Richard Gomez and other talents of Tito Dougs to hold meeting about their plans following their manager's death

Richard Gomez reminisces his good times with his long-time talent manager Douglas Quijano by printing his photos. Here, Richard, with wife Lucy and daughter Juliana, holds a picture of his usual gesture every time he sees Tito Douglas—kissing him on the cheeks and touching his belly. "I'm very affectionate kay Dougs, e," he says.


Abalang-abala si Richard Gomez sa pagpapaskil ng mga larawan ng kanyang namayapang talent manager na si Douglas Quijano kagabi, June 16, sa loob ng Heritage Memorial Chapel sa Taguig City.

Halos hindi pa nakapagpapahinga ang kilalang aktor at ang kanyang asawang si Lucy Torres-Gomez nang dumiretso sila sa Heritage Memorial Park mula nang dumating sila galing sa San Francisco, California.

Ayon kay Richard, mula nang malaman nila ang pagkamatay nga kanyang talent manager, talagang pinilit nilang makauwi kaagad ng Pilipinas.

"It was very sad at saka wala kaming magawa kasi nandoon kami [sa San Francisco], e. So, sabi ko, baka puwedeng umuwi na tayo tonight. Baka puwede kaming makakuha ng flight. Hanggang sa nakakuha kami ng flight, Sunday na, kasi fully booked talaga sila. Tamang-tama noong may opening, nag-chance passenger kami. Bigla kaming nakasakay kaya nakauwi kami kaagad," salaysay ng aktor sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press.

Naikuwento rin ni Goma kung paano niya nalaman ang balita.

"Ang nangyari kasi noon, nagla-lunch kami ni Lucy. Pinag-uusapan pa nga namin si Dougs na parang nababawasan na ang pagtra-travel niya dahil napapagod na siya, parang lately ganun. He was one of our topics during lunch.

"Sa Crate & Barrel, nag-ring 'yong phone, si Marilen [Nuñez ng Len Plus Inc., at malapit na kaibigan ni Richard]. 'Tapos yung phone ko, biglang nag-ring din, sabay, si Gelli de Belen. Sabi ko kay Lucy, 'Sagutin mo na ang phone.' Kasi ang feeling ko, there's something wrong. Di ba, imposible talaga na yung kaibigan mo, sabay silang tatawag sa 'yo? I had a feeling na may masamang nangyayari, hindi lang alam kung ano. Then, sinabi nga nila kung alam ko 'yong nangyari kay Dougs. Sabi ko, 'Anong nangyari?" Sabi nila, nakita si Dougs sa kuwarto, purple na 'yong kulay niya, namatay."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi raw siya makapaniwala sa kanyang narinig mula sa kabilang linya ng telepono. "Hindi ko alam, e, parang napaupo ako. Parang hindi ako makapaniwala na totoo ba yung sinasabi," sabi ni Richard.

LAST CONVERSATION. Nakausap pa raw ni Goma si Tito Dougs, ang tanyag na bansag kay Douglas ng mga taga-showbiz, bago sila magtungo sa San Francisco para sa Philippine Independence Day celebration ng GMA Pinoy TV.

Ayon kay Richard, "Bago ako umalis dito, tumawag pa siya sa akin. Sabi niya, 'Sige, mag-enjoy kayo, ha?' Tapos pagdating ng San Francisco, tinawagan ko pa siya, nag-usap pa kami, e. In fact, dalawang calls pa ang ginawa ko hanggang sa makalabas kami sa Immigration. 'Yon na ang last na pag-uusap namin. Sabi niya, 'Sige, ingat kayo diyan, basta enjoy lang kayo.' Ito ang first time na nagpunta kami ng San Francisco na hindi kasama si Dougs. Wala lang, usually sumasama talaga siya."

Habang nasa States pa, hindi pa rin umano pinaniniwalaan ni Richard na pumanaw na ang kanyang talent manager for 24 years.

Kuwento niya, "Kanina noong pagdating ko rito, parang it was a realization na talagang wala na siya. It dawned on me na talagang ito na 'yon, totoo na. Habang hindi mo siya nakikita, you're still hoping na sana kuwento lang ito, sana hindi totoo.

"Slowly, parang nararamdaman ko, pero parang may fear na makita ko siya. Kaya noong nandito ako kanina, talagang niyayakap ko siya. Kasi, kapag kasama ko si Dougs, lagi kong hinahawakan ang tiyan niyan, e. I'm very affectionate kay Dougs, e. Lagi kong niyayakap ang tiyan, hinahawakan. I never stopped touching his belly. 'Yon ang noticeable kay Dougs, e. Kapag nakita mo si Dougs, malaki ang tiyan."

Dagdag ni Richard, mami-miss din daw niya ang madalas nilang pag-uusap ni Douglas sa telepono.

"Mami-miss ko 'yong nakakausap ko siya. We talk about anything, basta nakakausap mo lang siya. Mami-miss ko 'yong kapag nakikita ka niya, ang unang bati niya sa 'yo, 'Yes! Ano'ng balita?' Hindi ba, ganun talaga si Dougs, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DOUGLAS'S POOL OF TALENTS. Ngayong namayapa na ang kilalang talent manager, marami ang napapaisip kung ano na ang mangyayari sa mga artistang kanyang mina-manage—kabilang na rito sina Joey Marquez, John Estrada, ang mga magkakapatid na sina Janice at Gelli de Belen, Anjo at Jomari Yllana, Antonio at Jay Aquitania, Wendell Ramos, at marami pang iba.

Ayon kay Richard, "Si Joey, magse-setup siya ng oras para sa aming lahat, magmi-meeting kami kung ano ang gagawin namin. Siguro kahit during the wake [pag-uusapan] kung sino na ang magha-handle sa amin. We will have to talk about it. Hindi naman puwedeng basta manager ka, sige. Hindi, e. Kailangan, 'yong nakasanayan kay Douglas, sana makahanap kami ng katulad niya. Kung sino 'yon, hindi namin alam."

Sa ngayon, wala pa rin silang napipiling talent manager. Ngunit kung saka-sakaling makapagdesisyon na sila kung kaninong management sila lilipat, hiling ni Richard, "Mas maganda sana kung ganun [sama-sama pa rin]. Maganda lang if one day makakita kami ng somebody who's going to handle us, sana madala niya kami nang buo."

Nabanggit din niya kung gaano kalapit sa isa't isa ang mga kapwa niyang talent ni Tito Dougs.

"Alam mo, lahat kami, kahit bihira kaming magkita, pero kapag magkakasama kami, very tight ang relationship namin. Siyempre, kapag may nag-handle sa amin, sa ibang stable na kami, gusto pa rin sana namin magkakasama kami. At saka kung sino man yung manager na makakausap, more than a handful na kami. Medyo mahirap, e, unless talagang malakas na loob mo... Tingnan na lang natin."

Para kay Richard, mas inaalala niya ang mga baguhang talent ni Tito Dougs.

Aniya, "Alam mo, masuwerte ako na 24 years akong naging artista. Ang naiisip ko, parang nahihirapan ako doon sa mga kasama namin sa pool of talents niya, sa maliliit na artista. Parang, sino ang tutulong sa kanila ngayon? Ang hirap, kapag bago ka, you are almost defenseless, e. Kung ano ang malaking alon na dumating sa 'yo, sasalubungin mo lang, e. Unlike kapag nandiyan si Douglas, siya 'yong salbabida n'yo, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"It's [managing talents] totally different. Iba 'yong handling, iba 'yong pag-manage ng talents, e. It's not a big joke. Akala ng mga tao manage-mange lang. Hindi, ang daming responsibility that comes with it. Kapag manager ka, kapag sinabi ng manager mo, dapat pinu-fulfill ng talent mo. Kasi ang mapapahiya, 'yong manager."

Nang tanungin kung ano ang mga aral na naibigay sa kanya ni Tito Dougs, sinabi ni Richard, "Number one, you have to love your job. Second, kailangan maging professional ka sa trabaho mo. Third, maging punctual ka. Kapag sinabing alas-diyes, dapat alas-diyes nandoon ka.

"'Tapos, ayaw na ayaw niya na dahil star ka na, magpa-pack up ka ng taping, magpapa-delay ka, magpapa-late ka, ikaw 'yong cause of delay. O kaya tinanghali ka ng gising, magpapa-pack up ka ng shooting, ayaw na ayaw niya ng ganun. Kaya pansinin mo, sa pool of talents namin, walang ganun."

EXTENDING HELP TO DOUGS'S FAMILY. Bilang pagmamahal nila sa kanilang talent manager, sinabi ni Richard na sila ng kanyang mga kapatid sa showbiz ang bahala sa burol at pagpapalibing kay Tito Dougs.

"Ang sure sa amin, after ng wake, wala nang iisipin ang family ni Dougs. Siguro, sa property ni Dougs, siyempre, sa pamilya na niya. Hands off kami doon, wala kaming magagawa. But 'yong problem, they will have to solve it themselves," ani Richard.

Susubukan din daw nilang gumawa ng paraan para matulungan ang mga pinag-aaral ni Tito Dougs, kasama na ang mga anak ng matagal na niyang driver na si Francis.

"Si Dougs, quietly tumutulong sa mga scholars niya, e. Hindi pa namin alam kung sino ang mag-a-absorb kay Francis, e. Kasi, sa amin, kumpleto na sa trabaho ni Francis. Siguro bukas mag-usap kaming lahat, tingnan namin ang options," ani Richard.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN