommy. Sa umpisa lang 'yan medyo galit, medyo shocked sa mga naglalabasang balita. Pero alam ko, deep inside, mahal niya ako. Ang tawag niya nga sa akin ay 'bruhilda,' pero pinag-shopping pa rin niya ako," kuwento ni Ruffa sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press at TV crew.

Ayon kay Ruffa, nag-ipon muna siya na lakas ng loob at tapang bago nilapitan ang ina.

"Siyempre, matapang si Mommy, naghahanap lang ako ng right timing. Alam ko naman na darating ang panahon na this week magkakaayos kami, kasi malapit na ang birthday ko [on June 24]. Yun ang isa sa wish ko na magkaayos na kami. Kasi mahirap din talaga ang may kaaway ka, especially if it's your mom, at alam mong may bad feeling siya towards you.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang importante, niyakap ko siya, and then binulungan ko siya, 'I'm sorry.' Hindi ko alam kung ano ang reaction niya. I'm sure may part two pa ang pagbabati namin. At least, I broke the ice na," lahad ni Ruffa.

BECAUSE OF TITO DOUGS. Kumbinsido si Ruffa na may kinalaman ang namayapang si Tito Dougs sa kanilang pagbabati ng ina, lalo't kilala ang talent manager bilang peacemaker sa showbiz.

Kuwento niya, "Actually, ang sabi ni Nadia [Montenegro] kanina, 'Tito Dougs, ayusin mo na sila.' Kasi pagdating pa lang daw ni Mommy, ang sabi niya kay Nadia, 'Ano, 'day, tumingin na ba si Bruhilda?' Nagtanong si Nadia, 'Sino po?' 'Si Bruhilda, tumingin na?'

"Nagtanong uli si Nadia, 'Sino pong Bruhilda?' Ang sagot ni Mommy, 'Yung Bruhilda kong anak, tumingin na ba kay Dougs?' She said it naman na naka-smile siya. Alam mo naman ang Mommy ko the way she talks. 'Ayun, sabi tuloy ni Nadia, 'Tito Dougs, sana ayuisn mo na ito.'

"It took a lot of courage to kiss her and to hug her. Siyempre, baka mapahiya ako, pero okey naman. At least, nag-smile naman siya."

May ilang pagkakataon na nakitang nagpahid ng luha niya si Ruffa sa pagbabati nilang mag-ina. Hindi itinago ni Ruffa na very emotional talaga siya sa pagbabati nilang ito ni Annabelle.

"Alam n'yo naman na I'm a very emotional person," sabi niya. "Siyempre, unang-una sa lahat, mommy ko siya. Masama din naman ang loob ko na nag-away kami. We said hurtful things towards each other. Na-miss ko pala siya. Nakaka-miss din pala si Mommy, nakaka-miss din yung ingay niya."

Maging ang mga anak palang sina Lorin at Venice ay aware sa tampuhan nilang mag-ina.

"Oo, aware sila," banggit ni Ruffa. "That's why sabi nga nila, 'Lola, please stop going on TV because Mommy cries every night.' Sana maging magandang simula na ito sa pag-uusap namin at sa pagbabati namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

RUFFA WON'T RETURN. May balak ba siyang umuwi uli sa bahay nila sa DasmariƱas Village sa Makati ngayong bati na uli silang mag-ina?

"Ay, hindi pa rin," sagot niya. "Kailangan ko rin kasi yung space ko as a person and mommy na rin ako. May sarili na rin akong pamilya, may mga anak na ako. I need my space and my own privacy. It's better if I have my own place na rin. Kasi yun ang usapan namin from the very beginning.

"I've been living alone naman since early 20s, mas magkakasundo kami ni Mommy kung may sarili akong personal place ko. Siguro kami ni Mommy, mas okey yung di kami masyadong nagkikita 24 hours a day, kasi we both have a strong personality. Hayun, na-miss ko siya, na-miss din niya ako."

JOHN LLOYD CRUZ. Nadawit ang pangalan ni John Lloyd Cruz na naituturong dahilan kung bakit nagkatampuhan sina Ruffa at Annabelle. Dito ay nakiusap si Ruffa na huwag nang idamay pa ang young actor sa kung anuman ang nangyari sa kanila ng ina.

"Huwag na nating pag-usapan si John Lloyd," pakiusap niya. "Parang masyado na kaming over [-publicized]. Pag nagbasa ka ng dyaryo, parang ikakasal na kami next week. Wala naman talagang issue, like I've said. Yun pa rin ang sasabihin ko, we're friends. We hang out, but hindi pa kami umaabot sa stage na nagmamahalan kami. We care about each other as friends, pero yung iniisip ng iba, masyado nang over.

"Naku, maghahanap na nga ako ng ka-date para hindi na ako natsitsismis!" natatawa niyang biro.

BIRTHDAY WISH. Ano naman ang birthday wish niya at paano niya ito ise-celebrate?

"Ang wish ko lang talaga is peace of mind 'saka happiness," sambit niya. "I just want to be happy, happy with my career, happy with my kids, happy with my family life. Sana mag-sparkle na ang mga mata ko this year. Feeling ko, ready na uli ko para makipag-friends sa ibang tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala akong celebration. Tahimik lang ang birthday ko this year. Walang big celebration. My friends are just hosting a dinner for me, tama na yun. Huwag na tayong mag-party nang malaki."

ANNABELLE'S STATEMENT. Nahingan din ng PEP ng reaksiyon si Annabelle tungkol sa pagbabati nila ni Ruffa. Gaya ni Ruffa, naniniwala ang talent manager na malaki ang kinalaman ni Tito Dougs sa pagbabati nilang mag-ina.

"I'm sure si Douglas ang gumawa ng paraan dito," ani Annabelle. "Until now, siya pa rin ang nandiyan. Nagulat ako na nagkasabay kami ni Ruffa na pumasok. Hindi naman sinasadya, wala kaming usapan. Kaya nga ako nagpa-late para huwag kong makita si Ruffa. Hindi ko alam kung bakit nagkasabay kami.

"Alam ko matutuwa siya, kaya 'Hi, Dougs'! 'Ayan, bati na kami ni Ruffa, I'm sure haping-happy ka na."

Masaya rin si Annabelle na natuldukan na ang tampuhan nilang mag-ina dahil si Ruffa ang unang gumawa ng paraan.

"Happy ako na at least siya ang unang lumapit. Siya ang unang bumati sa akin at hindi ako ang bumati sa kanya."

Ilang araw na lang ay birthday na ni Ruffa on June 24, Ano naman ang birthday wish niya para sa kanyang unica hija?

"Sana ipagpatuloy niya yung pag-aalaga niya sa mga apo ko, more time for the kids. Sana makinig siya sa lahat ng advice ko sa kanya. Hindi naman ako nandito para maging kontrabida sa buhay niya. Ang akin lang naman as a mother, siyempre, nandun ang advice ko kasi hindi naman laging ang tao ay perfect, nadadapa pa rin tayo minsan. Nandito lang naman ako just to guide all my children," pahayag ni Annabelle.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN